Recruiter
Paparating na ang Nob. 30. Dakilain at sundin natin ang halimbawa si Andres Bonifacio, recruiter ng mga mapanghimagsik.
Bukambibig ng mga pasista’t reaksiyonaryo nitong mga nakaraang taon ang kanilang “babala” laban sa pagrekluta ng mga organisasyong pambansa-demokratiko at baka raw malihis ng landas.
Sa ganitong klaseng “babala,” walang ibang kinahihinatnan kundi ang pagkitil ng mga karapatan ng kabataan at mamamayan sa kanilang kinaroroonan.
Sa mga pamantasan, nangahulugan itong lalong represyon sa pag-oorganisa at pagpapahayag, hanggang sa maraming kaso ng pag-hijack ng mga ahente ng militar at NTF-Elcac sa mga klase ng NSTP. Sa ibang mga sektor gaya ng sa mga manggagawa, binabahay-bahay ang mga lider-unyon.
Sa mga pinakasukdulang pagkakataon, buhay ang naging kahulugan nitong pagnanais na paliitin ang espasyong demokratiko. Sa pinakakahindik-hindik, minamaliit ang mga batayan, lehitimo at matagal nang ipinagkakait na mga panawagan ng mga mamamayan.
Naalala ko noong panahon ng batas militar sa Mindanao, may mga sinasabi ang mga sundalo na kapag sumali ka sa mga nananawagan ng libreng edukasyon, NPA ka na raw.
Nakaranas din ako ng demonisasyon ng pagrerekluta mula sa mga grupong astang progresibo. Naalala ko noon na sa pagrerekluta namin noon sa pamantasan, may mga propesor na magsasabing minamanipula raw ang kabataan at ginagamit lang bilang instrumento sa mga ‘di umano’y “makasariling interes.”
Sa totoo lang, kalakhan, kung hindi man lahat ng organisasyon ay nagrerekluta at ninanais magpalaki ng kasapian. Maaagnas at maaaring maglaho ang organisasyon kapag hindi nagrerekluta. Kahit naman ang mga pasista, nagrerekluta sa pamamagitan ng Mandatory ROTC.
Sa hanay ng mga organisasyong pambansa-demokratiko, madiin sa pagrerekluta. Hindi maitatangging kasama iyan sa bawat oryentasyong isinasagawa ng mga organisasyong ito. Ipinapaliwanag kung bakit nagrerekluta: hindi kaya ng iisa o iilang tao ang tunay na pagbabagong panlipunan. Lalo na ngayong umaalingawngaw ang panawagang “Baguhin ang bulok na sistema,” hindi pagpapalit ng iilang indibidwal na tao ang hinahangad ng taumbayan kundi pagpapalit sistema.
Tayong kabataan at mamamayan ay hindi mangingimi na irekluta ang milyon-milyon pa bilang kinakailangang hakbang sa paggigiit ng pambansa-demokratikong hangarin ng mamamayan.
At ito ay isang bagay na aral ang mga kasapi buhat ng karanasang makasaysayan. May mga tampok man na mga rebolusyonaryo, kahit sa ating kasaysayan, hindi naisakatuparan at napagtagumpay ang kanilang paghihimagsik at pagbabago ng sistema kung hindi kinalahukan ng milyon-milyon. (Paano pa kaya kapag sila ay namuno?)
Kahit sa pang-araw-araw na nagpapagana ng ating mundo, mula sa mga pabrika hangggang sa mga produksiyon sa sakahan, hindi maisasakatuparan kung hindi nilalahukan ng masa. Sa ganitong paaraan, bumibigat ang halagang panlipunan ng mga gawaing iyon.
Ito ang bagay na hindi maunawaan ng mga reaksiyonaryo. Gusto nila, sila lang minorya na 1% ang namumuno. Nag-aaway-away pa nga sila kahit na nasa kanila ang kalakhan ng yamang binubuo ng kalakhan. Akala nila, sa kanila nagmumula ang yaman ng mundo at makinarya ng pagbabago nito.
Ito ang bagay na hindi rin maunawaan ng mga umaastang progresibo na minamata ang masa. Maliit ang tingin sa masang Pilipino bilang puwersang mapagpasya. Kaya sa huli, bumubuntot sa mga personalidad, at sa ilang pagkakataon, aktibo sa represyon ng kilusang masa.
Hindi rin nila maunawaan na hindi ito natatapos sa pagpapasali ng organisasyon. Sinisikap na ang bawat isa’y may kalalahukang gawain at mapauunlad ang lahatang aspekto ng indibidwal upang paglingkuran ang sambayanan.
Kaya kilusang pambansa-demokratiko, ang pinakamatagumpay na recruit ay may sariling pagpapasyang maghimagsik kasabay ng kolektiko. Dahil iyon ang diwa ng pagrerekluta, hindi upang maging tupang susunod lang sa mando, ngunit sa masinsinang pagmumulat at pakikipagkaisa, ay hahantong pa rin sa makatuwirang kongklusyon.
Paparating na ang Nob. 30. Dakilain at sundin natin ang halimbawa ni Andres Bonifacio, recruiter ng mga mapanghimagsik. Sakto, ipinangalan siya kay San Andres, isang mangingisdang disipulo na sinabihan ni Kristo na maging “mamamalakaya ng sangkatauhan.”
Kung seryoso tayong nais ipagpatuloy ang sinimulan ni Bonifacio, kailangan nating maging mamamalakaya ng sangkatauhan. Tayong kabataan at mamamayan ay hindi mangingimi na irekluta ang milyon-milyon pa bilang kinakailangang hakbang sa paggigiit ng pambansa-demokratikong hangarin ng mamamayan.
Tanging sa sama-samang pagkilos ng pinakamarami maililigtas ang sambayanang Pilipino. Habang lumalala ang krisis, kailangan itong paigtingin, sapagkat “napakarami ang aanihin, ngunit kaunti pa lang ang mag-aani.” (Mateo 9:37)