Scholasticide
Kung ano-ano na lang ang winawasak ng Israel: bukod sa mga buhay at pamilya, mga pook-sambahan, mga ospital, at pati mga paaralan na pawang mga krimen sa pandaigdigang batas ng digma.
Saan ka nakakakita na lahat ng paaralan ng isang bansa ay winasak? Sa kasawiang-palad, ganito ang ginagawa ng Israel sa Palestina. Isang taon na ang lumipas mula ng panibagong bugso ng henosidyo ng Israel buhat ng makatarungang Daluyong ng Al-Aqsa.
Kung ano-ano na lang ang winawasak ng Israel: bukod sa mga buhay at pamilya, mga pook-sambahan, mga ospital, at pati mga paaralan na pawang mga krimen sa pandaigdigang batas ng digma.
Lahat ng pamantasan sa Gaza ay wasak na buhat ng mga opensibang militar ng Israel na suportado ng United States. Mahigit 80% na ng mga paaralan ang napinsala o guho na. Ayon sa mga eksperto mula sa United Nations, dapat nang tingnan kung mayroong sinasadyang “scholasticide” dahil bukod sa mga pasilidad, libo-libong kabataan at edukador na rin ang pinapatay ng mga hukbong Israeli.
Ang kabataang Palestino na magpapatuloy ng pakikibaka para sa ganap na kalayaan ng Palestina ay kumakaharap sa isang kinabukasang pinagkakaitan ng pag-asa buhat ng scholasticide ng Israel. Kapwa hindi ligtas sa atake ang mga aklatan, sinupan, museo, pook-arkeolohiko, at iba pang yamang kultural ng Palestina.
Hindi nalalayo ang kalagayan ng mga paaralan sa Palestina sa mga paaralan ng mga katutubo sa Pilipinas. Mahigit 200 paaralang Lumad ang ipinasara ng rehimeng Duterte buhat ng madugong kontra-insurhensiya.
Ang mga paaralang ito ay mula sa inisyatiba ng mga pamayanang Lumad, kaisa ang mga institusyong simbahan, non-government organization, at iba pa na nagnanais punan ang kakapusan ng pamahalaan na magbigay ng edukasyon sa malalayong komunidad.
Sa kasalukuyan, ramdam pa rin natin ang pang-uusig sa mga Lumad. Bukod sa kahirapan na makabalik at muling itaguyod ang mga paaralan, kumakaharap ang mga estudyante at guro mula sa Talaingod, Davao del Norte ng hatol laban sa kanila buhat ng isang misyong reskyu noong 2018 laban sa mapang-abuso at mapanghimasok na presensiya ng militar.
Sunod-sunod na rin ang kaso ng militarisasyon sa iba’t ibang pamanatasan sa porma ng mga klase sa National Service Training Program na biglaang red-tagging forum, University of the Philippines-Armed Forces of the Philippines Declaration of Cooperation, at mismong presensiya ng mga puwersa ng estado sa loob ng mga kampus.
Dalawahan ang epekto ng scholasticide kapwa sa Pilipinas man o sa Palestina. Una, dinudurog nito ang ating likas na karapatan bilang kabataan na makapag-aral. Pangalawa, niyuyurakan nito ang edukasyon bilang tuntungan para maging abot-kamay ang isang mas maunlad na kinabukasan at lipunan na inaasahan mula sa iba’t ibang itinuturong kapasidad at kakayahan.
May pagtatangi ang kahulugan ng pangalawang epekto sa mga Palestino at katutubong Pilipino sapagkat ang inaasam nating edukasyon ay mapagpalaya, kapwa laban sa panghihimasok ng mga dayuhan at imperyalista na naglalaway sa mga reserba ng langis sa Gitnang Silangan at mga likas na yaman sa loob ng mga lupaing Lumad.
Ito ang mga tunay na motibo sa mga tangka ng scholasticide—panatilihing sunud-sunuran ang kabataan sa kagustuhan ng mga ganid at mapagsamantala, kahit ang kapalit ay pagwasak ng mismong sistema ng edukasyon at pagpaslang sa mga guro’t kabataan.
Tungkulin ng kapwa kabataang Pilipino ngayon na ipagtanggol ang karapatan sa edukasyon kahit na ito ay inaatake ng pasistang estado. Ito’y tuntungan natin hindi lang para sa kinabukasang pansarili, kundi lalo para sa pag-aambag sa pagbabagong panlipunan tungo sa mas maaliwalas na kinabukasan para sa lahat.
Sa susunod na buwan, Nob. 17, ay Pandaigdigang Araw ng mga Mag-aaral. Patuloy nating ikarangal ang diwa ng mga estudyanteng Czech na namartir sa ilalim ng mga pasistang Nazi, ng buhay ng libo-libong kabataang Palestino na minamasaker ng kolonyalistang Israel, at ng mga estudyanteng Lumad na minimilitarisa at pinapalayas.
Ipanawagan natin at padagundungin ang karapatan sa edukasyon ng kabataan saanman—Palestina, Pilipinas, Myanmar at marami pa—hanggang mabawi natin ang mga pamantasan na maging abot-kaya at nagsisilbi para sa kabataan at mamamayan. Kailangan nating sama-samang kumilos at ipahayag na hindi dapat pahintulutan ang anumang atake sa mga paaralan, ang anumang atake sa ating kinabukasan.