Proteksiyon sa pamilya ng dinukot na aktibista sa Albay, iginawad ng Korte Suprema
Binigyan ng Korte Suprema ng pansamantalang proteksiyon ang pamilya ng nawawalang aktibistang si James Jazmines na dinukot ng mga ahente ng estado sa Tabaco City, Albay noong Ago. 23, 2024.
Kinatigan ng Supreme Court En Banc ang petisyon ni Ma. Elena Corazon Jazmines, kabiyak ng nawawalang aktibistang si James Jazmines, para sa writ of amparo at writ of habeas data sa inilabas na desisyon nitong Hul. 3. Isinampa ng asawa ni Jazmines ang petisyon sa Korte Suprema noong Nob. 14, 2024.
Sa parehong desisyon ng korte na may petsang Mayo 6, 2025, inaatasan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang commander-in-chief ng sandatahang lakas, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil at iba pang opisyal ng militar at pulisya na magsumite ng verified return sa Court of Appeals.
Mga remedyong legal ang writ of amparo na nagbibigay ng proteksiyon sa mga pundamental na karapatang konstitusyonal ng petisyoner at writ of habeas data na nagbibigay proteksiyon sa personal na impormasyon at pribasiya ng petisyoner.
Ginawaran din ng Korte Suprema ang pamilya ni Jazmines ng temporary protection order laban sa anumang banta sa kanilang buhay, kalayaan at seguridad. Sa bisa nito, hindi maaaring lumapit sa palibot ng isang kilometro ang mga elemento ng pulisya at militar sa pamilya ni Jazmines.
Dinukot ng mga pinaghihinalaang ahente ng estado si Jazmines noong Ago. 23, 2024 sa bahay niya sa Brgy. San Lorenzo, Tabaco City, Albay. Kapatid si Jazmines ng nakapiit na peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Alan Jazmines.
Kasunod namang dinukot noong Ago. 28, 2024 ang kaibigan ni Jazmines at eco-waste management advocate na si Felix Salaveria Jr. malapit sa bahay niya sa Brgy. Cobo, Tabaco City, Albay. Nakuha sa CCTV ang akto ng pagdukot kay Salaveria na isinakay ng mga lalaki sa isang gray na van.
Wala pa ring nakakaalam sa kasalukayang kinaroroonan nina Jazmines at Salaveria.