Komentaryo

Hindi na bagong mukha ng imperyalismo


Bilang isang neokolonya ng Estados Unidos, ang Pilipinas ay nasa kritikal na posisyon tuwing naghahangad ang Amerika na palawakin ang impluwensiyang militar at ekonomiya nito sa Asya.

Sa pagtatapos ng eleksiyon sa United States (US) ngayong 2024, muling nanumbalik si Donald Trump sa kapangyarihan ng isang imperyalistang bansa.

Sa huling pagsusuri, ang kanyang pagkapanalo’y hindi na nakakagulat sa isang bansang punong-puno ng pagkakahati sa pananaw sa lokal at pandaigdigang polisiya, kasama na ang mga anti-popular na digmaan ng dumaang administrasyon ni Joe Biden sa Russia at ang pakikibaka ng mga Palestino laban sa ekspansyonismo ng alyansang US-Israel. Ang retorikang anti-China, anti-Russia at anti-Palestine ni Trump ay patikim ng paparating na imperyalistang digmaang tiyak na dadalhin sa Pasipiko at Gitnang Silangan.

Ngunit bilang mga Pilipino, ano nga ba ang implikasyon ng muling pagbabalik ni Trump sa kapangyarihan?

Bilang isang neokolonya ng Estados Unidos, ang Pilipinas ay nasa kritikal na posisyon tuwing naghahangad ang Amerika na palawakin ang impluwensiyang militar at ekonomiya nito sa Asya.

Sa pagkahalal kay Trump, ang agresibong tindig ng Amerika laban sa mga bansang ito’y hindi malabong humantong sa pagpapadala ng mas maraming tropa, pagdaragdag ng mga base militar at paglalagay ng mga kagamitang pandigma sa ating teritoryo.

Habang iginiit ng Amerika ang kanilang anti-China agenda, lalong luminaw ang kanilang layunin: kontrolin ang Pasipiko sa pamamagitan ng kanilang kaalyado at ang Pilipinas ang magiging pangunahing lunsaran ng kanilang polisiyang pang-uupat ng giyera.

Hindi bago ang ganitong mga hakbang sa kasaysayan ng ating bansa. Mula pa noong panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyang konstruksiyon ng mga pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang Pilipinas ay ginawang estratehikong base ng Amerika para sa kanilang mga digmaan at interes.

Sa pagbabalik ni Trump, maaaring lumala ang ganitong sitwasyon, at muling magiging laruan ang ating bansa sa kamay ng isang imperyalistang bansang nais lang palawakin ang impluwensiya nito. Ibig sabihin, maaaring magpatayo pa ng dagdag na mga base, maglunsad ng mas madalas na military exercises at palawigin ang presensiya ng kanilang mga sundalo.

Sa ganitong sitwasyon, ang ating mga komunidad ay nagiging bulnerable sa posibleng pagsiklab ng sigalot sa rehiyon—isang panganib na tanging ang Amerika at mga lokal nitong kaalyado ang makikinabang.

Ang tanong ngayon ay hindi lang kung ano ang ibig sabihin ng panunumbalik ni Trump kundi kung paano natin, bilang mga Pilipino, pangangalagaan ang ating soberanya sa gitna ng mga puwersang nais magdikta ng kanilang kapangyarihan sa ating bansa. Hanggang kailan natin hahayaang magpalawak ng impluwensiya ang Amerika sa ating teritoryo?

Sa halip na umasa na poprotektahan tayo ng Estados Unidos, panahon na upang tayo mismo ang magpasya ng ating kapalaran, nang hindi umaasa sa mga banyagang kapangyarihan na ang pangunahing layunin ay palakasin ang kanilang sariling interes. Ngayon ang pagkakataon upang igiit ang pambansa demokratikong posisyon sa gitna ng nagbabagong larangan ng pandaigdigang politika.

Ang kasaysayan ang nagtuturo ng mga aral tungkol sa panganib ng pagsandig sa mga dayuhang kapangyarihan. Panahon na upang tiyakin natin na ang kinabukasan ng Pilipinas ay para sa masang Pilipino, hindi para sa interes ng isang imperyo at mga lokal nitong kasabwat. Hindi natin kailangan ang mga tropang Amerikano sa ating lupa; hindi natin kailangan ang digmaang magpapatibay sa interes ng mga imperyalista. Panahon na upang itakwil ang anumang pakikialam na maglalagay sa atin sa peligro.

Sa ating pagharap sa bagong yugto ng pandaigdigang politika, magkaisa tayo sa pakikibaka laban sa imperyalismo at igiit ang isang kinabukasang tunay na malaya—isang Pilipinas na nakatindig sa sariling lakas at hindi sunud-sunuran sa kapritso ng mga dayuhan.