Komentaryo

Buong sistema ang problema


Nakikita ng publiko na sa loob ng isang taon, walang pananagutan ang mga main character sa korupsiyon.

Nakatambad sa taumbayan ang umaalingasaw na kabulukan ng sistema ng korupsiyon at burukrata-kapitalismo sa bansa. Sa isang banda, nagpapatuloy ang proseso ng impeachment laban sa bise presidente na naglalantad sa korupsiyon at abuso ng kapangyarihan, subalit apektado ito ng maniobrahan at bangayan ng magkakalabang paksiyong politikal.

Sa isang banda, nananatiling hindi resolbado ang malawakang flood control scam at infrastructure corruption isang taon mula nang mabunyag ito.

Nagpapaligsahan ang mga kampong Marcos at Duterte sa paglalarawan sa isa’t isa bilang korap. Nais nilang parehong magmukhang kontra sa katiwalian at tagapagtanggol ng interes ng taumbayan. Pinapapili tayo sa pagitan ng dalawang korap na paksiyon habang pinapanatili ang sistema ng korupsiyon.

Tanong ng kampo ni Duterte: “Bakit si Sara lang? Bakit si Marcoleta lang? Paano ang flood control scam na umaabot mismo sa Malacañang?” Bagama’t hindi depensa sa sariling korupsiyon ng paksiyong Duterte, nakakakuha ng tagapanalig ang linyang ito dahil sa mga aksiyon at kawalan ng aksiyon ng rehimeng Marcos Jr.

Nakikita ng publiko na sa loob ng isang taon, walang pananagutan ang mga main character sa korupsiyon. Ang korupsiyon ay ginagawang sangkalan sa negosasyon para sa liderato ng Senado at para sa boto sa impeachment. Ang mga pinangalanan na opisyal na sangkot sa Malacañang kickbacks ay hindi naimbestigahan. Ang ilan ay nagbitiw na lang habang ang iba ay nakabalik pa sa gobyerno, tulad nina Jojo Cadiz at Amenah Pangandaman.

Dapat ilantad na si Marcos Jr. mismo ang nagpapahina sa kasong impeachment dahil sa “selective justice” ng rehimen pagdating sa mga alyadong sangkot sa korupsiyon.

Ang persepsiyong ang impeachment ay isang transactional na usapin ay nagpapahina sa kredibilidad ng proseso. Hindi ito kasalanan ng mga taong nagsusulong ng pananagutan ni Duterte, problema itong nilikha ng atras-abanteng rehimeng Marcos Jr. na dati nang sinisi sa pagkadiskaril ng unang impeachment trial noong 2025.

Sa kabilang banda, makatarungan ang hangad ng mamamayan na magkaroon ng pananagutan sa apat na articles of impeachment na kinasasangkutan ng bise presidente. Hindi depensa ang pagtuturo na may ibang “mas korap” na politiko kaya dapat iabswelto si Duterte.

Hindi rin depensa ang “political persecution” sa harap ng mga ebidensiya ng pagtataksil sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust) at graft and corruption. Ang pag-abuso sa confidential funds, na dokumentado ng Commission on Audit, ay naganap noong magkaalyado pa ang mga Marcos at Duterte noong 2022. Ang impeachment ay dapat husgahan batay sa mga ebidensiya at sa aktuwal na ginawa at hindi ginawa ng bise presidente.

Sistema ang problema. Panahon man ni Duterte o Marcos ay nakitang lumaki ang confidential at intelligence funds, unrpogrammed appropriations at nanatili ang sistema ng pork barrel o alokasyon ng mga mambabatas para sa mga proyekto. 

Magulo ang politika sa bansa ngayon pero dapat paulit-ulit na ipaalala na nalubog tayo sa kumunoy na ito dahil sa tambalang “UniTeam” noong 2022. Itinaguyod ni Marcos ang Duterte brand at tinulungan naman ng mga Duterte na linisin ang Marcos brand.

Matapos nito’y naghiwalay na sila ng landas dahil sa sariling hangad para sa kapangyarihan. May krisis sa politika ngayon dahil sa pamamayagpag at awayan ng mga paksiyon ng naghaharing-uri at dahil lumalaban ang mamamayan sa bulok na kalakarang ito.

Kung may matututuhan man tayo sa krisis, pareho lang namang kurakot ang paksiyong Marcos at Duterte. Parehong gumagamit ng retorika ng “accountability,” “justice,” at “good governance” habang nagtataguyod ng sistema ng burukrata-kapitalismo.

Magkakaiba man ng diskarte, parehong uri ang kanilang pinaglilingkuran. ‘Yong mga bilyonaryo noong panahon ni Duterte, sila pa rin naman ang mga bilyonaryo sa panahon ni Marcos Jr. Huwag kalimutan na pareho nilang itinataguyod ang interes ng mga dayuhan, at umaasang patuloy silang susuportahan ng kanilang mga imperyalistang patron sa 2028.

Kung pipili lang tayo sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang paksyong ito, hindi makakamit ang tunay na pagbabago. Mananatili lang tayo sa cycle of corruption at bulok na sistema. At kung tatanaw lang tayo sa eleksiyong 2028—na pinaghaharian pa rin ng mga political dynasty, pinanghihimasukan ng mga dayuhan, at pinatatakbo ng kaduda-dudang automated elections—mag-iilusyon lang tayo na may makabuluhang pagbabagong magaganap.

Sa darating na SONA, sa kainitan ng impeachment trial at anibersaryo ng “Mahiya naman kayo” speech ni Marcos Jr., tampok na usapin ang krisis sa politika at ang umaalingasaw na korupsiyon ng naghaharing sistema. Pinapalala nito ang permanenteng krisis sa ekonomiya: kahirapan, kawalan ng lupa at trabaho, at kakulangan sa serbisyong panlipunan.

Nakaugat ito sa kawalan ng tunay na soberanya at sa pagtindi ng imperyalistang panghihimasok ng US sa ekonomiya at politika ng bansa. Binibigyang-katwiran nito ang makatarungang paglaban ng mamamayan, bagay na sinusupil naman ng rehimeng Marcos. Haharangan na naman tayo ng PNP sa Commonwealth Avenue.

Sa araw ng SONA, hindi tayo pipili sa pagitan ng dalawang kurakot na paksiyong sariling interes lang ang itinataguyod. Panawagan natin: lahat ng sangkot ay dapat managot sa korupsiyon at pagpapahirap sa taumbayan.

Panawagan nating papanagutin kapwa sina Marcos at Duterte at ang kanilang mga alipores. Higit pa sa kagyat na kahilingang ito, panawagan natin sa taumbayan na kumilos upang buwagin ang bulok na sistema na ang nakikinabang lang ay ang mga dayuhan at ang iilan.

Huwag nang magpabudol sa alinman kay Marcos at Duterte. Lantad na ang kanilang korupsiyon. Piliin ang interes ng taumbayan. Magmulat, magpakilos at mag-organisa. Taumbayan ang mapagpasya.