Balik-Tanaw

Heneral Miguel Malvar laban sa mga kolonisador


Pinanday ng panahon ang paninindigan ni Miguel Malvar para sa kapakanan ng mga kababayan. Kahit pa nag-iiba ang mukha ng kaaway, nanatili siyang nasa panig ng mga karaniwang Pilipino.

“Tulad ni Hen. Malvar, hindi tayo dapat magpapalansi sa matatamis na katagang tulad ng ‘pagkakaibigan,’ ‘pagtutulungan’ at iba pang anyo ng panlilinlang ng dayuhang bansa at maging sa matatamis na pangako ng mga bulok na pulitiko sa kasalukuyan.”

Ito ang bilin ng mga manunulat ng librong “Miguel Malvar: Komandante Heneral na Lumaban sa Imperyalismong Estados Unidos.” Sa kasalukuyang panahon, maiging alalahanin ang mga katagang ito at ang kasaysayang pinagmulan.

Ipinanganak si Miguel Malvar noong Set. 27, 1865 sa San Miguel, Sto. Tomas Batangas. May sapat na kayamanan at sariling lupa ang kanyang pamilya. May kakayahan silang mapag-aral sina Malvar at ang kanyang mga kapatid. Imbis na magpatuloy sa kolehiyo, pinili ng Batangueño na magtrabaho sa kanilang lupain.

Napangasawa niya si Paula Maloles, anak ng noo’y capitan municipal (katumbas ng alkalde ngayon) at ‘di kalauna’y naging capitan municipal siya mismo. Sa tiwala ng kanyang mga kababayan, nahalal rin siya bilang gobernadorcillo. Ayon sa mga historyador, malaki ang ambag ng karanasan ni Malvar bilang pinuno ng komunidad sa kanyang magiging pamamalakad sa mga rebolusyanoryo sa Timog Luzon.

Pinanday ng panahon, anila, ang paninindigan ni Malvar para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan. Kaya naman kahit pa nag-iiba ang mukha ng kaaway, nanatili siyang nasa panig ng mga minamaltrato na karaniwang Pilipino.

Naging kumander sa rehiyon si Malvar nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Kastila noong 1896. Isa siya sa mga tumutol sa kasunduang pinasok ni Emilio Aguinaldo sa Biak-na-Bato, kung saan pumayag siyang idistiyero sa Hong Kong ang pamahalaang rebolusyonaryo kapalit ng salapi at amnestiya.

Sumunod si Malvar sa Hong Kong para sumama sa pagtatag ng komite na maglalayong ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan at nang bumalik sa Pilipinas, dala niya ang libong armas para sa pakikibaka. Nagawa niya at ng kanyang hukbo na mapalaya mula sa mga Kastila ang Talisay. Nang sumiklab ang giyera laban sa mga Amerikano, sinikap niyang pigilan ang pagdaong ng mga kolonisador sa Laguna de Bay.

“Pamumuno sa puwersa ng oposisyon laban sa mga kolonisador na Amerikano ang pinakamalaking kontribusyon [ni Malvar],” sabi sa Ingles ng historyador na si Dr. Reynaldo Ileto.

Kahit hindi siya nagwagi sa Laguna de Bay, at kahit pa nahuli at sumuko na si Aguinaldo noong 1901, ipinagpatuloy ni Malvar ang pamumuno sa mga kasamahan na kapwa naniniwalang huwad na kapayapaan ang dala ng Amerika.

“Pinagpala siya ng lokasyon,” sabi ni Ileto. “Laging malapit sa mga kabundukan ng Lipa, o ng Bundok Banahaw o Bundok Makiling ang kanyang mga himpilan.”

Pero dahil sa taktika ng Amerika na pagsunog at pagsira sa mga bukirin na hindi nila pinamumunuan, naging karaniwan ang pagkamatay dahil sa giyera at gutom. Naging hudyat rin ito ng pagsuko ni Malvar noong 1902 kasama ang kanyang pamilya.

Kinalala ng mga Amerikano ang kakayahan ni Malvar kaya ilang beses siyang inalok ng posisyon sa gobyernong kolonyal. Tinanggihan ito ni Malvar na piniling bumalik sa pagsasaka sa bayan niyang biktima ng panununog ng mga Amerikano.