Pagtutol sa Mandatory ROTC, aral mula sa kabataang pinuno ng Macabebe
Nararapat na tingalaing halimbawa ngayon ng kabataan si Tarik Sulayman lalo na at mainit na naman ang usapin ng Mandatory ROTC sa Senado.

Ngayong niraratsada ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Bill, isang walang pangalang bayani ng Macabebe ang nagpapanilay sa akin kung bakit pekeng nasyonalismo ang inilalako ng Mandatory ROTC at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Hindi tiyak ang kaniyang pangalan sa mga tala ng kasaysayan. Minsan ang tawag sa kaniya ay Tarik Sulayman. Ngunit ang malinaw, siya’y kabataang namuno sa isang sagupaan laban sa mga Español sa Lagusan ng Bangkusay, Tondo noong Hunyo 3, 1571. Sa kasawiang palad, nasawi siya sa labanan.
Nararapat na tingalaing halimbawa ngayon ng kabataan si Tarik Sulayman lalo na at mainit na naman ang usapin ng Mandatory ROTC sa Senado.
Bukod sa mga institusyonal na abuso sa ROTC at AFP, lalo na sa pag-alala sa isinapit ni Mark Welson Chua, kinakailangan ding maging mapanuri—kaninong mga galamay ang pumupondo at sumusuporta sa AFP at para saan ito nagsisilbi?
Sa loob ng dalawang taon, ayon sa datos ng Karapatan, nagkaroon ng 105 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, mahigit 380 kaso ng illegal na aresto, 44,064 na biktima ng pambobomba, at mahigit 3 milyong biktima ng pagbabanta o intimidasyon. Ang kalakhan ng paglabag sa karapatang pantao, mula sa mga operasyon ng AFP.
Matagal nang ipinupunto ang mersenaryong o bayarang tradisyon ng AFP, partikular sa United States (US) sa kasalukuyan. Tampok sa kasaysayan ang mga guwardiya sibil na mga Pilipino, ngunit ginamit ng mga Espanyol upang pulisin ang kapwa Pilipino at pairalin ang kaayusang kolonyal.
Kung sa AFP, nagmula ito sa mahigpit na kontrol ng mga tropang Amerikano sa AFP sa pamamagitan ng mga base militar at iba pang galamay ng US Army sa Pilipinas mula 1946. Hanggang ngayon, bukod sa iba pang manipestasyon, patuloy ang pag-iral ng Joint US Military Advisory Group o Jusmag na sa esensiya’y nagbibigay-basbas sa mga paggalaw, pagbili ng armas at pagsasanay ng AFP.
Mabilisang search sa Google Maps, ang himpilan ng Jusmag, bukod sa Embahada ng Estados Unidos, ay sa loob mismo ng Camp Aguinaldo, punong-himpilan ng AFP. Dito pa lang, dapat kuwestiyunin kung bakit may himpilan at kumpas ang US Army sa loob ng Camp Aguinaldo, kung tunay nga ba tayong malaya?
Nagpapatuloy itong mersenaryong tulak ng US sa AFP. Nitong Hulyo 30, inanunsiyo ng US ang $500 milyong ayuda para ‘di umano sa sigalot sa West Philippine Sea. Ngunit malinaw na ang ayudang militar ay pangunahing napupunta sa kontra-insurhensiya—na kopya at idinidirehe rin ng Central Intelligence Agency—na dahilan ng lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Kung sa buong mundo, Israel ang numero unong tumatanggap ng ayudang militar mula sa US at ginagamit para sa henosidyo ng mga Palestino, ang Pilipinas naman ay ang numero uno sa Asya-Pasipiko.
Kapag nakita natin kung sino ang mga biktima, mga magsasaka at katutubo, malinaw ang pakay: panatilihin at palalain ang pandarabong ng US sa ekonomiya at sa mga likas na yaman ng Pilipinas lalo na sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga minahan, plantasyon at trosohan. “Made in the USA” ang mga bomba at baril na ginagamit ng AFP laban sa mamamayan.
Kaya talagang napapanahong balikan ang mga kabataang bayaning antikolonyal tulad ni Tarik Sulayman. Hanggang patuloy na tinatangkilik ng AFP ang US o sinumang imperyalista, hanggang ang mga armas mula US ay ginagamit upang sindakin at patayin ang kapwa Pilipino, hinding-hindi maaangkin ng AFP ang antikolonyal na pamana nina Tarik Sulayman.
Hinding-hindi nito maipepresenta ang sarili bilang hukbong patriotiko. Huwad ang nasyonalismo nila, gusto lang nila tayong gawing pambala sa sigalot sa Tsina na dapat idinadaan sa diplomatiko at mapayapang paraan.
Tiyak ang makaimperyalistang motibo ng Mandatory ROTC—palawakin ang reserbang puwersa ng kabataan na daragdag sa mersenaryong gawi ng AFP upang gawing sakripisyong tupa ang kabataan sa giyerang hindi natin ninanais at upang dagdag-puwersa sa kontra-insurhensiyang nagluluwal ng milyon-milyong biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Sa buod, sa antiimperyalista at patriotikong tungkulin ng kabataang Pilipino, nararapat lang na tutulan ang Mandatory ROTC, ang programang inilalako bilang porma ng nasyonalismo, ngunit sa totoo’y abusado at pahamak na bulag na pagsunod sa dikta ng imperyalistang amo ng AFP.
Nasawi man sa labanan ang kabataang pinuno ng Macabebe, patuloy na hinahamon ang kabataan ngayon na kamtin ang tunay na kalayaan, parehong sa pagpapadayon ng antiimperyalistang pakikibaka at sa pagtatakwtil sa mga mersenaryo ng dayuhan gaya ng programang Mandatory ROTC ng AFP.