Bilang ng boto sa paghatol sa impeachment, ibinaba ng Senado


Sa botong 13-1, ibinaba ng Senado ang voting threshold sa 14 mula sa 16 para mahatulang guilty sa impeachment si Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa botong 13-1, ibinaba ng Senado ang voting threshold sa 14 mula sa 16 para mahatulang guilty sa impeachment si Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Matapos ang magbigay ng mga legal na payo ang inimbitahang amici curiae, pormal nang nagdesisyon ang impeachment court nitong ika-29 na araw ng paglilitis, Set. 23, sa pagdinig ng mga oral argument hinggil sa conviction voting threshold.

Binaliktad ng korte ang naunang ruling ni presiding officer Sen. Chiz Escudero noong Hulyo 6 na susundin ang 16 na botong kinakailangan at pansamantalang ibinababa ito sa 14 boto ng mga senator-judge na may kakayahang lumahok.

Nagmula ang desisyon sa apela ni Sen. Erwin Tulfo. Nakabatay pa rin sa two-thirds na requirement sa Konstitusyon, ngunit ang mga “legally and factually capable” lang ang dapat makilahok sa oras ng botohan.

Ibig sabihin, hindi na kasama sa bilang ang mga senator-judge na detenido, nagtatago o may mga sakit.

Sa kasalukuyan, hindi nakakadalo sa paglilitis ang apat na senador na sina Bato dela Rosa dahil sa warrant of arrest ng International Criminal Court, nasa detensiyon naman sina Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa mga kasong plunder, at naka-extended medical leave si Loren Legarda na nasa ibang bansa.

Pabor ang naging desisyon para kay Renato Reyes Jr., pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ngunit diniin niya na dapat hindi maging hadlang ang pagliban ng mga senador at maantala bago matuloy ang hatol sa aktuwal na botohan.

“Pinaninindigan natin na may sapat na batayan upang hatulang guilty si Sara Duterte sa usapin ng betrayal of public trust at graft and corruption. Pinaninindigan din natin na ang voting threshold ay dapat sumalamin sa umiiral na pampolitikang realidad upang hindi mauwi sa kabalintunaan ang botohan”, ani Reyes.

Bago rin ang naging botohan sa voting threshold, sinabi rin niya na kailangang magtakda ng bagong threshold ang Senado batay sa mga senador na aktibong lumalahok, dahil dalawa sa mga wala ay nakakulong, isa ay nagtatago dahil sa ICC warrant, at isa pa ay nasa opisyal na medical leave.

Labintatlong senador-hukom ang bumoto na baguhin ang nakaraang ruling ni Escudero, kabilang sina Bam Aquino, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Ping Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Tito Sotto, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Mark Villar at Migz Zubiri. 

Pinanindigan ni Escudero ang kanyang ruling. Habang hindi naman nakahok sa botohan ang anim na senador mula sa minority bloc.

Sabi naman ni Escudero, ang bagong ruling ay tiyak lang para sa kasalukuyang paglilitis kay Duterte at hindi magiging binding precedent para sa mga susunod na impeachment.

Samantala, wala pa ring anunsyo ng mangyayaring aktuwal na botohan ng paghatol habang patuloy pa rin ang paglilitis ng nasabing impeachment na kaso ni Duterte.