Saan na tutungo ang impeachment?
Pinaninindigan natin na may sapat na batayan upang hatulang guilty si Sara Duterte sa usapin ng betrayal of public trustat graft and corruption.
Sa Set. 23, nakatakdang pakinggan ng impeachment court sa Senado ang mga oral argument hinggil sa voting threshold para sa hatol na conviction. Matapos dinggin ang opinyon ng mga amici curiae at ng magkabilang panig, inaasahang boboto ang Senado kung ipawawalang-bisa nito ang naunang desisyon ng presiding officer na nagtakda ng threshold sa two-thirds ng kabuuang miyembro ng Senado (16 mula sa 24 para sa conviction).
Kapag binaligtad ng Senado ang desisyong ito, kailangan nitong magtakda ng bagong threshold batay sa kabuuang bilang ng mga senador na aktibong lumalahok sa paglilitis. Sa kasalukuyan, dalawang senador ang nakakulong, isa ang nagtatago dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court, at isa pa ang nasa ibang bansa para sa opisyal na medical leave.
Ang voting threshold ay isang inflection point o krusyal na yugto sa paglilitis na may malaking epekto sa kasalukuyan at mga hinaharap na impeachment proceedings. Dahil hindi na nakaukit sa bato o permanente ang 16 boto bilang “magic number,” ang paraan ng pagpapatalsik sa isang impeachable official ay nagiging isang kritikal na sangkap para sa sinumang naghaharing rehimeng gustong manatili sa kapangyarihan.
Paano tayo humantong sa puntong ito?
May sapat na batayan sa ebidensiya at sa batas ang mga isyu laban kay Sara Duterte. Ito ang dahilan kung bakit naghain ng mga impeachment complaint ang mga progresibo noong 2024 at muli ngayong 2026.
Noong naghain kami ng reklamo laban kay Duterte ngayong taon, hindi ito nangangahulugan ng pagsuporta sa rehimeng Marcos. Sa katunayan, una kaming naghain ng impeachment complaint laban kay Marcos Jr. batay sa usapin ng kickbacks sa badyet at korupsiyon, ngunit ibinasura lang ito ng supermajority sa antas ng komite sa Kamara.
Hindi natin matatanggap ang sitwasyon kung saan ang mga senador na hindi naman nakilahok sa paglilitis at hindi makakaboto dahil may kinakaharap na kaso ng korupsiyon o nagtatago sa batas, ay isasama pa sa base figure sa pagkuwenta ng two-third threshold.
Samantala, nakausad ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil sa patuloy na bangayan at kontradiksiyon sa pagitan ng mga paksiyong Marcos at Duterte—na pareho namang kurakot at reaksiyonaryo. Naipasa ng Kamara ang reklamo laban kay Duterte at nakarating ito sa Senado dahil nakakuha ito ng suporta mula sa two-thirds ng mga miyembro ng Kamara, dahil nga nakahanay sa administrasyon ang kalakhan ng mambabatas.
Hindi natin itatanggi ang katotohanang ang Senado, tulad ng Kamara, ay hindi insulated at sa katunayan ay isang pangunahing larangan ng tunggaliang Marcos-Duterte. Ang mga pagbabago sa pamunuan ng Senado sa nakalipas na ilang buwan ay nakaugnay sa mga maniobra ng magkabilang paksiyon upang kontrolin ang kahihinatnan ng impeachment trial.
Hindi rin ligtas ang Senado sa mga usapin ng korupsiyon na sumasaklaw sa buong gobyerno, lalo’t ang mga miyembro nito at ang mismong institusyon ay nasangkot sa mga anomalya sa badyet at mga alegasyon ng kickback.
Samantalang nagbabadya ang mga kaso ng korupsiyon sa ilang senador, ang kanilang tindig sa kasong impeachment ay tiyak na maiimpluwensyahan ng sarili nilang pampolitikang interes. Habang hiling ng mamamayan ang paglalantad ng mga krusyal na ebidensiya at testigo na dapat maging batayan ng hatol, batid natin na maraming senador ang boboto batay sa pampolitikang kabilangan, at hindi lang sa ebidensya.
Pinaninindigan natin na may sapat na batayan upang hatulang guilty si Sara Duterte sa usapin ng betrayal of public trustat graft and corruption. Pinaninindigan din natin na ang voting threshold ay dapat sumalamin sa umiiral na pampolitikang realidad upang hindi mauwi sa kabalintunaan ang botohan.
Hindi natin matatanggap ang sitwasyon kung saan ang mga senador na hindi naman nakilahok sa paglilitis at hindi makakaboto dahil may kinakaharap na kaso ng korupsiyon o nagtatago sa batas, ay isasama pa sa base figure sa pagkuwenta ng two-third threshold.
Ang anumang abstention o pagliban sa botohan ay awtomatikong mabibilang pabor sa akusado, at magiging hindi makatarungan. Ang hindi paglahok at pagboto ay pumapabor agad sa akusado, anuman ang dahilan ng hindi pagboto.
Ang kinakailangan natin ngayon ay maging mapagbantay sa kung paano maaapektuhan ng mas malawak na konteksto ng krisis sa korupsiyon at ng salpukan ng mga reaksiyonaryong paksiyon ang panawagan ng bayan para sa pananagutan—sa impeachment ngayon at lagpas dito. Ang pananagutan sa korupsiyon ay hindi dapat maging selective, maka-isang panig lamang, o ginagawang sangkaln para sa boto sa impeachment.
Ang hatol na guilty kay Duterte, bagamat umaayon sa hiling ng mamamayan, ay hindi patunay na “gumagana” at “maayos” ang sistema ng hustisya sa bansa. Alam na alam natin na marami pang ibang kurakot na opisyal—kabilang ang pinakamataas na pinuno ng bansa—ang hindi pa napapanagot.
Kung mayroon man tayong natutuhan sa mga kaganapan kamakailan, ito ay ang labis na kahirapan na papanagutin ang mga matataas na opisyal. Kadalasan, nangyayari lang ito kapag may matinding krisis sa politika, kung saan nagagawang samantalahin ng mamamayan ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksiyonaryong paksyon upang isulong ang mga kagyant na kahilingan at pangmatagalang layunin para sa pagbabago.
Kung hindi pa nabiyak ang UniTeam at nalantad ang kani-kanilang korupsiyon, at kung hindi lumakas ang kilusang bayan kontra sa korupsiyon, hindi marahil aabot ang impeachment sa Senado.
Mahatulan man o maabsuwelto si Duterte, mananatili ang bulok na sistema ng burukrata kapitalismo. Nasa kamay ng mamamayan ang pagtiyak na makakamit ang ganap na pananagutan at ganap na pagbabago.
Patuloy na papanagutin ang mga kurakot na opisyal, gaano man kataas ang kanilang posisyon—hanggang sa pangulo at sa mga opisyal ng Malacañang. Patuloy na ilantad ang bulok na sistema at kumilos para sa tunay na pagbabago.
Sa gitna ng mga pampolitikang maniobrahan at kawalan ng katiyakan, ang mamamayan pa rin ang pangunahin at tunay na mapagpasyang lakas.