Desisyon ng korte, nagbigay pag-asa sa pamilya Salaveria
Ayon kay Ben Galil Te, isa sa mga abogado ng mga anak ni Felix Salaveria Jr. na sina Felicia at Gabreyel Ferrer, posibleng tumungo ito sa pagsiwalat ng kinaroroonan ni Salaveria kung lubusang ipatutupad ang utos ng korte.
Ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang pribilehiyo ng writ of amparo at writ of habeas data sa mga anak ng nawawalang cycling advocate na si Felix Salaveria Jr.
Sa desisyon ng Former Thirteenth Division ng CA noong Hul. 21, inatasan ang mga petisyoner na magsumite ng mga dokumentong kaugnay ng kaso sa Commission on Human Rights (CHR) at pagtiyak sa isang masinsin, seryoso at epektibong imbestigasyon. Inutusan din ang CHR na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.
Ayon kay Ben Galil Te, isa sa mga abogado ng mga anak ni Salaveria na sina Felicia at Gabreyel Ferrer, posibleng tumungo ito sa pagsiwalat ng kinaroroonan ni Salaveria kung lubusang ipatutupad ang utos ng korte.
Giit ng abogado, nabigo ang Philippine National Police na magsagawa ng kinakailangang extraordinary diligence sa imbestigasyon, dahilan para ituring silang responsable sa patuloy na pagkawala ni Salaveria.
Si Salaveria, 66 anyos na siklista at aktibista, ay puwersahang isinakay ng mga lalaking nakasibilyan sa isang van noong Ago. 28, 2024 sa harap ng inuupahan bahay sa Barangay Cobo, Tabaco City, Albay.
Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, nakuha sa CCTV ang pangyayari at may mga saksi mula sa komunidad.
Limang araw bago damputin si Salaveria, nawala ang kaibigan niyang si James Jazmines, isang dating labor organizer. Magkaibigan at kapwa siklista ang dalawa. Parehong naging biktima ng katulad na pagdukot ng mga pinaghihinalaang elemento ng militar.
Si Salaveria pa ang unang nag-ulat sa pagkawala ni Jazmines noong Ago. 26, 2024 matapos hindi makontak simula Ago. 23, 2024 sa gabi ng kanyang kaarawan kung kailan huling nakita si Jazmines.
Nagsagawa ng quick reaction mission ang Karapatan, kasama ang asawa ni Jazmines at mga lokal na kaalyado, ngunit si Salaveria naman ang dinukot kinahapunan ng araw ng paghahanap.
Kinondena ng Karapatan ang kawalan ng sinseridad at aksiyon ng pulisya sa Albay kaugnay ng imbestigasyon sa pagkawala ng dalawa.
Ayon sa grupo, may sistematikong pagpapaliban hindi lang mula sa pulisya kundi maging sa mga korte. Hindi rin anila binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahit isang kaso ng enforced disappearance sa kanyang State of the Nation Address, sa kabila ng hindi bababa sa 15 biktima ng ganitong krimen sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nanawagan ang Karapatan sa Kongreso na magsagawa ng oversight hearing upang silipin ang ugat ng kawalang implementasyon ng Anti-Enforced Disappearance Law at agarang ratipikasyon ng International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance.