Balik-Tanaw

Andres Bonifacio, Dakilang Anakpawis


Ngayong ika-161 anibersaryo ng kapanganakan ni Andress Bonifacio, ating balikan ang mga aral ng Katipunan at ng hindi natapos na rebolusyon.

“Itinuturo ng katwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalu’t lalong kahirapan, lalu’t lalong kataksilan, lalu’t lalong kaalipustaan at lalu’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawaan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y magkaisang-loób, magkaisang-isip, at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.”

Isa lang ito sa mga pangaral ni Gat Andres Bonifacio sa mamamayang Pilipino na naghimagsik laban sa pananakop ng Espanya.

Isinilang sa Tondo, Maynila noong Nob. 30, 1863, nakatapos lamang ng ikatlong taon ng sekondaryang pag-aaral. Naging tagayari ng mga baston at pamaypay na kanilang itinitindang magkakapatid, naging mensahero ng isang kompanyang British na kalaunan’y naging broker ng kompanya. Matapos nito naging bodegero naman siya sa isang kompanyang German.

Kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral, mahilig siyang magbasa ng mga libro tulad ng mga nobelang Les Misérables ni Victor Hugo, Le juif errant ni Eugene Sue at ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal. Nabasa rin niya pati ang mga librong sa French Revolution at mga biograpiya ng mga pangulo ng Estados Unidos at iba pa.

Natuto siya ng wikang Ingles sa kanyang pagtatrabaho sa mga empresang British at German bukod sa wikang Espanyol. Isa siyang propagandista na kasamang muling nagtatag ng La Liga Filipina matapos mabuwag ito sa pagkadakip at deportasyon kay Rizal.  

Itinatag ni Bonifacio ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan noong Hulyo 7, 1892. Ginamit nila ang mga letrang KKK sa kanilang mga bandila.

Ayon sa mga historyador, magkasabay na naging miyembro ng La Liga Filipina at Katipunan si Bonifacio, ngunit kumalas siya dahil nakikitang walang pag-asa sa paghingi lang ng reporma.

Kaya naman naglunsad ang Katipunan ng pambansang pagpapalaya sa pamamagitan ng armadong pag-aaklas.   

Pero dahil sa hidwaan sa loob ng Katipunan, nagkaroon ng mga paksyon. Inakusahan si Bonifacio ng pagtataksil at iba pang mga gawa-gawang kaso. Ipinahuli siya ni Emilio Aguinaldo kasama ang kapatid na si Procopio. Nilitis sila sa Maragondon, Cavite at hinatulan ng kamatayan kahit walang sapat na ebidensiya.

Naulila ni Bonifacio ang kanyang asawang si Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan.