Youth On Mission

‘Lumaki po ako sa farm’


Halong tawa at insulto ang nararamdaman ng mga magsasaka—mga tunay na lumaki sa “farm”—dahil malayo ang katayuan sa buhay ni Guo kumpara sa kanilang milyon-milyong magsasakang patuloy na naghihirap.

Kahit ngayon, lalo na’t sunod-sunod ang mga episodyo hinggil kay Alice Guo, nakikita ko pa rin ang mga naunang viral clip mula pa ng mga nakaraang buwan. Nare-recycle ang mga ‘di malilimutan niyang pahayag sa reels at TikTok. Ang isa sa mga video noon na patuloy na nasasagap sa feed ko ay iyong pahayag ni Guo na siya, ‘di umano, ay lumaki sa “farm.” 

Halong tawa at insulto ang nararamdaman ng mga magsasaka—mga tunay na lumaki sa “farm”—dahil malayo ang katayuan sa buhay ni Guo kumpara sa kanilang milyon-milyong magsasakang patuloy na naghihirap. Sabi sa 2 Timoteo 2:6, “Ang nagpapagal na magsasaka ang dapat munang makinabang sa kaniyang mga ani.” Ngunit sila pa rin ang nananatiling pinakamahirap na sektor sa lipunang Pilipino, kumakaharap sa samu’t saring pagsubok ng pagsasamantala at militarisasyon sa kanayunan.

Kapag sinabing tunay na lumaki sa farm, ano nga ba ang kanilang reyalidad?

Ang pinakatampok sa lahat ay ang matinding kahirapan at pangangamkam sa lupa. Pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa, habang tinatayang tatlo sa apat na mahihirap na batang Pilipino ay nasa kanayunan.

Ramdam ang kahirapan dahil din sa kawalan ng serbisyo publiko mula sa pamahalaan na dapat natatamasa ng lahat ng magsasaka. Partikular sa edukasyon, dahil sa hirap ng pagsasaka, marami ang tumitigil sa pag-aaral at nahihikayat na magtrabaho sa sakahan o saanman. Kumakaharap din sila sa iba’t ibang sakuna, ngunit hindi naman nakatatanggap ng angkop na tulong at rehabilitasyon mula sa gobyerno.

Dahil sa kahirapan, marami ang natututong lumaban. Ang mga magsasaka’y bumubuo ng iba’t ibang samahan, ang mga manggagawang bukid ay nagtatayo ng mga unyon. Ngunit sa halip na pakinggan sila, ang mga nasa kanayunan ang pinakatinatamaan ng mga paglabag sa karapatang pantao, kahit sa ilalim ni Marcos. Jr.

Ayon sa datos ng Karapatan, sa unang dalawang taon ni Marcos Jr., mahigit 44,000 na ang biktima ng mga pambobomba sa kanayunan. Dumarami rin ang mga biktima ng pamamaslang, ilegal na aresto, pekeng pagpapasuko, harassment at red-tagging. Hindi ligtas ang kabataan sa kanayunan sa karahasan: ang ilan sa menor de edad na pinatay ng militar sa kanayunan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay sina Kyllene Casao (9), Ben Fausto (11), Raben Fausto (15) at Rey Belan (17). 

Ganito rin kaya ang reyalidad na naranasan ni Guo sa kanyang ‘di umanong paglaki sa sakahan? Malamang, hindi. Sa katunayan, ang pahayag noon ni Guo ay hindi bago. Isa siya sa mahabang listahan ng mga politiko na ginagamit ang kanayunan upang linlangin tayo na sila’y may ‘di umanong simpleng pamumuhay at naninindigan sa magsasakang kalakhan ng populasyon na kanilang kinakailangang mga boto.

Kaya bilang kabataan, susing tungkulin natin na ilantad ang katotohanan na nangyayari sa kanayunan, lalo na’t kalakhan ng kabataa’y mula sa mga anak ng mga magbubukid. 

Hindi maisasakatuparan ang pagiging “pag-asa ng bayan” nating kabataan hanggang hindi natin tinutupad ang susing tungkuling “tumungo sa kanayunan, paglingkuran ang sambayanan.” Dahil ang tunay na demokrasyang inaasam ng mga Pilipino ay tunay na demokrasya para sa nakararami at hindi ng iilang naghaharing-uri. At sapagkat kalakhan ng kababayan at kabataang nagdarahop ay nasa kanayunan, ang tunay na demokratikong Pilipinas ay lupa para sa mga magsasaka, seguridad sa pagkain, pangangalaga sa kalikasan, pagpapalakas ng lokal na produksiyon, pagwawakas ng militarisasyon sa kanayunan—tunay na reporma sa lupa!

Kaya halina, kapwa kabataan, isulong nating makipamuhay at makibaka sa buwan ng mga magbubukid ngayong Oktubre. Ibida natin ang mga tunay na lumaki sa farm at pinalaki ng pakikibaka sa kanayunan.