Panawagan sa Quad Comm: Pampolitikang pamamaslang, imbestigahan
Sa mga pagdinig ng Quad Committee ng Kamara, hindi lang patayan kaugnay ng ilegal na droga ang dapat imbestigahan. Nananawagan din ng katarungan ang mga pamilya ng mga kinitil ng rehimeng Duterte na manggagawa, magsasaka, katutubo at Moro, tanggol-karapatan, tanggol-kalikasan, at aktibista.
Masama ang loob ni Liezel Asuncion dahil hindi man lang nasama sa mga pagdinig ng Quad Committee ng Kamara ang kaso ng asawang si Emmanuel “Manny” Asuncion, lider-obrero at coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Cavite, na pinaslang ng mga elemento ng estado sa Coplan Asval o “Bloody Sunday Massacre” noong Marso 7, 2021.
Ilang araw bago ang insidente, namataan na nagmamanman ang isang puting kotse at isang motorsiklo na may lulang mga lalaki sa labas ng opisina ng Workers’ Assistance Center (WAC) sa Dasmariñas City, Cavite.
Gabi ng Marso 6, sa opisina ng WAC natulog ang mag-asawang Asuncion. Bandang alas-singko y medya kinabukasan, sapilitang pinasok ng mga pulis ang opisina. Maliban sa pagreyd sa opisina ng WAC, sabay ding nireyd ng pulisya ang tahanan ng mga Asuncion sa bayan ng Rosario.
Pinadapa si Manny ng anim na kalalakihang nakatakip ang mga mukha habang nagmakaawa si Liezel na masuotan muna ng t-shirt ang asawang nakadapa. Pinatayo silang mag-asawa habang mahigpit na magkayakap at pinalabas ng silid.
Tinanong pa ni Manny kung may search warrant ba ngunit hindi sumagot ang mga lalaki. Sapilitan namang pinababa at pinalabas ng opisina ng apat na lalaki si Liezel.
Sa labas ng opisina, nakita niya ang boluntir ng WAC na si Edwin Valdez na naka-squat at nasa likod ng ulo ang mga kamay. Maya-maya’y nakarinig si Liezel ng mga putok ng baril mula sa ikalawang palapag ng opisina.
Narinig pa ni Liezel ang mga huling sinabi ng asawa bago paslangin, “Mga tao ho kami! Mga tao rin kami!”
Binaril si Manny nang 10 beses, kinaladkad ang kanyang duguang bangkay palabas ng opisina at isinakay ng mga unipormadong pulis sa isang patrol vehicle. Edad 50 siya nang paslangin.
Isa si Liezel sa mga kaanak ng mga biktima ng mga extrajudicial killing (EJK) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na lumiham sa Quad Committee ng Kamara para hilingin na imbestigahan din ang pamamaslang sa kanilang mga mahal sa buhay na aktibista na pinaratangang “terorista.”
Bloody Sunday Massacre
Layon ng Coplan Asval na tugisin ang nasa 24 na indibidwal sa Timog Katagalugan sa bisa ng mga search warrant mula sa mga korte sa Maynila, Rizal at Laguna kasunod ng utos ni Duterte sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Marso 5, 2021 na tapusin at patayin ang lahat ng miyembro ng New People’s Army (NPA).
“Sabi ko sa militar at pulisya kapag may engkuwentro, kung may hawak na baril ang kalaban, patayin sila. Patayin sila agad. Huwag intindihin ang mga karapatang pantao. ‘Yan ang utos ko. Ako na ang makulong. Walang problema,” sabi ni Duterte sa wikang Ingles.
Sa bisa ng mga warrant, magkakasabay na nilusob ang mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force ng Philippine National Police (PNP) at 202nd Brigade ng Philippine Army bandang alas-kuwatro ng madaling araw ang mga bahay at opisina sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna at Rizal para tugisin ang mga pinararatangang rebelde.
Kinitil ang siyam at inaresto ang pitong katao sa mga sabay-sabay na operasyon ng pulisya at militar noong umagang iyon ng araw ng Linggo sa gitna ng militaristang Covid-19 lockdown.
