Balik-Tanaw

Letter of Instruction No. 1 at No. 1-A


Matapos ideklara ang batas militar sa buong bansa, agarang ipinag-utos ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. na pormal na supilin ang karapatan sa malayang pamamahayag.

Tahimik ang mga lansangan noong martial law sapagkat nakabusal ang bibig ng mga tagapagbantay ng mga estado.

Isang araw matapos lagdaan ang Proclamation No. 1081 na naglagay sa buong bansa sa ilalim ng estado ng batas militar, inutusan ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sina dating Press Secretary Francisco Tatad at dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile na pormal na supilin ang karapatan sa malayang pamamahayag.

Kinakatawan ng dokumentong Letter of Instruction (LOI) No. 1 ang mga utos ng pangulo na samsamin ng lahat ng mga armadong puwersa ng gobyerno ang lahat ng mga ari-arian ng mga pribadong limbagan ng diyaryo at magasin, kasama din dito ang mga pinakamalaking istasyon ng radyo pati na telebisyon. 

Katuwiran ng diktador, ginagamit daw ang mga iba’t ibang porma ng midya sa pagpapalaganap ng mga propaganda laban sa gobyerno at mga awtoridad na naging sanhi ng pagkasira ng tiwala at ng kompiyansa ng publiko dito. Binigyang diin ng kasulatan na maaaring gamitin ng mga armadong awtoridad ang kahit anong pamamaraan ng pagsamsam hanggang sa maiiwasan ang pananakit sa kapwa tao. 

Kasama sa malawakang pagsasagawa ng pagsamsam ang pag-aresto sa mga susing indibdwal sa loob ng industriya. Ilan sa mga inaresto sina Teodoro Locsin Sr. ng Philippines Free Press, Maximo Soliven ng Philippine Star at si Joaquin “Chino” Roces ng Manila Times. Dinala ni Col. Generoso Alejo ang mga hinuling mga mamamahayag kay Philippine Constabulary chief na si Fidel V. Ramos. 

Iginiit ni Ramos, “Walang personalan, mga ginoo. Inutusan ako  upang patahimikin kayo. Makipagtulungan na lamang sa amin. Susubukan namin padaliin ito para sa inyo.”

Sunod na inisyu ni Marcos ang Letter of Instruction No. 1-A noong Set. 28 na siyang nag utos sa partikular na pagsamsam sa mga pasilidad at ari-arian ng ABS-CBN Broadcasting at Associated Broadcasting Corporation (ABC-5, TV5 ngayon).  

Ang ABC ang humahawak sa pinakamadaming kumpol ng mga istasyon ng radyo kagaya ng DZMT, DZTM at DZW pati na ang mga istasyon sa mga malalayong lungsod.

Makasaysayan din ang relasyon ng mga Lopez at Marcos sa larangan ng politika. Noong 1969, nilabag ng mga Lopez ang napagkasunduan na mga termino na nakasaad sa kanilang prangkisa. Upang remedyohan ito, sinuportahan nila ang kandidato ng Nacionalista Party na si Marcos Sr. sa halalan noong 1969.

Gayunpaman, inatake ng mga midya ng mgs Lopez ang pamumuno ng Marcos Sr. ilang taon matapos maupo ang diktador sa pinakamataas na luklukan ng kapangyarihan na siyang nagdulot ng pagkasira ng kanilang relasyon. 

“Ang ABS-CBN Network ay kasangkot sa mga subersibong aktibidad laban sa gobyerno at ang mga nararapat na nasasakupang mga awtoridad at kasabwat sa mga pagkikilos upang pabagsakin ang gobyerno. Ginagamit nila ang kanilang mga pasilidad at tauhan upang magpakalat ng mga subersibong materyal, huwad na balita at mga komentaryo, at mga kasuklam-suklam na mga pahayang  na kumikilos upang isulong ang nagpapagalit na kampanya at illegal na layunin ng Communist Party of the Philippines,” paratang ni Marcos sa ABS-CBN ayon sa LOI No. 1-A. 

Matapos ipatupad ang mga utos ng pangulo, nagkaroon ng bakyum sa iba’t ibang porma ng midya. Wala ng mabibiling bagong diyaryo sa mga tindahan, tahimik na ang mga radyo, at blangko ang mga telebisyon ng tao.

Bilang kapalit, pinapasok ni Marcos Sr., na tumatayo din bilang Secretary of National Defense, ang kanyang mga kroni upang mamuno sa mga midya ng kanyang “Bagong Lipunan.”

Ilang halimbawa sa mga porma ng midya na kontrolado ng estado ang Radio Philippines Network, Kanlaon Broadcasting System (KBS), The Voice of the Philippines, Philippines Broadcasting System at Daily Express. 

Nanatiling nakabusal ang bibig ng midya hanggang sa pagbagsak ng diktadurang Marcos Sr. Ngunit kahit mapanganib ang pamamahayag sa ilalim ng batas militar, may mga matatapang pa rin na mga mamamahayag na nagmamatyag sa diktadura.

Mula sa katahimikan, umusbong ang isang porma ng pamamahayag na tumayo bilang tunay na oposisyon sa midyang kontrolado ng estado. Ito ang tinaguriang “mosquito press” tulad ng WE Forum at Ang Pahayagang Malaya ni Jose “Joe” Burgos Jr., mga pahayagang pangkampus at mga rebolusyonaryong pahayagan na nagpakita ng tunay na kalagayan ng bayan sa ilalim ni Marcos Sr.

Bunsod ng paspasang pagpapatahimik ng estado, umusbong ang isang peryodismong kritikal, mapanuri at mapagmatyag sa mga isyu ng lipunan na nilalabanan ang panunupil na hanggang ngayo’y dama pa rin ng mga mamamahayag ng ating bayan.