Main Story

Labanang pamilya sa darating na halalan

Dinastiyang politikal pa rin ang namayagpag nitong nakaraang paghahain ng kandidatura. Bagaman may ilang hindi mula sa angkan ng mga politiko, lumalabas sa datos na magiging labanan pa rin ng pamilya sa pamahalaang nasyonal at lokal.

Sa Saligang Batas ng 1987, itinatadhana na “Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastyang pulitikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas.”

Dinastyang politikal o political dynasty ang tawag sa mayayamang pamilyang dominante sa politika at maaaring sa ekonomiya, may kuwarta, lupa at impluwensiya na nagbibigay sa kanila ng bentaheng mapagtagumpayan ang bawat halalan.

Sa karaniwang salita, sila’y “kamag-anak incorporated” sa gobyerno. Dulot ng dati nang tradisyonal nang paghahari ng iilang pamilya, wala pa ring batas para wakasan ang mga dinastiyang politikal tulad ng itinatadhana ng Saligang Batas.

Sa katunayan, mga dinastiya ang rason kung bakit pare-parehong pangalan na lang ang nasa balota natin at kung bakit hindi natin sila mapuksa sa kasalukuyang mukha ng ating politika.

Nagiging masidhing problema ito sapagkat hindi lehitimo ang representasyon at ang nangingibabaw ang interes ng mga politiko sa mga institusyong pampolitika.

Mula sa mga sulat ng Kastilang historyador na si Juan Antonio Inarejos, hango mula sa mga uring panlipunan ng principalla ang mga unang dinastihyang laganap na ngayon. Bago pa tayo sakupin ng Espanya, sila ang mga dating datu na binigyang kapangyarihan ng mga Kastila upang mangolekta ng buwis at mangasiwa sa bayan.

Nakilala ang kanilang pamumuno sa lantarang pang-aabuso ng kapangyarihan at pangingikil ng kaban ng bayan. Nang sakupin ng Amerika ang Pilipinas, kasabwat ang mga dinastiya sa marahas na pagbubuo ng mga papet ng republika.

Dahil sa kolonyalismo, walang katapusang politika ng mayayaman at panginoong maylupa ang namayagpag at ang ang lalong nagkamal ng ari-arian ang mga dati nang makapangyarihang pamilya katulad ng mga Osmeña, Aquino at Marcos.  

Sa kasalukuyan, malubha ang sitwasyon sapagkat mayroong dinastiyang politikal sa bawat antas ng pamahalaan. Mula sa tatay hanggang sa anak, inilalarawan ng pag-upo muli ng isang Marcos bilang pangulo ang kapasidad ng kayamanan upang protektahan ang pansariling interes, yaman at pangalan. 

Ayon kay Carla Teng, dating punong patnugot ng Office of the President, mula sa mga makapangyarihang dinastiyang politikal ang nakaraang apat na pangulo ng bansa. Dagdag pa dito, sila rin ang mga pamilyang humulma sa naging mukha ng ika-21 siglo ng politika sa Pilipinas.

Paliwanag ni Teng, mahalaga ang pagkapanalo ni Marcos Jr. sa halalan noong 2022 sapagkat naging daan ito upang lumawak pa ang pinagkukunan ng boto ng mga Marcos at Romualdez sa mga rehiyon.

Kasalukuyang nanungkulan bilang senador ang kanyang nakatatandang kapatid na si Imee Marcos habang kinatawan ng Ilocos Norte 1st District ang kanyang anak na si Sandro Marcos. Bise gobernador naman ng Ilocos Norte ang pamangkin ni Marcos Sr. na si Cecilia Araneta Marcos habang gobernador ang anak ni Imee na si Matthew Manotoc.

Sa panig ng mga Romualdez, tumatakbo muli bilang alkalde ng Tacloban City at kinatawan ng Leyte 1st Distrct ang magpinsan na sina Alfred Romualdez at Martin Romualdez. Si Yedda Marie Romualdez, asawa ni Martin, ang kasalukuyang kinatawan ng Tingog Sinirangan Partylist sa Kamara.

