3 kabataang artista, ilegal na inaresto


Nakalaya na ang tatlong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na sinampahan ng mga kasong vandalism, malicious mischief at disobedience of a person in authority or his agent.

Nakalaya na ang tatlong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines
(PUP) nitong Set. 23 matapos ilegal na maaresto at ikulong ng Manila Police District (MPD) noong Set. 19, dalawang araw bago ang paggunita ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.

“Matibay na ebidensiya ang pangyayaring ito kung gaano kaliit at kasahol ang mga utak ng kapulisan ng MPD. Manipestasyon lamang ito na hindi sila para sa masang api, kundi sa naghaharing uri,” sabi ng Panday Sining PUP hinggil sa insidente.

Nagpinta sina Arjhei Gon Ryuki, Kayl Ven Rey at Kei Lopez ng mga mensahe sa pader sa kahabaan ng España Boulevard sa Maynila na naglalaman ng mga panawagan laban sa kaltas sa badyet ng PUP at pagpapanagot sa rehimeng US-Marcos Jr.

Sinampahan ang tatlong estudyante ng mga walang basehang kasong vandalism, malicious mischief at disobedience of a person in authority or his agent.