Youth On Mission

Huling panayam ng kabataan kay Jose Maria Sison


Naging mariin sa kanya ang paggamit ng sariling pag-iisip at kapasyahan. Taliwas ito sa mga nagbabato ng akusasyong “kulto” bilang pagkilala kay Propesor Sison.

Sa Peb. 8 ang kaarawan ni Propesor Jose Maria Sison, beteranong aktibista at rebolusyonaryo, pinakakilala bilang tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. 

Ilang buwan siya bago pumanaw noong 2022, nakapanayam ko siya at si Louie Jalandoni. Bagaman hindi sila ang pakay ko sa Olanda, gaya ng mga aktibista, mamamahayag o sinumang interesado na napapadpad doon ay sinasamantala ang pagkakataon na makapanayam silang mga puwersahang ipinatapon sa bahaging iyon ng daigdig.

Nakagugulat na sumakabilang-buhay si Propesor Sison noon dahil naabutan ko siyang malakas pa at malaman kung makipagtalakayan. Ang kahirapan nga lang, halos nagsisigawan na kami dahil mahina na ang kaniyang pandinig. Kung hindi ako nagkakamali, ako ang huling kabataang nakabase sa Pilipinas na nagkaroon ng panayam sa kanya.

Ang masasabi ko rin ay totoo na simple lang siya mamuhay roon. Malayo sila sa sentro ng Utrecht at ang pag-flush ng kubeta ay de-hila pa nga mula sa kisame. Kapag nakita siya, mai-starstruck ka, pero sa haba ng usapan namin, para lang siyang isang lolo na palakuwento at palatawa.

Taong 2022 pa lang noon ay tumpak na ang kaniyang mga prediksiyon sa kahihinatnan ng Pilipinas. Binanggit niya sa akin ang lalalang alitan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte, lalo na at nais bawiin ng mga Marcos ang sa tingin nila ay ipinagkait sa kanila matapos ang Pag-aalsang EDSA.

Inasahan din niya ang paglala ng krisis ekonomiko na sasalamin sa mataas na implasyon at kawalan ng trabaho. Naitala nitong 2025 ang patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin at bayarin sa “serbisyo publiko” at pagsahol ng kalagayan sa paggawa, kasama na ang nakaririmarim na 11.7% na tantos ng kawalan ng trabaho sa hanay ng kabataan.

Tinanong ko rin siya hinggil sa SCMP at iba pang organisasyong relihiyoso, lalo na at naabutan niya ang mga ito noon. Idiniin niya na bagaman binabanggit ni Marx na maaaring opyo ang relihiyon, mariing dapat unawain ang pasubali niyang ito ay repleksiyon ng hinagpis ng bayan.

Aniya, ang Bibliya ay dapat nasa pagtatanggol ng mga inuusig. Binuksan niya rin ang talakayan sa mga kuwento roon na tungkol sa giyera: sa pagdaan sa mga pagsubok at kamatayan na alay sa taumbayan, pagtrato nang maayos sa mga bihag, at makatarungang digma. Sinipi niya ang motto ng SCMP: love thy neighbor and serve the people. At sa tingin niya, iyon dapat ang “meeting ground” sa pagitan ng mga Kristiyano at Marxista.

Mula sa lumalalang nangyayari sa Pilipinas at sa mundo, pinaalala niya na dapat ang rebolusyon ay “class identification and analysis.” Ito ay kanyang babala sa impluwensiya ng identity politics. Banggit niya sa akin, “Kasi ang ginagawa ng identity politics, they over-stress the identity. For example, regarding women, to the exclusion of other sectors and to disassociate it sa classes. They repudiate the importance of classes.”

Babala niya ito upang hindi makita ang saligan at inuugatang lumalalang tunggalian ng mga uring nagsasamantala at pinagsasamantalahan. Sabi pa niya ang matagal nang umiiral na pagsusumikap sa akademyang burges na “any [academic] paradigm will do so long as it obscures the existence existence of classes and class struggle.”

Kaya naman, payo niya ang walang tigil na edukasyon sa kabila ng pagtindi rin ng pang-uusig ng estado. Dapat palakasin ang integrasyon sa masa sa ngalan ng Kilusang Oktubre 24 na naglunsad noon ng malaking protesta laban sa digmaang agresyon ng Estados Unidos sa Vietnam at ang paglahok dito ng puppet na estado ng Pilipinas.

Lahat ng paghubog na ito’y hahantong sa mahuhusay na aktibista na aniya, may “mataas nang kumpiyansa na mamuno sa organizations, magtalumpati sa political events at magpaliwanag sa issues.”

Nakita niya na sa hinaharap ay mas marami ang magpupuna sa gobyerno at sistema dahil hindi mareresolba ang krisis. Ani Sison, “Mas malaking propagander ang crisis kaysa propagandista. Mas maingay ang crisis kaysa propagandista.”

Tumpak si Propesor Sison sa mga nangyayari ngayon. Hindi na maitatago ng mga Marcos at Duterte at ng mga imperyalista ang kabulukan ng sistemang kanilang pinamumunuan at pinag-aagawan. Umaalingawngaw ang krisis kahit sa maraming lugar na walang propagandista.

Ano ngayon ang tungkulin ng kabataan?

Nitong Ene. 30, lumabas ang testimonya ni Stephanie Borinaga na pinabubulaanan ang mga kasinungalingan ng militar hinggil sa kanilang walang habas na pambobomba sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Bagong Taon. Iginiit niya na hindi siya minanipula at ang kanyang pananaliksik at integrasyon sa kanayunan ay bunga ng paglalim ng kanyang unawa sa hinagpis ng mga magbubukid at katutubo.

Kung binabanggit ni Propesor Sison na mas maingay ang krisis kaysa mga propagandista, wala tayong ibang kailangang gawin kundi lalong magmulat at paigtingin na magkaroon ng direksiyon ang masa na manindigan at lumaban hindi upang ipagpatuloy pa ang sistemang bulok kundi wakasan na ito sa wakas. Ito rin naman ang legasiya niya nang pinasigabo nila muli ang kilusan noong mga dekada ‘60 at ‘70.

Naging mariin sa kanya ang paggamit ng sariling pag-iisip at kapasyahan. Taliwas ito sa mga nagbabato ng akusasyong “kulto” bilang pagkilala kay Propesor Sison. Wala silang ipinagkaiba sa mga ahente ng estado na ipinagkakait tayo sa ating tungkulin at karapatang maghimagsik.

Kahit hindi siya umiral sa kasaysayan, may mga kabataan pa ring tulad ni Borinaga na matutulak ng ingay ng krisis na suriin nang kongkreto ang lipunan at isalin ito tungo sa rebolusyonaryong pagbabagong kolektibong pinamumunuan, kinalalahukan at dinidireksiyunan ng malawak na masa. 

Ang mga salita ni Propesor Sison at ang testimonya ni Borinaga ay nagtuturo sa atin na magpunyaging paigtingin ang pakikibaka: hindi na dapat tayo matakot na tumungo kung saan tayo pinakakinakailangan.

Sa binanggit ni Propesor Sison na “crisis generates resistance,” nais kong idagdag na mula sa krisis, nasa atin naman, taumbayan, ang ultimong kapasyahan sa paglikha ng kasaysayan.