Editoryal

Hindi krimen ang pagbabalita


Hindi maaaring gamitin ang Anti-Money Laundering Act bilang pang-amba laban sa mga mamamahayag na sumusuri sa mga pampublikong dokumento at pampublikong usapin.

Hindi maaaring gawing krimen ang magbalita lalo na kung ang iniuulat ay mga dokumento at impormasyong inilabas na sa publiko.

Tama lang ang matinding pagtutol ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pahayag ng abogadong si Mark Vinluan na maaari umanong harapin ng midya ang kriminal na pananagutan dahil sa pag-uulat ng impormasyong kaugnay ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Sa gitna ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, sinabi ni Vinluan ang posibilidad na maaaring maharap sa kaso ang mga nagbubunyag at nag-uulat ng confidential na impormasyon ng AMLC.

Bagaman nagpaumanhin siya at sinabing walang intensiyong manakot, hindi ito sapat upang burahin ang epekto ng babala. Kapag binanggit ang posibleng kasong kriminal sa harap ng mga mamamahayag, madaling maunawaan ito bilang pahiwatig: Mag-ingat kayo, baka kayo ang sumunod.

Ayon sa NUJP, hindi kayang pawiin ng isang “cursory reading” ng mga penal na probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), ni ng paumanhin para sa “unintended” intimidation, ang kalayaan ng midya na iulat ang mga kahina-hinalang transaksiyon at korupsiyon ng mga opisyal ng gobyerno.

May layunin ang AMLA na protektahan ang confidentiality ng mga ulat na ipinapasa sa AMLC. Ngunit hindi ito dapat gawing pananggalang ng mga opisyal laban sa pagsisiyasat ng publiko, lalo na kung ang mga dokumento ay inilabas na sa isang pampublikong pagdinig tulad ng impeachment trial. Kapag naisiwalat na ang impormasyon sa isang opisyal na proseso, nagiging usapin ito ng pampublikong interes.

Dito nakasalalay ang prinsipyong ipinaglalaban ng NUJP—na ang karapatang malaman ng mamamayan at ang kalayaan ng midya na magbalita ay dapat manaig sa interes ng mga opisyal na sinusuri ang kanilang mga transaksiyon.

Hindi lang ito usapin ng mga tagapagbalita. Kung matatakot ang midya na iulat ang mga rekord na inilabas sa impeachment, mawawalan din ang mamamayan ng mahalagang impormasyon. Ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi pribilehiyo ng mga mamamahayag; ito’y mekanismo ng demokrasya upang masuri ng sambayanan ang kapangyarihan.

Ang pag-uulat sa mga alegasyon ng korupsiyon ay hindi paglabag sa batas, kundi pagtupad sa tungkulin ng midya na magdala sa publiko ng impormasyong kailangan nito upang makapagdesisyon, makapagbatikos at makapaggiit ng pananagutan.

Maaaring totoo na wala sa hangad ng depensa ang manakot. Ngunit sa politika at pamamahayag, hindi lang intensiyon ang mahalaga, kundi ang mensahe at epekto. Hindi natin dapat ipagpalagay na walang bisa ang paumanhin, ngunit dapat itong sundan ng pagbabago sa gawi.

Hindi maaaring gamitin ang AMLA bilang pang-amba laban sa mga mamamahayag na sumusuri sa mga pampublikong dokumento at pampublikong usapin.

Binanggit din ng NUJP na may mga naunang pagkakataon nang ginamit ang batas para supilin ang malayang pamamahayag at pagpapahayag. Sa katunayan, marami na ang kinasuhang aktibista, peryodista at manggagawang pangkaunlaran para pigilan sila sa kanilang tungkuling maghatid ng nararapat malaman at matamasa ng mamamayan.

Kaya’t hindi sapat na tingnan ang pahayag ni Vinluan bilang isang maling pagkakabigkas sa gitna ng matinding cross-examination. Dapat itong tingnan sa loob ng mas malawak na konteksto. Ang paggamit ng legal na mekanismo hindi lang upang parusahan ang tunay na paglabag, kundi upang pahirapan, takutin at pigilan ang kritikal na pamamahayag.

Hindi ibig sabihin ng pagtatanggol sa malayang pamamahayag na maaaring maglabas ang midya ng anumang hindi beripikado. Dapat manatiling maingat, beripikado at patas ang pag-uulat. Dapat ihiwalay ang alegasyon mula sa napatunayang katotohanan at dapat bigyan ng pagkakataong sumagot ang nasasakdal.

Ngunit ang responsableng pamamahayag ay hindi dapat maging dahilan upang pigilan ng mga makapangyarihan ang publikong pagsisiyasat. Ang tamang sagot sa maling balita ay mas masinop at mas mahusay na pamamahayag, hindi pananakot gamit ang batas. Dapat patuloy na balikan ng mga newsroom ang impeachment trial nang may husay at tapang.

Sa huli, ang isyu ay hindi kung sino ang nagsalita o kung sino ang humingi ng paumanhin. Ang isyu ay kung mananatiling malaya ang publikong makabatid.

Dahil ang paumanhin ay maaaring magpalambot sa mga salita, ngunit hindi nito kayang ibalik ang takot na naihasik. At sa isang demokrasya, hindi dapat mas malakas ang pagbabanta kaysa sa karapatang ng mamamayan na makaalam at makialam.