Youth On Mission

Sayang


Hindi nakapagtatakang pinapauso ngayon ang “terror grooming” bilang multong panakot sa bagong henerasyon ng kabataang magpapabagsak ng mga bagong naghahari-harian sa lipunan.

Sayang daw ang buhay ng kabataan at mamamayan kapag sila’y nagrerebolusyon at tinanganan ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka. Nanggaling pa naman daw sa mga prestihiyosong pamantasan, nakapag-ambag sana sa kalagayan ng kanilang pamilya at nagamit sana ang talino para sa kaunlaran ng bayan.

Itong naratibo ng mga pasista’t reaksiyonaryo ang sumagap sa isipan ko noong Undas habang inaalala rin ang buhay ng mga martir ng sambayanan.

Nagtaka ako: Bakit may pagdidiin ang mga pasista sa kabataan, gayong kalakhan naman ng mga sumasapi sa Bagong Hukbong Bayan ay galing sa hanay ng magsasaka? Bakit hindi ganito ang propaganda nila kapag hindi kabataan ang namamatay sa mga engkuwentro at sa samu’t saring paglabag ng militar sa mga karapatang pantao?

Sa nakaraan kong pitak, binaybay ko ang tunay na papel ng mga pamantasan sa lipunang Pilipino na patuloy na gapos ng mga imperyalista at ng kanilang mga pansariling interes.

Mula noon, hanggang ngayon, mga burukratang aayon sa kaayusang dayuhan ang iniluluwal ng paaralan. Ang isa pang kalalabasan ng edukasyon sa Pilipinas ay maging murang lakas-paggawa sa mga kompanyang dayuhan at lokal. Karamihan nga naman ng mga strand sa K-12 ay Technical Vocational o STEM, mga magluluwal ng mga trabahong in-demand sa ibang bansa.

Humuhubog ang edukasyon na maging sunud-sunuran, bulag at siil tayong kabataan sa kagustuhan ng mga dayuhan na tayo ay tagapagpatupad ng mapagsamantalang polisiya sa pagiging isang burukrata o propesyonal, o maging bahagi ng milyon-milyong ibinebenta ang lakas-paggawa habang nakatatanggap ng ‘di makataong sahod.

Ang uso nga raw sa bagong kabataang manggagawa ay tahimik ka sa employer mo na may ikalawa kang trabaho o sideline dahil ang isang trabaho lang ay hindi na nakabubuhay.

Ang rurok naman ng brainrot na epekto ng edukasyong nagluluwal ng mga manhid ay sa sukdulan, ipagkait ang damdamin at kamalayan na baguhin ang lipunan at magpakakontento sa kabulukan nito. Sa madaling sabi, ang kamalayang maghimagsik.

At diyan din papasok ang isa pang pagbubulalas ng mga pasista na “passé” ang aktibismo at walang kahihinatnan ang rebolusyon. Kaya ang turing sa ganitong gawain ay terorismo, ang lumalahok dito ay nagsasayang lang daw ng oras at ng buhay.

Ngunit kuwento nila iyan, silang mga naghaharing-uri na pawang sakripisyong tupa lang ang turing sa kabataan upang patagalin pa ang isang matagal nang naagnas na sistemang bulok, silang may magagarang kotse at bakasyon na mula sa pagsasamantala at pagwasak ng kalikasan, habang, sa panahong isinusulat ko ito, buong mga komunidad sa Cebu ang niragasa ng baha na galing sa bundok mula sa hagupit ng Bagyong Tino.

Malinaw na ang ugat ng paghihirap ng bawat pamilyang Pilipino at ang sagabal sa kaunlaran ay mga pasista at reaksiyonaryo mismo, kasalukuyang pinakakinakatawan ni Marcos Jr. Samakatuwid, ang mismong pag-iral at pangungunyapit ng naghaharing-uri ay ang paulit-ulit na pagsira sa buhay ng kalakhan. Ito ang moralidad ng nagsasamantala.

Hindi ganito ang moralidad ng kabataan at mamamayan. Kaiba sa pagsasamantala, ang batayang tulak pa nga para sa kalakhang pinagsasamantalahan ay survival, lalo na sa kabataan na bumubuo ng kalakhan ng mga walang trabaho sa hanay ng mga manggagawa.

Saan ngayon sayang ang buhay ng kabataan? Sayang ito sa isang lipunang patuloy na magkakait sa kaniya ng karapatan sa edukasyon at empleyo. Sayang ito sa isang lipunan na ang kalagayan ng susunod na henerasyon ay mas malala pa kaysa kaniyang nararanasan sa kasalukuyan. Sayang ito sa sistema ng edukasyon at kultura na pumipigil sa kaniya na matamo ang kaniyang buong potensiyal sa paglikha ng bagong lipunan.

Takot ang mga reaksiyonaryo na buwagin ng mamamayan ang lipunang nagpapairal ng ganid, indibidwalismo at panlalamig sa kapwa. Takot sila sa pagbabalikwas ng kanilang kaayusang nagpapanatili ng sistemang bulok.

Kaya hindi nakapagtatakang pinapauso ngayon ang “terror grooming” bilang multong panakot sa bagong henerasyon ng kabataang magpapabagsak ng mga bagong naghahari-harian sa lipunan.

Hindi maunawaan ng mga reaksiyonaryo, ang diwa ng mga nabuwal na rebolusyonaryo ay may resureksiyon sa kabataan at mamamayang nadidiskubre ang alternatibong radikal mula sa ating pag-iral na ipinagkakait tayo ng pag-asa.

Sosyalismo o barbarismo (pasintabi kay Rosa Luxemburg)? Pag-iral o paglaho? Sayang ang buhay ng kabataan kung hindi siya maghihimagsik kasama ng malawak na hanay ng mamamayan.

Sa gayon, ang pagrerebolusyon ay nagiging moral necessity, political responsibility, at historical inevitability. Sa pag-alingawngaw ngayon ng mga panawagang “Baguhin ang bulok na sistema!” ay may mga umaalingawngaw na tanong: Rebolusyon? Dapat ang sagot natin, oo!