Youth On Mission

Edukado


Aktibismo ang nagtuturo na dapat ialay ang talento, at kahit buhay na ibinigay ng Maykapal tungo sa paglilingkod sa kapwa pinagsasamantalahan.

Edukado ang mga politikong nagsisilbi sa korupsiyon at sa mga dayuhan. Nagtapos sila sa pinakaprestihiyosong pamantasan sa Pilipinas: Unibersidad ng Pilipinas (UP), Pamantasang Ateneo de Manila, Unibersidad ng Santo Tomas at Pamantasang De La Salle. Tatlo sa mga ito ay mga pamantasang Katoliko. Ito ang dilemma na nakapagkunot ng ulo sa isang madre nang nagtanong siya sa akin, at kung maaari ba raw silang ipasok sa isang retreat upang pagnilayan ang kanilang mga pagkakamali at magbago.

Mawalang-galang na po, Sister, ngunit hindi masasagot ng isang retreat ang panlipunang kanser na deka-dekada nang nanunuot sa lipunang Pilipino. Sa kasalukuyan ay may pag-unlad sa ating pag-unawa na nasa sistema ang problema ng korupsiyon.

Marapatin ngayon nating maunawaan na isang susing nagpapanatili nito ay ang sistema ng edukasyon na sa pinakabag-as ay humubog ng mga magtatapos na magpapatuloy ng isang sistemang bulok.

Susi ang edukasyon hindi sa kahirapan, kundi para sa pagsasamantala. Ito ang nasa isipan ng mga Amerikanong nagtayo ng UP noong 1908.

Kaakit-akit ang Pilipinas dahil napakayaman nito sa mga likas na yaman na pinaglalawayan ng imperyalistang Estados Unidos, at ang pagtatatag ng UP ay paghatak sa mga Pilipinong naghaharing-uri na mga pensionado rin o pinag-aral sa ibang bansa upang maging burukrata ng Estados Unidos at kasangkapan ng pasipikasyon sa panahong nagpapatuloy ang mga pag-aaklas.

Wika mismo ng unang Amerikanong gobernador-heneral at kalauna’y presidente na si William Howard Taft, kailangang humantong na “ang mga Pilipino ay mapapamahal sa ugnayan sa inang bayan[g Estados Unidos], at ang huling hihiling ng pagputol ng mga ugnayang ito.”

At bilang pagdidiin sa tambalang edukasyon-kalakalan, kinakailangang “ipagpaliban at bawasan ang pagsangguni sa mga mithiin, bayani at kasaysayang Pilipino.”

Hindi kataka-taka na kahit ngayon, patuloy pa ring binabawasan ang pagiging kritikal at patriyotiko sa edukasyong Pilipino.

Nailatag na ang pundasyon sa edukasyong maghuhubog ng papet para sa pandarambong kolonyal, ituring ang lahat, mula edukasyon hanggang gobyerno bilang negosyo, o tinatawag nating burukrata-kapitalismo. At mas mahaba ang kasaysayan nito kahit nominal na umalis ang mga Amerikano noong 1946.

Sa isa pa nga sa mga pamantasang “Big 4,” sinasabing ang itinuturo sa mga magiging negosyante sa hinaharap ay kung paano mabisang magbuwag ng mga unyon.

Ano ngayon ang sagot sa ganitong suliranin sa sistema ng edukasyon?

Una, dapat palagiang pakikipamuhay ang mga estudyante sa batayang masa. Sa tingin ko, hindi makasasapat ang taunang immersion sa labas ng paaralan at kahit ang maramihang beses na Christian living o values education sa loob.

Ipinapaunawa ng ensiklika papal na “Gaudium et Spes” ni Papa Pablo VI na ang “mga kaligayahan at pag-asa, ang mga hinagpis at pangamba” ng mga tagasunod ni Kristo ay dapat mula sa mga inaapi at pinagsasamantalahan.

Hangga’t nasa loob ng mga silid-aralan ang mga estudyante, madaling kalimutan ang danas ng mga anawim ng lipunan, madaling matukso na ang anumang edukasyong natamo ay iaalay na lamang sa negosyo at sa dayuhan.

Pangalawa, ang susi sa lahat, ay ang pagbabago ng sistema. Ang sistema ng edukasyon na mula noon ay kolonyal, komersiyalisado at represibo ay nanganganak ng mga nagtatapos na kapwa magpapanatili ng sistemang luhod sa dayuhan at kalakal.

Ito ang mga rason kung bakit binobomba ang mga paaralang Lumad at minamasama ang mga grupong aktibista, kapwa mga paaralang nagsusumikap ng edukasyon mapagpalaya.

Kaya manghikayat tayo na maging aktibista ang mas marami pa. Ang aktibismo ay hindi lang rally, ang aktibismo ay isang edukasyon na naglalatag ng makamasang suri sa lipunan at naglalatag ng makamasang pagbabago ng sistemang panlipunan.

Paaralan ang aktibismo na tumutugon sa babala ni Paulo Freire na “kapag ang edukasyon ay hindi mapagpalaya, ang pangarap ng inaapi ay maging mapang-api.”

Aktibismo ang nagtuturo na dapat ialay ang talento, at kahit buhay na ibinigay ng Maykapal tungo sa paglilingkod sa kapwa pinagsasamantalahan.

Meme ngayon sa social media ang mga tulad nina Escudero, Estrada, Villanueva at Cayetano na nagsitapos sa “Big 4.” Ngunit sa diwa ng ating namumuong kolektibong hangarin na itakwil ang korupsiyon, sina Marcos at Duterte, pati na ang sistemang umiiral, panahon na upang dakilain at sundin ang yapak ng mga nauna sa ating sina Lorena Barros, Edgar Jopson, Armando Mendoza at Immanuel Obispo, silang edukado sa kurikulum ng masa, ginawang eksamen na baguhin ang lipunan.

Nanggaling man sa mga pamantasang pinakatuktok, pinatutunayan nilang “only through militant struggle can the best of the youth emerge.”