Kabilang sa mga pinaslang ang lider-obrerong si Manny sa Cavite; mag-asawang tanggol-kalikasan na sina Ana Mariz “Chai” Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista sa Nasugbu, Batangas; mga maralitang lungsod na sina Melvin Dasigao, Mark Lee Bacasno, Abner Esto at Edward Esto sa Rodriguez, Rizal; at mga katutubong Dumagat at magpinsang sina Puroy dela Cruz at Randy dela Cruz sa Tanay, Rizal.
Inaresto naman sina Ramir Corcolon ng Water Systems Employees Response, Arnedo Lagunias na dating lider-unyon sa Honda Philippines, lider-manggagawa at unyonistang si Esteban Mendoza, Elizabeth Camoral ng Bayan Laguna, Nimfa Lanzanas na paralegal ng Karapatan Timog Katagalugan, lider-kawani na si Eugene Eugenio at lider-kababaihan na si Joan Efren.
Maliban sa mga pag-aresto at pagpatay sa mga aktibista, maralitang lungsod at katutubo sa mga nasabing probinsiya, tinamnan din ng mga puwersa ng estado ng mga armas at pampasabog ang mga nireyd na bahay at opisina ng mga grupo ng manggagawa, magsasaka, tanggol-karapatan at tanggol-kalikasan.
Ayon kay dating Supreme Court Administrator at ngayo’y Associate Justice Midas Marquez, humingi ang PNP ng 72 na search warrant sa mga korte sa Maynila at Rizal para sa Coplan Asval.
May 63 na aplikasyon sa Manila Regional Trial Court (RTC) at 42 ang ibinigay ng mga huwes na sina Jose Lorenzo dela Rosa at Jason Zapanta. Samantalang apat ang ibinigay ng Antipolo RTC mula sa siyam na aplikasyon. Galing naman sa korte sa Laguna ang mga search warrant para kina Corcolon at Lagunias.
Palusot ng mga puwersa ng pamahalaan, may natagpuan silang mga armas at granada sa mga bahay at opisina na kanilang nireyd at “nanlaban” ang mga biktima sa pag-aresto kaya sila pinatay. Katulad na katulad sa modus operandi sa giyera kontra droga na tinamnan ng ilegal na droga, “nanlaban” at pinatay ang mga biktima.
Sa kabila ng paggigiit ng mga kaanak at iba’t ibang grupo na inosente sa mga paratang ang mga pinaslang at inaresto ng mga gawa-gawang search warrant, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong murder sa 17 pulis na pumatay kay Manny at sa mag-asawang Evangelista.
“Ganito ang uri ng ‘working justice system’ na mayroon tayo sa bansa,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay. “Gumagana ito para tiyakin na hindi mapaparusahan ang mga salarin sa state-sponsored killings at ipagkait ang hustisya sa mga biktima.”
Kontra-insurhensiya kuno
Rason ni dating PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana, hindi nila tinugis ang siyam na biktima ng mga operasyon sa Timog Katagalugan dahil mga NPA sila, kundi dahil umano sa kanilang mga krimen na “acts of violence, destruction of property, child trafficking, extortion, killings, illegal drugs, and maybe, even financial crimes.”
Isa lang ang Bloody Sunday Massacre sa mga operasyon ng pulisya at militar para lipulin ang mga ‘di umano’y miyembro ng NPA.
Mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2022, nakapagtala ang human rights watchdog na Karapatan ng kabuuang 422 na kaso ng pampolitikang pamamaslang sa ilalim ng kampanyang kontra-insurhensiya.
Nasa 222 na tanggol-karapatan ang pinatay, habang ang natitira’y mula sa mga magbubukid, katutubo at Moro, manggagawa, tanggol-kalikasan, abogado, taong simbahan at maralitang lungsod.
May 26 na masaker din sa loob ng anim na tao ni Duterte sa poder na kumitil ng 123 katao. Pito dito’y sa Mindanao, siyam sa Luzon at siyam sa Visayas.
Ayon sa Karapatan, malinaw na alinsunod sa kampanyang kontra-insurhensiya ng pamahalaang Duterte ang malawakang operasyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Timog Katagalugan para patahimikin ang mga aktibista at mamamayang tumutuligsa sa mga inhustisya ng estado sa mamamayan.
Patunay umano dito ang Executive Order 70 na nagtatag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at pagpapatupad sa Oplan Kapanatagan.
