Nawawalang tanggol-kalikasan sa Quezon, natagpuan na


Nakipag-ugnayan siya sa amin at ipinaalam na nananatili siyang nakatuon sa kanyang mga adbokasiya para sa kapaligiran at karapatang pantao,” pahayag ng mga abogado ni Rowena Dasig. 

Matapos ang dalawang buwan pagkawala, lumitaw ang tanggol-kalikasan at Anakbayan Southern Tagalog secretary general na si Rowena “Owen” Dasig nitong Okt. 22.

Kasama ng kanyang mga abogadong sina Antonio La Viña at Carlos Zarate, plano ng kanyang panig na magsampa ng kaso laban sa mga jail officer ni Dasig. 

“Sa wakas ay natagpuan na si Owen at natutuwa kaming marinig na siya ay kasalukuyang ligtas. Nakipag-ugnayan siya sa amin at ipinaalam na nananatili siyang nakatuon sa kanyang mga adbokasiya para sa kapaligiran at karapatang pantao,” pahayag ng mga abogado ni Dasig. 

Ayon kina La Viña at Zarate, pinakawalan si Dasig sa Lucena City District Jail ng mga awtoridad nang hindi pinaalam sa kanyang mga abogado.

Sapilitan ding dinala sa Bikol si Dasig matapos makalaya bago makontak ang kanyang abogado makalipas ang dalawang buwan. Hanggang ngayon, hindi pa tukoy kung sino ang nagpadala kay Dasig sa Bikol. 

Iginiit ng mga abogado ni Dasig na labag sa Article 126 ng Revised Penal Code o unduly delays in the service of the notice ang pagkaantala sa kanyang paglaya mula sa detensiyon.

Inaresto ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army si Dasig noong Hulyo 12, 2023 kasama ng community health worker na si Miguela Peniero habang nagsasagawa ng konsultasyon at pananaliksik sa mga komunidad sa Atimonan, Quezon.

Inilabas ng Gumaca Regional Trial Court Branch 172 ang hatol na nagpapawalang-sala kay Dasig sa mga isinampang gawa-gawang kaso laban sa kanya nitong Ago. 13. Nitong Ago. 22 naman sinasabing pinalaya siya, ngunit pagkaraan nito’y walang balita kung nasaan napunta si Dasig. 

Nang puntahan ng mga paralegal ang district jail tungkol sa paglaya ni Dasig, sinabi ng mga awtoridad na natanggap na siya ng kanyang mga kamag-anak. Ngunit hindi alam ng sariling pamilya ni Dasig na pinalaya rin siya.

Umulan ng panawagan tungkol sa kanyang sapilitang pagkawala at para sa ligtas niyang pagbabalik sa nagdaan dalawang buwan.

Inaresto sina Dasig at Peniero habang nagsasagawa ng pag-aaral sa mga posibleng epekto mga komunidad at kalikasan ng planong pagtatayo ng combined cycle turbine power project at liquified natural gas terminal plant ng Atimonan One Energy Inc.

Samantala, nananatiling nakapiit sa Batangas City Provincial Jail si Peniero na nahaharap sa gawa-gawang kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act.