Husgahan Natin

Pangulong Duterte at ang Korte Suprema

Bilang pinakamataas na hukuman sa ating hudikatura, kailangan natin ang pinakamahusay at pinakatapat na kasapi ng Korte Suprema.

Dalawang araw matapos sabihin ni Pang. Duterte na patayin at tapusin na ang mga rebeldeng komunista, nagsagawa ng malakihang operasyon ang mga kasapi ng Phil. National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Laguna, Rizal at Batangas noong Marso 7, 2021.

Nagbunga ito ng pagkasawi ng 9 na aktibista at pagkahuli naman ng 6 pa sa kanila.

Ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, walang anumang armas ang mga ito nang sila ay hulihin.

Hindi rin totoong lumaban sila sa kapulisan at mga sundalo. At lalong hindi sila kasapi ng armadong grupo na lamalaban sa gobyerno.

Sila ay mga simpleng aktibista lamang.

Marami tuloy ang nagtatanong sa akin kung saan ba raw nila maaring ilapit ang bagay na ito .

Puwede ba raw silang lumapit sa Korte Suprema ?

Ang Korte Suprema ay ang pinakamataas nating hukuman sa ating sistemang legal.

Karaniwan, ang hinahawakan nitong mga kaso ay yung mga kasong dumaan na sa mas mababang hukuman tulad ng Court of Appeals.

Sa madaling sabi, ang trabaho ng Korte Suprema ay upang repasuhin kung sang-ayon ba sa batas ang ginawang hatol ng Court of Appeals.

Ngunit may mga pagkakataon din na pinapayagan ng batas ang mga mamamayan na ideretso sa Korte Suprema ang kanilang kaso.

Halimbawa nito ay ang “Petition for Certiorari” kung saan ang isang mamamayan ay gustong pawalan ng bisa ang isang batas na ginawa ng Kongreso. Maaari siyang maghain ng Petisyon tungkol dito sa Korte Suprema.

Bilang pinakamataas na hukuman sa ating hudikatura, kailangan natin ang pinakamahusay at pinakatapat na kasapi ng Korte Suprema.

Ito ay tinitiyak ng ating Saligang Batas na nag-uutos na kailangang irekomenda ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Pangulo ng Pilipinas ang isang abogado para siya ay matalagang Justice ng Korte Suprema.

Kailangang siya ay may edad na bababa sa 40 taon at siya ay naging abogado nang hindi bababa sa 15 taon.

Kailangang dumaan siya sa masusing pagtingin ng JBC.

Pagpumasa siya sa JBC, kailangang pumasa pa rin siya sa Pangulo na siyang may panghuling pasya kung mahihirang ba siyang Justice o hindi.

Sa mga nakaraang administrasyon, mapapansin ang pagiging independiyente ng Korte Suprema sa Tanggapan ng Pangulo.

Sa madaling sabi, hindi komo’t sinabi o ginawa ng Pangulo ay sasang-ayunan na ito ng Korte Suprema.

Kailangang tingnan muna ng Korte Suprema kung ang patakarang ito ng Pangulo ay sumasang-ayon ba sa batas o hindi.

Kung ito ay naaayon sa batas, hindi ito haharangin ng Korte Suprema. Kung ito naman ay lumalabag, ipapahinto ng Korte Suprema ang pagpapatupad nito.

Pero sa takbo ngayon ng administrasyong Duterte, marami ang nakapansing parang ayaw banggain ng Korte Suprema si Pang. Duterte.

Noong 2016, halimbawa, ay pinayagan ng Korte Suprema na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador na si Ferdinand Marcos, isa sa mga hinahangaan ni Pang. Duterte.

Ito ay sa kabila ng matinding pagtutol ng mga biktima ng martial law at iba pang human rights organization.

Noong 2017 naman, ay tinaguyod ng Korte Suprema ang deklarasyon ni Pang. Duterte ng martial law sa Mindanao sa kabila ng pagtutol ng mga human rights advocates sa bagay na ito.

Sumunod rito ang pagpapalawig sa deklarasyon ng andministrasyong Duterte ng martial law sa Mindanao. Kinatigan din ito ng Korte Suprema.

Noong 2018 naman, kinampihan ng Korte Suprema ang administrasyong Duterte sa ginawa nitong pagpahuli kay Senador Leila De Lima sa mga kasong kaugnay sa droga o bawal na gamot .

Noong taon ding ito ay tinanggihan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Sen. Antonio Trillanes, isa pang katunggali ng administrasyong Duterte, na makialam ang Korte Suprema sa pagsampa sa kanya ng kasong rebelyon,

Noong 2018 din ang nangyari ang pagtanggal ng Korte Suprema sa pwesto kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, isang mahigpit na tagapuna ni Pang. Duterte sa kanyang kampanya kontra droga.

Kung matatanggal man si Sereno, dapat rito ay sa pamagitan ng impeachment na noon ay nakasalang na sa Senado.

Ngunit nakialam ang Korte Suprema dito at deretso nilang tinanggal ang kanilang Chief Justice sa kanyang pwesto. Dahil ba sa mahigpit na tagapuna siya ni Pang. Duterte?

Nang taon ding iyan ay umalis ang Pilipinas bilang kasapi ng International Court