Petisyon para ilitaw ang mga nawawalang aktibista sa Bikol, inihain sa Korte Suprema
Bukod sa mga nabanggit na petisyon, hiling din ng mga kaanak ng mga biktima na itigil ang red-tagging at terrorist-tagging sa iba pang mga nawawalang aktibista.
Naghain ng petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data noong Nob. 14 sa Korte Suprema ang mga kaanak nina James Jazmines at Felix Salaveria Jr. na dinukot sa Tabaco City, Albay sa magkahiwalay na insidente noong Agosto.
Proteksiyon ang writ of amparo sa mga taong may banta sa buhay, kalayaan at seguridad. Inaatasan nito ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal na itigil ang anumang aksiyon na nagdudulot ng panganib.
Samantala, nagtatanggol ang writ of habeas data sa karapatan ng isang tao sa pribasiya at personal na impormasyon. Inaatasan nito ang mga indibidwal na huminto sa pangangalap, pagtatago o paggamit ng impormasyon tungkol sa nagpetsiyon at kanilang pamilya.
Inihain nina Cora Jazmines, asawa ni Jazmines, at Gabreyel at Felicia Ferrer, mga anak ni Salaveria, ang mga petisyon sa tulong ng mga abogado ng National Union of Peoples’ Lawyers at La Viña, Zarate and Associates.
Nananawagan silang suportahan ang petisyong ito kasama ang ilang progresibong grupo tulad ng Karapatan at Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).
“Sana, nandito kami ngayon sa Korte Suprema, umaasa kami na matutulungan kami na mapalitaw yung tatay namin pati na si James at iba pang mga iwinala,” pahayag ni Gabreyel.
Ayon kay Antonio La Vina, abogado ni Jazmines, malinaw umanong mga puwersa ng estado ang nasa likod ng magkasunod na pandurukot matapos na maaktuhan sa isang closed-circuit television (CCTV) footage ang pagdukot sa kanyang kliyente.
“Naniniwala kami na nasa kamay ng security forces [sina Jazmines at Salaveria] dahil nakita namin sa CCTV, malinaw na police or military operation ‘yong nangyari. Kaya nanghihingi kami ng writ of habeas data kung anong alam ng gobyerno sa pagdukot na ito. Una, ipa-surface, writs of amparo. Pangalawa, pagdukot,” aniya.
Para kay Eco Dangla ng Kalikasan PNE, isa sa mga nakaligtas sa pandurukot sa Pangasinan noong Marso, ang gawaing ito’y malinaw na paglabag sa karapatang pantao at pamamaraan ng gobyerno upang patahimikin ang mga nagtataguyod ng pagbabago.
“Ang ganitong kalakaran ay hindi isolated kung hindi isang sistematikong pamamaraan ng gobyerno para takutin, para patahimikin ang mamamayan lalo na ang nakikipaglaban para sa kalikasan para sa karapatan at para sa pagsusulong ng pagbabago sa lipunan,” giit niya.
“Kaya po pinapanawagan natin na itigil na ang ganitong patakaran ng gobyerno. Itigil na ang enforced disappearance at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Isipin niyo po kung gaano kasakit para sa pamilya na hindi nila alam kung nasaan, kung ano ang kalagayan, kung ano ang kahihinatnan ng kanilang mahal sa buhay,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga nabanggit na petisyon, hiling din ng mga kaanak ng mga biktima na itigil ang red-tagging at terrorist-tagging sa iba pang mga nawawalang aktibista.