Youth On Mission

Ang rebolusyon ay hindi startup


Noon pa man, anumang katangian, gaano man nagpapakita ng kahusayan at diskarte, kung baog sa ideolohiyang naglilingkod sa kapakanan ng masa at gagap ang kanilang kalagayan at kahilingan ay hahantong sa pansariling paglilingkod.

Ilang araw bago ang Araw ni Andres Bonifacio, lumilitaw muli ang artikulo ng Esquire na pinamagatang “Financial Adviser: 5 Startup Lessons Everyone Can Learn from Andres Bonifacio” ni Henry Ong na inilathala pa noong 2020.

Hindi na bago ang pagpapababaw sa mga bayani at sa kanilang ipinaglaban upang magsilbi sa naratibo ng mga naghaharing-uri. Si Rizal mismo, na may pinagdaanang pagkadismaya sa Kilusang Reporma at kalaunang sumang-ayon sa pagrerebolusyon, ay ipinakete ng maagang pananakop ng kolonyal na Estados Unidos na gawing imahen ng pasipismo sa panahong hindi pa tapos ang rebolusyon ng Katipunan, pag-iiba sa rebolusyonaryong isinadiwa ni Bonifacio.

Sa artikulo, inilatag ang mga katangian ni Bonifacio bilang mga aral sa pagiging entrepreneur. Sa totoo lang, kahit naman sinong pinuno ay puwedeng paunlarin ang mga katangiang binanggit gaya ng pagkakaroon ng masinop na pananalapi o ng paghubog ng mahusay na publicity ng kanilang organisasyon. Ngunit ang nagtatangi kay Bonifacio kaiba sa ideal na homo economicus ni Ong ay ang hangarin niya bilang rebolusyonaryo na gambalain at pabagsakin ang naghaharing-sistema, hindi magpasakop dito.

Ang tulak sa mga rebolusyonaryo ay hindi magpayaman, bagkus buong buhay at buong lakas na paglingkuran ang sambayanan tungo sa inaasintang tagumpay, lalo na kapag ang mga kongretong kalagayan para sa kalayaan at kaginhawaan ng taumbayan ay humihiling ng pagbaligtad ng sistema.

Tinatanggalan ng ideolohiya si Bonifacio upang pababawin siya. Kaya nagmumukha ang artikulo na kunot-noong pambobola lalo na’t huwaran ngayon ng mga manggagawa si Bonifacio at umiigiting ang antagonismo sa pagitan ng mga manggagawa at mga pinakamayamang negosyante; lumalawak ang pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Ang pinagsamang net worth ng 10 pinakamayaman ng Pilipino’y lumago nang 20% mula P1.9 trilyon tungo P2.3 trilyon ngayong 2024. Sa buong mundo, ang pinakamayamang 1% ang nagmamay-ari sa 43% ng global financial assets. Isang salin sa manggagawang Pilipino na ang P645 na minimum na sahod sa Kamaynilaan, na kalahati lang ng P1,200 family living wage, ay P526 lamang sa totoong halaga.

Sa kabila ng mga reyalidad, hinihikayat ng may-akda na himukin ang indibidwalistiko at mapagkompetisyong asal ng isang entrepreneur. Nais nitong ilihis ang mga manggagawa sa inuugatang pagsasamantala sa kanila at sa papel nilang sama-samang mag-unyon upang kamtin ang mga kagyat na kaginhawaan at sa pangmatagala’y itaguyod ang pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas. 

Ngunit pinabubulaanan ng kasaysayan ng kilusang paggawa ang artikulo hinggil sa simpleng paghahanap ng ka-partner bilang metodo ni Bonifacio. Ang mga rebolusyonaryo ay umaasa sa lakas ng masa hindi lang bilang ka-partner, ngunit bilang mismong kilusang puwersang lumilikha ng kasaysayan.

Sa konteksto ng panlipunang krisis, ang karanasan ng isang simpleng ka-partner ay hindi makapagmimitsa ng himagsikan kundi ang kolektibong mga karanasan at hangarin ng sambayanan upang tuldukan ang ugat ng pagdarahop. Naging totoo siya sa kapangalan at kaselebrasyon niyang si San Andres, tunay na mamamalakaya ng mamamayan.

Sa katunayan, ang pagdirehe ng negosyanteng sektor ang mayor na dahilan ng paghina ng Rebolusyong 1896. Mismong mga walang kaluluwang indibdiwalistiko at mapagkompetisyong katangian ng mga entrepreneur na inilatag sa artikulo ang naghawan ng daan upang isuko ang laban sa mga Amerikano sapagkat nagbukas ang kolonyalisasyon ng Estados Unidos sa mga oportunidad sa kalakal at politika at naghimok ng pagtataksil sa rebolusyon.

Noon pa man, anumang katangian, gaano man nagpapakita ng kahusayan at diskarte, kung baog sa ideolohiyang naglilingkod sa kapakanan ng masa at gagap ang kanilang kalagayan at kahilingan ay hahantong sa pansariling paglilingkod.

Sa buod, habang nananatili ang mga kalagayang rebolusyonaryo, nananatiling napapanahon ang kataga ni Mao Zedong, “Ang rebolusyon ay hindi isang [startup]; hindi maaaring maging ganoon na lamang ito kapino, kabanayad at kaamo; Ang rebolusyon ay isang pag-aalsa, isang marahas na pagkilos kung saan ibinababagsak ng isang uri ang isa pa.”

Palaban at rebolusyonaryo pagbati ng Araw ni Andres Bonifacio!