May kasaysayan din ang mga Duterte sa politika na umuugat kay Vicente Duterte, ang ama ng dating presidente na si Rodrigo Duterte, na naging alkalde ng Danao, Cebu at gobernador ng noo’y iisang lalawigan ng Davao. 

Sa paparating na halalan, kamakailan lang inihain ng pamilya Duterte ang kanilang mga certificate of candidacy (COC) para sa tatlong pinakamataas na posisyon sa Davao City.

Tatakbo bilang alkalde ng Davao City ang dating pangulo habang ang kanyang mga anak na si Sebastian at Paolo ay tatakbo bilang vice mayor at kinatawan ng Davao City 1st District.

Hindi lang sa rurok laganap ang presensiya ng mga dinastiyang politikal. Kamakailan lang natapos ang huling araw ng paghahain ng COC para sa pagkasenador at marami sa mga tumatakbo ang mula sa mga dinastiya.

Inilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang 184 na COC ng mga tatakbong senador at 53 na certificate of acceptance and nomination (CONA) na inihain ng mga tatakbong partylist.

Ito ang unang pagkakataon na inilabas ng Comelec sa publiko ang mga COC at CONA ng mga tatakbong kandidato. Katuwiran ng Comelec na inilabas nila ito upang salatin at suriin ng publiko ang mga kandidatong tatakbo.

Gayunpaman, iginiit ni Jean Encinas-Franco, propesor ng agham pampolitika sa University of the Philippines Diliman, na ang mga nagtalaga ng kanilang pagtakbo ay pinangingibabawan ng mga dinastiyang politikal.

Isa sa mga senatorial slate na agaw-pansin sa bilang ng mga dinastiyang inookupa nito ang “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” na binubuo nina Imee Marcos, Pia Cayetano, Lito Lapid, Francis Tolentino at Bong Revilla na mga kasalukuyang senador na tumatakbo muli para sa posisyon. Kasama din sa koalisyon na ito ang mga dating senador na sina Panfilo Lacson, Tito Sotto at Manny Pacquiao.

Ani Arjan P. Aguirre, isang propesor ng agham pampolitika sa Ateneo de Manila University, “Ito ay isang koalisyon ng mga makapangyarihang dinastiya at napakalaking kayamanan. At oo, sila ang nangunguna sa sarbey habang papalapit ang paghahain ng mga [certificate of candidacy].”

Dagdag ni Aguirre na kung manalo man ang koalisyon ng pangulo, nangangahulugan ito na magpapatuloy lang ang kasalukuyang ayos sa lipunan sa ikalawang bahagi ng kanyang panunungkulan.

“Sa mata ng pangkaraniwang botante, ang listahan ng koalisyon ay mga lumang pangalan na maaaring makakuha ng reaksiyon ng ‘mapagkakatiwalaan’ o ‘sila-sila na naman,” paliwanag ni Anthony Lawrence Borja na nagtuturo ng agham pampolitika sa De La Salle University.

Dagdag ni Borja na kinakatawan ng koalisyon ng administrasyong Marcos Jr. ang mga konserbatibong politikal na paniniwala na nakabinbin sa naratibo ng “unity.” 

Dumarami din ang pagpasok ng mga bagong pamilya sa lokal na politika ng mga lalawigan na pinagkukunan nila ng boto nitong nakalipas na taon.

Ayon sa pananaliksik ng Ateneo School of Government noong 2022, mahigit 80% sa Kongreso at 50% sa lahat ng mga posisyon sa pamahalaan lokal ang mula sa mga dinastiyang politikal. Mayroon umanong malakas na ugnayan ang kahirapan at ang mga dinastiyang politikal dahil yumayabong ang mga dinastiyang ito sa kondisyon ng kahirapan.

Ayon naman sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) nitong Okt. 25, mahigit dalawang dosenang mga angkan ang naghain ng kandidatura. Kapag nanalo, may lima hanggang 11 magpapamilya ang posibleng sabay-sabay na maupo sa pamahalaang lokal o sa lehislatura.

