Editoryal

Kadiliman vs Kasamaan


Pareho silang dapat panagutin sa pandarambong sa kaban ng bayan, sa malawakang panunupil at pandarahas sa mamamayan, at sa pagsuko ng ating teritoryo at soberanya sa mga dayuhan. Sa laban ng kadiliman at kasamaan, walang ibang dapat manaig kundi ang mamamayan.

Nagkasolian na ng kandila ang dating magkasanggang-dikit. Sa nakalipas na mga linggo, lalo pang tumindi ang bangayan ng mga Marcos at Duterte. Pero ang pinag-aawayan nila, hindi naman para sa kabutihan ng bayan, kundi para sa kapangyarihan at interes ng kani-kanilang pamilya, mga kroni at among dayuhan.

Sa pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) noong Set. 2, personal na humingi ng tawad si Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa panghihimok sa mga kasapi ng KOJC na iboto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.

Sinabi niya na rin ito sa isang pahayag noong Agosto nang salakayin ng Philippine National Police ang KOJC compound sa Davao City para tugisin si Pastor Apollo Quiboloy, puganteng lider ng grupo at kaibigan ng mga Duterte na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal sa loob at labas ng bansa.

Nagkamali raw siya sa pag-aakalang pareho sila ni Marcos Jr. ng plataporma ng pagkakaisa at pagpapatuloy. Sabi pa ni Duterte, “Filipinos deserve better.”

Sa kabilang banda, tuloy-tuloy naman ang paggamit ng administrasyong Marcos Jr. sa makinarya ng estado para alisin ang natitirang pampolitikang impluwensiya ng mga Duterte. Kaliwa’t kanan ang mga imbestigasyon sa Senado at Kamara para gisahin ang mga dating opisyal ng nakalipas na administrasyon, pati ang bise presidente.

Nakatagong baraha din ni Marcos Jr. ang pagpahintulot sa nakaambang pag-aresto ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga pagpatay kaugnay ng giyera kontra-droga.

Tiyak na titindi pa ang biyakan ng “UniTeam” lalo’t papalapit na ang eleksiyong lokal at senatoryal. Lumalabas kasi, batay sa pahayag ng magkabilang panig, na sa kaibuturan ng kanilang bangayan ay ang hindi natupad na hatian sa kapangyarihan at makukulimbat na yaman.

Nagparaya ang mga Duterte sa mga Marcos noong 2022 sa kasunduang si Sara ang susunod na tatakbong presidente sa 2028. Pero itinutulak ni Marcos Jr. ang Charter change para makapagtagal sa puwesto at mahirang si House Speaker Martin Romualdez bilang prime minister.

Nasa likod ng agawan nila sa kapangyarihan ay ang agawan din sa madadambong na yaman ng kani-kanilang mga kroni. Pinagtatalunan ng magkabilang kampo ang hatian sa mga kontrata at proyektong ibibigay sa mga malalaking dayuhan at lokal na negosyanteng namumuhunan sa kanilang kandidatura.

Pinakamalaking gumagatong sa biyakang Marcos-Duterte ang girian sa interes ng mga amo nilang dayuhan. Todo suporta ang United States (US) kay Marcos dahil sunud-sunuran ito sa pang-ekonomiya at pampolitikang interes nila sa Pilipinas at buong rehiyong Asya-Pasipiko.

Binubuyo naman ng China ang mga Duterte para kontrahin ang lumalakas na presensiya ng US at para protektahan ang pang-ekonomiyang interes sa bansa at pangangamkam nito ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Pero habang tumitindi ang bangayang Marcos-Duterte, nagiging malinaw sa mamamayan na wala sa magkabilang kampo ang tunay na nagsusulong ng kanilang interes.

Sino man ang manalo, hindi pa rin bababa ang presyo ng bilihin, o tataas ang sahod ng mga manggagawa, o mapapabuti ang agrikultura. Patuloy pa ring dadambungin ng malalaking negosyo ang kaban ng bayan at likas na yaman. Patuloy pa ring lalapastanganin ng mga dayuhan ang teritoryo at soberanya ng bansa.

Sino man ang manalo sa awayang Marcos-Duterte, ang mamamayang Pilipino pa rin ang talo.

Kaya mahalagang pahigpitin ang pagkakaisa at sama-samang kumilos ang mamamayan para isulong ang kanilang interes. Dapat ilantad na ang mga Marcos at Duterte ay parehong mga pahirap, pasista at papet.

Pareho silang dapat panagutin sa pandarambong sa kaban ng bayan, sa malawakang panunupil at pandarahas sa mamamayan, at sa pagsuko ng ating teritoryo at soberanya sa mga dayuhan.

Sa laban ng kadiliman at kasamaan, walang ibang dapat manaig kundi ang mamamayan.