Youth On Mission

Karapatang maghimagsik


Para sa maraming mahihirap, hindi kinakailangan ng batas o anumang kodigo upang matantong magrebolusyon.

Sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, isinisigaw natin ang mga batayang karapatang “Lupa!”, “Sahod!”, “Trabaho!”, “Edukasyon” at iba pa. Sa kasalukuyan, kabilang sa pangarap ng mamamayan ang kalayaan mula sa korupsiyon.

Malilikhaing paggigiit ng soberanyang nananahan sa mamamayan ang mga iminumungkahing masisidhing aksiyon na labas sa nakasanayan ng marami: pagpapaalis sa puwesto, transition council at pati pagrerebolusyon.

Sa kasawiang-palad, ginagawang multong panakot ang pagiging “ekstrakonstitusyonal” ng mga ito. May karapatang pawang ipinapalimot sa mamamayan: ang karapatang maghimagsik.

Kahit ang People Power, na kung tutuusin ay mas aklasan pa nga kaysa rebolusyon, na inspirasyon ng marami laban sa korupsiyon, ay pawang ipinapalimot sa atin bilang mapagpasyang pagkilos labas sa itinakdang Konstitusyon.

Saan ngayon pupulot ng pahintulot ang mamamayan na maghimagsik, na baguhin ang sistema? Sa katunayan, kahit ang mga batas o gabay sa kasalukuyan ay hindi nagsasara rito.

Ayon sa Katesismo ng Simbahang Katolika, hindi lehitimo ang armadong pakikibaka sa opresyon maliban kapag lahat ng batayan ay nakamit: may tiyak, mabigat, at matagalang paglabag ng mga karapatang pundamental; lahat ng pamamaraan ay nasagad na; itong pakikibaka ay hindi maghuhudyat ng mas malalang kaguluhan; may matibay na pag-asang magtatagumpay; at makatuwirang imposible nang makakita pa ng solusyong mas angkop (CCC 2243, sariling salin).

Ayon naman sa Unibersal na Deklarasyon ng mga Karapatan Pantao, ang ginugunita tuwing Dis. 10, kinikilala sa Preambulo ang rebelyon “bilang huling magagawa” habang pinangangalagaan ang karapatan.

Kung sa ating Konstitusyon, binabanggit na “ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan” (Art II. Sek. 3). Ibig-sabihin, kapag nagdesisyong mag-rally, mag-aklas o mag-rebolusyon man ang mamamayan, ito ay pagsasabuhay ng soberanyang bayan at dapat kilalanin.

At kung ang soberanyang ganap ay sa taumbayan, alam dapat natin hindi nakukulong sa batas o deklarasyon ang karapatang maghimagsik. Lalo na’t silang mga naghaharing-uri na gumagawa ng mga batas ay madaling tanggalin anumang oras ang anumang kodipikadong maaaring magpahintulot sa pagrerebolusyon.

Para sa maraming mahihirap, hindi kinakailangan ng batas o anumang kodigo upang matantong magrebolusyon.

Kamakailan lang, may pulang mandirigma na namartir sa Negros na nakatatandang kapatid ng magsasakang si Crispin Tingal Jr. na pinaslang ng mga puwersa ng estado noong 2023. Ang mabilisang pagpatay gamit ang pasismo at ang matagalang kamatayan mula sa kahirapan ay higit pa sa oo bilang sagot sa tanong kung dapat bang maghimagsik.

Kung susundin naman ang batas ng kasaysayan, sinasabing ang krisis ay umiiral kapag hindi patas ang ugnayan sa pagitan ng mga uring panlipunan habang binabansot ang pag-unlad ng mga uring inaaapi at iba pang kinakailangan sa produksiyon.

Nagbibigay ito ng mga kondisyon upang maghimagsik. Ngunit dapat malinaw na hindi ito awtomatiko, kahit sa panahong lumalala ang kalagayan ng ekonomiya, klima, politika, at kahit kalusugang mental.

Kaya napakahalaga na kilalanin ang pangangailangan at ang karapatang magrebolusyon. Tao, ang mamamayan ang mapagpasya at pinagmumulan ng lumalawak na kamalayan na ipagtagumpay ang pakikibaka hanggang dulo na pinapatnubayan ng mapagkakatiwalaang ideolohiya, politika at organisasyon.

Ngunit bilang mga api, bagaman marahas maghimagsik, ay kailangan niya itong yakapin dahil hindi siya pahahanay sa moralidad ng nananamantalang uri. Tinatanganan niya ito dahil ito ang magtitiyak ng survival sa panahong winawasak ng kapitalismo ang lahat.

Tama si J. Moufawad-Paul. Kung tutuusin, marahas ang gumising kada umaga. Hindi ba mas madali na lang ang manatili sa panaginip kaysa aktuwal na isakatuparan ang mga kailangang gawin? Gusto nating gisingin ang matagal nang hinehele na bayan mula sa bangungot. Sa kakapanaginip natin, baka bukas paggising natin, kapitalismong apokalipsis na. Kung hindi ngayon, kailan pa? 

Kung gusto nating makamit ito nang aktuwal, hindi na lang dapat mangarap pa. Kailangang magrebolusyon, karapatan at tungkulin natin ‘tong lahat ng mga inaapi. Hindi tayo nanlilimos ng anumang karapatan lalo na sa mga manlulupig na nagkakait, ang karapatang maghimagsik ay maigigiit ng mismong paghihimagsik.