Made with Flourish

Halimbawa raw nito ang angkan ng mga Ortega na pinakamatandang political dynasty at may hindi pa napapatid na pamumuno sa sa La Union. May 11 na magkakamag-anak ang maglalaban para sa walong posisyon.

Sa Mindanao, walo sa mga miyembero ng angkan ng Hataman-Saliman ang maglalaban para sa maging alkalde at gobernador sa Basilan. Sa South Cotabato at Sarangani naman, pito mula sa angkan ng mga Pacquiao ang tatakbo.

Sa pagsisiyasat ng PCIJ sa mga distrito, walo sa kada 10 district representative ang mula sa dinastiyang politikal. Sa mga ito, 142 ang tatakbo muli at 67 ang balak palitan ng kaanak. Nasa 33 na district representative lang ang hindi parte ng dinastiyang politikal. 

Halimbawa na nito ang mga Marcos sa Ilocos Norte kung saan tumatakbo para sa kanyang ikalawang termino sa unang distrito si Sandro Marcos, anak ng pangulo, habang tumatakbo para sa ikatlong termino sa ikalawang distrito ang kanyang tito na si Angelo Marcos Barba.

Sa pag-aaral ng Ateneo Policy Center, maaaring magbalik ang patas na kompetisyon sa ating halalan kung magpapakila pa tayo ng mga kandidato na hindi hango mula sa mga dinastiyang politikal.

Patuloy na mamamayani ang dinastiyang politikal kapag hindi maisasabatas ang Anti-Political Dynasty Bill o ang panukalang batas na nagbabawal sa magkakamag-anak na sabay-sabay o salit-salitang pagtakbo sa lokal o nasyonal na posisyon sa pamahalaan. 

Unang sumabak sa eleksiyon ang mga progresibong partylist pagkatapos ng ikalawang People Power Uprising noong 2001. Mula sa Bayan Muna Partylist noong 2001, mayroon na ito ngayong apat na kasaping partylist ang Makabayan Coalition kasama ang Gabriela Women’s Party, Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist.

Nakilala ang mga partylist ng Makabayan bloc sa Kamara dahil sa kanilang pagtindig laban sa korupsiyon at katiwalian at pagsusulong ng mga reporma at adbokasiya para sa mga manggagawa, magsasasaka, kababaihan, kabataan at iba pang marhinadong sektor.

Para sa 2025, magpapatakbo ng 11 kandidato sa Senado ang Makabayan Coalition at ipagpatuloy ang pagpapatalsik sa pamahalaan ng mga dinastiyang patuloy na pinamamahalaan ang bansa.

Binigyan diin ni dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño na tumatakbong senador sa ilalim ng Makabayan Coalition ang pagsulong ng Anti-Political Dynasty Law, kasama ang pampolitikang reporma tulad ng Right to Information Law at Whistleblower Protection Act.

“‘Yong pagbabalik ng [mga] Marcos sa puwesto ay nagsilbing malaking aral sa ating mamamayan, na itong mga political [dynasty] na ito, kapag hindi mo talaga tinigil, babalik at babalik,” ani Casiño.

Dagdag pa dito, isinasaalang-alang ng Makabayan Coalition ang paggamit ng probisyong anti-political dynasty sa ilalim ng Republic Act 11768 o Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act sa diskuwalipikasyon sa dinastiyang politikal sa darating na halalan.

“Ayon sa batas, sino mang mahalal o tinatayang opisyal ng SK ay hindi dapat kamag-anak ng sinumang nakaupo sa pamahalaan maging sa rehiyon, lalawigan, lungsod, munisipyo o barangay nang kung saan nais mahalal ng tatakbo,” paliwanag ni Casiño.

Samantala, lumagda sa isang kasunduan ang kandidato sa pagkasenador ng Makabayan na hindi mamamayani ang kanilang pamilya sa pagtakbo sa politika at susuportahan nila ang paghain ng Anti-Political Dynasty Bill kapag nanalo.

“Hindi uunlad ang ating bansa kung puro dynasty ang namumuno habang hindi napapakinggan ang boses ng karamihan,” sabi sa panata laban sa dinastiyang politikal ng Makabayan Coalition Senate slate at ng mga nominado sa partylist.