Komentaryo

‘Mahiya naman kayo’ tungong ‘Resignation out of delicadeza’


Paano tayo umabot mula sa “mahiya naman kayo” noong SONA tungo sa “resignation out of delicadeza” sa loob lang ng apat na buwan? Bakit isiniwalat ni Marcos Jr. ang mga anomalya sa flood control kung ang mga alegasyon ng korupisyon ay babalik din sa Malacañang?

Minsan nang tinanong ni Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang vlog, “Paano tayo nagkaganito?”

Sa isa na namang plot twist sa nagpapatuloy na corruption saga, ipinahayag ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi siya nag-resign at sinabihan siyang umalis sa puwesto ng isang taong tumawag sa kanya. Hindi niya sinabi kung sino. Hindi siya nagsumite ng anumang resignation letter, tanging isang liham lang na nagpapahayag na sumusunod siya sa prerogative ng presidente na pumili ng bagong Executive Secretary.

Nang ipahayag ng Malacañang na siya’y nagbitiw dahil sa “delicadeza,” hindi pa niya naisumite ang kanyang sulat sa pangulo. Noong gabing iyon, matapos siyang ianunsiyo na nag-resign, sinabi niyang nagkaroon siya ng pagkakataong makipag-usap sa pangulo. Ang mga bagay na kanilang tinalakay, aniya, ay hindi niya maaaring ibunyag. Sinabi pa niya na nagpa-picture pa siya kasama ang presidente. 

Sabi ni Bersamin, wala siyang sama ng loob ngunit nadismaya siya sa nangyari sa anunsiyo. Pinatunayan niya na ang kanyang pamangkin, ang nag-resign na si Undersecretary Adrian Bersamin, “mabait na bata” at itinanggi niya ang anumang kaugnayan sa budget insertions at SOPs.

Ang tanong na nasa isip ng lahat, bakit kinailangan pang lumabas ni Bersamin para itanggi ang kanyang resignation? Napahiya na naman ang Palasyo sa ginawa niya. Ano ang motibo niya? Ang magbabala laban sa mga nais siyang ilaglag? Hanggang saan niya maaaring ipagtanggol ang kanyang pamangkin na paulit-ulit lumalabas ang pangalan sa anomalya?

Ang Malacañang ngayon ang sentro ng korupsiyon. Nakumpirma na nagkaroon nga ng budget insertions na ginawa sa utos ng Malacañang, at ang mga kickback, SOPs o “commitments” ay naihatid sa mga opisyal ng Palasyo. Ang mga tagapagsalita ng pangulo ay tila hindi makapagbigay ng malinaw na mga sagot.  

Paano tayo umabot mula sa “mahiya naman kayo” noong SONA tungo sa “resignation out of delicadeza” sa loob lang ng apat na buwan? Bakit isiniwalat ni Marcos Jr. ang mga anomalya sa flood control kung ang mga alegasyon ng korupisyon ay babalik din sa Malacañang?

Ang sagot ay maaaring hindi ganoong kasimple. Maaari itong kombinasyon ng kapalaluan at ang pangangailangan na ilarawan ang sarili bilang anti-corruption hero. Maaari itong pagnanais na higpitan ang kanyang kontrol sa national budget matapos maging masyadong ganid ang ilang opisyal. Maaari rin dahil alam niyang panahon na lang bago sumingaw ang baho ng korupisyon at gusto niyang kontrolin ang naratibo. Maaari itong kombinasyon ng lahat ng ito.

Noong SONA ni Marcos, binanggit niya ang SOPs, “for the boys,” budget insertions at iba pang korupisyon. Palakpakan naman ang mga mambabatas. Kakaibang eksena talaga. Ang anak ng isang tiwaling diktador, nagsasalita tungkol sa korupisyon sa Kongreso, habang pinapalakpakan ng iba pang mga tiwaling opisyal na kanyang tinutuligsa.

Iyon ang unang palatandaan na sasabog ito sa mukha ni Marcos Jr. Ang mga nagtipon sa Kongreso noong araw na iyon ay complicit o kasangkot sa korupisyon sa pork barrel, ngunit sila din ang pumalapkpak sa pangulo. Tuwang-tuwa naman si Marcos Jr. Pagkatapos nito, naglabas siya ng isang website, ang “Isumbong sa Pangulo” at nanawagan sa publiko na iulat ang mga anomalya sa flood control.

Ang hubris dito ay inisip ni Marcos Jr. na hindi aabot sa kanya ang korupisyon, kahit pa siya ang namumuno sa kurakot na sistema, siya naghanda ng budget, pumirma dito bilang batas, nagpatupad nito at nag-aproba ng mga disbursement. Inisip niya na hindi aabot sa kanya ang mga alegasyon ng korupisyon dahil siya ang naglantad nito, kahit pa ang mga sangkot sa korupisyon ay direktang nagtatrabaho para sa kanya.

Sinubukan niyang kontrolin ang budget ngunit sa proseso, nabunyag na nagmula sa kanya ang mga insertion at siya ang responsable sa pagpapalabas ng unprogrammed funds na ginamit sa mga tiwaling proyekto. Sinubukan niyang kontrolin ang naratibo ngunit dahil siya ang pangunahing sangkot, ang kaya niya lamang gawin ay idistansiya ang sarili habang nabunyag ang SOPs sa mga opisyal ng Palasyo. 

Ngayon na ang SOPs ay umaabot na sa Malacañang, ang magagawa na lang niya’y ilaglag ang mga opisyal tulad ni Bersamin, kahit na maaari rin siyang ilaglag ng mga ito.

Tama ang pahayag ni Mareng Winnie Monsod sa isang interview, ang pagsisiwalat ni Marcos Jr. na korupisyon ay hindi isang kabayanihan. Ibinaon niya lang ang sarili nang mas malalim sa hukay.

Muling pinatunayan ni Marcos kung bakit kailangang baguhin ang bulok na system, at kung bakit hindi solusyon sa korupisyon ang mga Marcos, Duterte at katulad nilang mga dinastiyang politikal.