Sa Mindanao, nagpataw ng batas militar si Duterte sa bisa ng Proclamation No. 216 noong 2017 matapos ang labanan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at Maute Group na sumusuporta umano sa Islamic State. Sa ilalim ng batas militar sa Mindanao, 110 katao ang pinatay mula Mayo 23, 2017 hanggang Ene. 1, 2020.
Ginamit din ng rehimeng Duterte ang Memorandum Order No. 32 para atasan ang AFP at PNP na magsagawa ng mga operasyon para umano supilin ang mga grupo at indibidwal na may naghahasik ng terorismo sa mga lalawigan ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at buong Kabikolan.
Sa Bikol, may 64 na kaso ng EJK kabilang ang mga paralegal ng Karapatan na sina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala at mga magsasaka sa Masbate at Albay.
Sa isla ng Negros, pinaslang ang mga human rights worker ng Karapatan na sina Elisa Badayos, Zara Alvarez, Bernardino Patigas at Benjamin Ramos. May 70 kaso rin ng pagpatay sa mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga operasyon ng pulisya.
Nanalasa ang takot sa mga komunidad ng mga magbubukid sa Negros Oriental sa pagpapatupad ng Synchronized Enhanced Managing of Police Operations o Oplan Sauron na kumitil ng 20 lider-magsasaka at mamamayan ng lalawigan mula Disyembre 2018 hanggang Marso 2019 dahil sa bintang na mga miyembro sila ng NPA.
Walang napapanagot kahit isang salarin sa daan-daang kaso ng EJK na nabanggit. Madalas ibasura at hindi man lang nakasisilay ng korte ang mga kasong isinampa ng mga pamilya ng biktima.
Reklamo sa UNHRC
Sa pagsisikap ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at iba pang kinatawan ng Makabayan Coalition sa Kamara, nakatakda na ang imbestigasyon ng Quad Committee sa Oplan Sauron na ipinatupad ni dating PNP chief Gen. Debold Sinas noong siya pa ang hepe ng pulisya sa Gitnang Visayas.
Ngunit marami pa ring mga kaso ng pampolitikang pamamaslang sa panahon ni Duterte ang hindi pa nagkakaroon ng independiyente at patas na imbestigasyon.
Dahil sa kawalan ng pag-usad sa mga kaso at pagbasura ng DOJ sa mga kaso sa mga pulis, nagpasya ang mga kaanak nina Manny at Chai na maghain ng reklamo sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland.
Buo naman ang suporta ng mga grupong Karapatan at Hustisya sa mga kaanak ng biktima sa kanilang patuloy na laban para sa katarungan at pagpapanagot sa mga salarin sa pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Dahil bigo ang sistemang pangkatarungan ng Pilipinas na ibigay ang nararapat sa mga biktima, nagpasya na sila na magsampa ng reklamo sa UNHRC na sumusubaybay sa pagpapatupad ng International Covenant on Civil and Political Rights kung saan state party ang Pilipinas,” wika ni Palabay.
Ani Rosenda Lemita, ina ni Chai, “Hangad lang namin ang disenteng pamumuhay at ipaglaban ang aming karapatan at ang aming komunidad, pero ganito ang ginawa sa amin.”
Matapos ang Bloody Sunday Massacre na kumitil sa kanyang anak at manugang, hindi natigil ang pangha-harass ng mga elemento ng estado sa pamilya Lemita na mga residente ng Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.
Patuloy nilang tinututulan at ng kanilang komunidad ang pangangamkam ng lupa ng Manila South Coast Development Corporation ng pamilya ni Henry Sy.
Palinawag pa ni Rosenda, nagpasya silang lumapit sa UNHRC dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sistemang pangkatarungan sa bansa dahil sa mabagal kilos ng DOJ sa kanilang mga apela at petisyon.
Nais rin umano nina Liezel, Rosenda at iba pang kaanak ng mga biktima ng Bloody Sunday Massacre at iba pang operasyon na humarap sa Quad Committee sa Kamara.
Handa silang magbigay ng mga testimonya kung mapagbibigyan ang kanilang panawagan na masinsinang imbestigahan ang mga krimen ni Duterte, kasama ang mga opisyal ng PNP na sina Sinas, dating CIDG chief Maj. Gen. Romeo Caramat at Police Col. Lito Patay.