Hindi family business ang gobyerno
Bukod sa paggamit sa kapangyarihan para yumaman, dagdag rin sa kasakiman ng mga burukrata-kapitalista ang pananamantala at paggamit ng pampolitikang kapangyarihan para sa korupsiyon at kriminalidad.
Pagpasok ng Oktubre, taas-noong ibinalandra ng mga politiko mula sa magkakaparehong angkan ang pagsusumite ng kani-kanilang kandidatura para sa eleksiyon sa susunod na taon sa mga lokal hanggang pambansang posisyon.
May 66 na pangalan ng mga tatakbong senador ang inanunsiyo ng Commission on Elections kamakailan. Kung susuriin ang listahan, kalakhan sa mga ito ay nagmumula pa rin sa mga mayayaman at prominenteng angkan na nakaupo at pinapaboran ng estado poder. Kabilang na dito ang mga Tulfo at Villar na parehong may mga kamag-anak rin na tatakbo sa parehong kapulungan ng Kongreso.
Pinakatampok pa rin sa lahat ng pampolitikang dinastiya sa bansa ang pamilyang Marcos-Romualdez na hindi lang target na makapanatili sa Senado at Kamara, pero hanggang sa mga lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte at Leyte. Habang ang mga Duterte naman, tinitiyak na makapanatili ang kapangyarihan at pamumuno sa Davao City.
Paano nga ba nagkaroon ng dinastiyang politikal sa Pilipinas?
Kung babalikan ang ating kasaysayan, noong itinatag ang huwad na republika ng Pilipinas taong 1946 sa ilalim ni Manuel Roxas, kinasangkapan ng United States (US) ang mga lokal na traydor mula sa uri ng mga komprador at panginoong maylupa na maging instrumento para panatilihin ang kontrol at dominansya ng imperyalistang US sa ating bayan.
Ipinuwesto sila sa susing posisyon ng burukrasya na bubusugin ng mga pabor, pondo, suhol at kickback mula sa US kapalit ng mga batas at patakaran na pabor sa mga negosyo ng imperyalistang amo.
Para makonsentra at ipreserba lalo ang kanilang kapangyarihan at pribadong yaman, nagtatag rin ang mga ito ng pampolitikang partido na umiikot lang sa pagpapasali sa mga kaanak at kaalyado. Ginawa nilang isang malaking pribadong empresa ang pagpapatakbo sa gobyerno na pinagkukunan ng limpak-limpak na yaman—kaya sila rin ang tatawaging mga burukrata-kapitalista.
Sa kasalukuyan, ang pinakamasahol na konsentrasyon ng mga burukrata-kapitalista at land grabber ay nagsama-sama sa ilalim ng “Alyansa para sa Bagong Pilipinas,” ang koalisyong binuo ng administrasyong Marcos Jr. para sa darating na halalan.
Sa isang banda, ang pagkawasak naman ng UniTeam ng Marcos-Duterte at nagpapatuloy na girian ng dalawang panig ay ekspresyon ng nagbabanggang interes ng pananatili at panunumbalik sa puwesto at kapangyarihan.
Bukod sa paggamit sa kapangyarihan para yumaman, dagdag rin sa kasakiman ng mga burukrata-kapitalista ang pananamantala at paggamit ng pampolitikang kapangyarihan para sa korupsiyon at kriminalidad.
Litaw na litaw ito sa mga nasisiwalat sa mga pagdinig sa Kamara kung paano pinatakbo bilang sindikato ng mga Duterte ang gobyerno sa kapalit ang daang-libong buhay ng mga inosente at biktima ng extrajudicial na pagpatay sa giyera kontra droga.
Nagpapatuloy ang ganitong kriminalidad at kawalan ng hustisya sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr.
Bilang nagmula sa isang pinagbiyak na bato, hindi tuwirang mapanagot ni Marcos Jr. si Duterte. Titiyakin lang nitong hindi makapanumbalik ang mga Duterte sa kapangyarihan. Takot si Marcos Jr. na panagutin si Duterte dahil siya mismo at ang kanyang pamilya, may malaking kasalanan sa mamamayang Pilipino na tinatakasan.
Sa ganitong kalagayan, nagiging malinaw ang puwesto ng kilusang masa para singilin at panagutin ang mga ganid at sakim na burukrata-kapitalista. Nagawa na ito sa kasaysayan nang patalsikin ang mga sagad-sagaring burukrata-kapitalista katulad nina Marcos Sr. at Joseph Estrada. Nagawa rin ng mamamayan na magkasa ng mga protesta at kampanya laban sa korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Arroyo, Aquino, at Duterte.
Tanging ang nagkakaisang lakas ng mamamayang Pilipinong pinagsasamantahalan at inaapi ang maniningil at magpapanagot sa mga kasalanan ng mga Duterte at Marcos.