Komentaryo

Liham para sa kabataang Pilipino


Ang kabataang Pilipino, bilang tagapagmana ng rebolusyonaryong diwa ng Katipunan at ng paglaban sa pananakop ng mga Kastila, Amerikano’t Hapones, ay dapat tanggihan ang naratibo ng sarili nitong kawalan ng kapangyarihan.

Mga kasama,

Sa panahong ito ng tumitinding mga kontradiksiyon, habang nagpapaligsahan ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pagpapanatili ng kanilang dominasyon, nangunguna ang kabataang Pilipino sa pakikibaka para sa kalayaan.

Mahigit isang siglo nang sakal ng neokolonyalismo ang ating arkipelago at kahit pilit itong pinagtatakpan ng huwad na kalayaan ay pinapalala naman ng walang pakundangang kontrol ng dayuhang kapital at mga lokal na oligarkong naglilingkod sa interes ng imperyalismo.

Ang Estados Unidos, bilang arkitekto ng ating malakolonyal at malapyudal na estado, ay patuloy na sinasamantala ang ating lakas-paggawa, likas na yaman at estratehikong lokasyon habang hinuhubog ang ating edukasyon, kultura at pamahalaan upang pagsilbihan ang sarili nitong ambisyon.

Nanganganib tayong madamay sa mga imperyalistang digmaan na nagbabadyang sumiklab sa Asya-Pasipiko. Sa ilalim ng maskara ng “pagpapanatili ng kalayaan at demokrasya,” ginagamit tayo ng mga imperyalistang kapangyarihan bilang mga piyesa sa kanilang laro ng ekonomiko at militar na dominasyon, partikular na sa West Philippine Sea at sa mas malawak na Indo-Pasipiko.

Sa kasalukuyan, pinapahirapan ang libo-libong kabataang Pilipino ng K-12 at Matatag Curriculum na layunin lang lumikha ng sunud-sunuran at madaling pagsamantalahan na lakas-paggawa.

Wala sa sistemang ito ang paglinang sa kritikal na pag-iisip at taliwas ito sa esensiya ng edukasyon bilang mapagpalayang instrumento. Kung makapagtapos man ay kontraktuwalisasyon, barat na pasahod at malaaliping kalagayan sa trabaho ang tiyak na patutunguhan nito.

Higit pa rito, ang kakulangan sa pondo para sa edukasyon, ang pagpapalit ng kasaysayan at ang pagsupil sa kalayaang akademiko ay nagpapalaki ng isang henerasyong pilit na nilulumpo ngunit ngayon ay bumabangon. Ang pagkabalisa ng kabataan ay tanda ng pagkamulat sa mga kasinungalingan ng naghaharing-uri.

Ang kabataang Pilipino, bilang tagapagmana ng rebolusyonaryong diwa ng Katipunan at ng paglaban sa pananakop ng mga Kastila, Amerikano’t Hapones, ay dapat tanggihan ang naratibo ng sarili nitong kawalan ng kapangyarihan.

Nang pinamunuan ni Andres Bonifacio ang masang api laban sa Espanya, kasama niyang tumindig ang mga kabataang ang tapang at sakripisyo ang naglapit sa pangarap ng kalayaan. Ngayon, tinatawag ang kabataan upang muli itong itaas, mas mabigat man dahil sa imperyalistang pagsasamantala, sistematikong korupsiyon at pagkasira ng kalikasan.

Lumolobo ang bilang ng kabataang Pilipinong nakauunawa na ang sistemang kapitalismo ang ugat ng kanilang paghihirap. Dahil sa lumalalang krisis, namumulat sila at samakatuwid ay tahasang itinatakwil ang sistemang nagluluwalhati sa kita sa halip na sangkatauhan, yumayabong sa digmaan at ibinabaon sa kahirapan ang nakararami habang ang iilan ay nalulunod sa karangyaan.

Pinatitibay ng neokolonyal na sistema ang mga kontradiksyon nito: ang pagkaalipin ng ating mga lider sa dayuhang kapangyarihan, ang pagpaprayoridad sa pagbabayad ng utang sa dayuhan kaysa sa kapakanan ng publiko, at ang pagyaman ng iilang oligarkong nagsisilbing ahente ng imperyalismo.

Kabataang Pilipino, tandaan ninyong ang inyong lakas, ang inyong talino at ang inyong tapang ang buhay ng kilusang ito. Magbuo ng mga unyon, mag-organisa ng mga komunidad, tutulan ang militarisasyon sa kanayunan at ipaglaban ang edukasyong mapagpalaya. Walang rebolusyon na walang sakripisyo.

Hindi magiging madali ang landas tungo sa tunay na pambansang kalayaan. Ngunit pinatunayan ng kasaysayan na tanging sa sama-samang pakikibaka, sa matapang na pagharap sa mga mapagsamantala, makakamit ng masa ang kanilang kalayaan.

Ang hinaharap ng Pilipinas ay wala sa kamay ng mga politikong ipinagpapalit ang ating soberanya para sa pansariling kapakinabangan, ni ng mga imperyalistang nag-aalok ng “tulong” habang nagpapasasa sa yaman ng ating bansa.

Ito’y nasa kamay ng nagkakaisang sambayanang Pilipino—mga estudyante, manggagawa, magsasaka at intelektuwal—na nangangahas mangarap ng isang bansang malaya sa dayuhang tanikala.

Hayaan ang tawag ng kasaysayan na gumabay sa inyo. Hayaan ang mga pakikibaka ng nakaraan na magbigay sa inyo ng lakas ng loob. Sa harap ng pang-aapi, gawin ninyong sandata ang pagkakaisa at ang inyong rebolusyonaryong optimismo bilang gabay.

Makibaka para sa pambansang demokrasya!