Suring Balita

Sakunang dala ng huling pagbisita ni Austin


Parang hagupit ng bagyo ang pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin. Sa loob ng isa’t kalahating araw, dala niya ang mga kasunduang ibayong nagpapalalim sa malakolonyal na relasyon.

Muling bumisita si United States (US) Defense Secretary Lloyd Austin sa Pilipinas noong Nob. 18 bilang bahagi ng ika-12 pag-ikot ng opisyal sa rehiyong Indo-Pasipiko. Layunin ng pagbisita ang ibayong pagpapatibay sa alyansa ng US at mga bansa sa rehiyon sa ilalim ng misyong isulong ang “malaya at bukas na Indo-Pacific.” Liban sa Pilipinas, dumaan din ang opisyal sa Australia, Fiji at Laos.    

Ikaapat at huling pagbisita na ito ni Austin at ng administrasyon ni Joe Biden sa Pilipinas bago tuluyang bumalik sa puwesto si US President-elect Donald Trump. Si Pete Hegseth naman ang nakatakdang pumalit kay Austin.

Parang hagupit ng bagyo ang pagbisita ni Austin. Sa loob ng isa’t kalahating araw, dala niya ang mga kasunduang ibayong nagpapalalim sa malakolonyal na relasyon ng Pilipinas at US.

Sa huling pagbisita ng opisyal, tiniyak nitong mapirmahan ang mga bagong kasunduang militar na nagtutulak ng “interoperability” ng mga armadong puwersa ng dalawang bansa. Sa harap ito ng patuloy na pagkaladkad sa Pilipinas ng US sa pang-uupat nito ng giyera sa China.

Sinalubong agad ng papuri at pasasalamat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang unang araw ng pagbisita ni Austin. Ipinagmalaki ng pangulo ang aniya’y naging mahalagang papel ng mga bagong base militar ng US sa Pilipinas sa mga sunod-sunod na bagyong humambalos sa bansa at tumitinding hamon ng climate change.

Tugon naman ni Austin, may basbas niya ang mga tropang Amerikanong tumulong sa panahon ng sakuna. Nagbigay din muli ang US ng $1 milyon na humanitarian aid

Ngunit para sa militanteng grupo ng mga kababaihan na Gabriela, dapat panagutin at singilin ang parehong administrasyong Biden at Marcos Jr. sa nararanasang mas matitinding sakuna ng mamamayang Pilipino.

“Ang kanilang mga patakarang neoliberal na naghihikayat sa operasyon ng mga malalaking minahan, nagdudulot ng pandarambong ng kalikasan, at ang kanilang militarisasyon ang pangunahing mga salarin sa paglubha ng epekto ng kalamidad sa mga kababayan sa kanayunan at kalunsuran,” sabi ni Gabriela secretary general Clarice Palce

Inilarawan niya bilang “smokescreen” o panlilinlang ang humanitarian assistance na ibinigay ng US.

Ayon kay Palce, ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr. sa imperyalismong US ay umabot na sa “rurok ng kawalang-hiyaan,” lalo na sa paggamit sa pagdurusa ng mamamayan mula sa mga bagyo para bigyang-katuwiran ang pagtatayo ng mas maraming base militar ng US at gawing katanggap-tanggap ang interbensiyon ng US. 

Sa parehong araw, agad na lumabas ang tunay na pakay ng pagbisita ni Austin. Sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, punong-himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pinirmahan nina Austin at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang General Security of Military Information Agreement (GSOMIA) at ang pagtatayo ng Combined Coordination Center (CCC) sa loob ng kampo. 

Ayon sa US Department of Defense, “kritikal na hakbang” ang GSOMIA sa pagpapalalim ng “interoperability” ng US at Pilipinas. Dagdag niya, ang mga bagong kasundua’y magpapahusay ng mga ehersisyo at operasyong militar at pagresponde sa panahon ng sakuna.

Nakahapag na ang pagpirma sa GSOMIA sa balangkas ng Bilateral Defense Guidelines mula pa noong 2021. Pinagkasunduan ng dalawang bansa ang paglagda sa GSOMIA sa pagtatapos ng taon sa isang Bilateral Security Dialogue sa Washington noong April 2024. 

Isang paraan ito ng US para tiyaking mananatili ang estratehikong alyansa sa Pilipinas sa harap ng pagpapalit ng administrasyon ng imperyalistang bansa.  

Naantala ang maagang pagpirma dahil kailangan pang inspeksiyonin ng US ang mga pasilidad at kampo militar at tiyaking pasado ito sa kinakailangang “security requirements.” 

Ayon kay Defense Assistant Secretary Arsenio Andolong, inilalatag ng GSOMIA ang balangkas kung paano magbabahagian ng classified military information ang dalawang bansa. Magiging daan din aniya ito para maka-access ang Pilipinas ng mga bagong teknolohiya mula sa US.

Pero para kay Antonio Tinio, tagapagsalita ng P1NAS, itinutulak ng mga kasunduan ang interes ng US na panatilihin ang hegemonya sa Asya-Pasipiko.

Dapat din aniyang isaalang-alang ang malayong mas mahinang kakayanan ng Pilipinas pagdating sa intelligence, surveillance at reconnaissance (ISR), at itutulak lang ng kasunduan ang lalong pagdepende ng bansa sa US-supplied intelligence. 

Pinangangambahan naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang kawalan ng taning ng kasunduan, maaari lang itong amiyendahan o suspendihin. Katumbas anila ito ng lubusang pagsuko ng ating seguridad sa US. 

Hindi rin pinalagpas ng Bayan ang pagbubukas ng CCC sa loob mismo ng Camp Aguinaldo na maituturing anila bilang “de facto” na Enhanced Defense and Cooperation Agreement (EDCA) site.

“Sino ang may kontrol sa sinasabi nilang ‘combined coordination center?’ Ano ang magiging papel ng US sa loob ng center? Bakit hinahayaan ng gobyerno ang isang dayuhang entidad na magtayo ng pasalidad sa loob mismo ng Camp Aguinaldo?” pahayag ng Bayan.

Pagpapatunay din anila ang CCC ng ibayong pagpapakatuta ng Pilipinas sa interes ng US. 

Nagpaalala naman ang Chinese Embassy sa Pilipinas na hindi dapat maging target ng GSOMIA ang China o anumang bansa. Sa isang pahayag, sinabi nitong hindi dapat makaapekto ang kasunduan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, o kaya ay dumagdag pa sa pagpapalala ng tensyon. 

Binista rin ni Austin ang Antonio Bautista Airbase sa Palawan, isa sa siyam na US bases sa ilalim ng EDCA at himpilan ng Western Command (Wescom) ng AFP, noong Nob. 19. Wescom ang nakatutok sa mga usapin sa West Philippine Sea. 

Pakay ng opisyal ng US ang paglilipat ng mga bagong unmanned surface vessel (USV) sa kustodiya ng Philippine Navy. Nagsagawa ng demonstrasyon ang Navy sa paggamit ng mga MANTAS T-12 USV mula sa Maritime Tactical Systems. 

Ayon sa Pentagon, makatutulong ang T-12 sa pagpapataas ng kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang soberanya nito sa buong exclusive economic zone sa bahagi ng South China Sea. 

Ani Austin, mula ang mga drone sa naunang $500 milyon na military financing na pinagkasunduan sa 2+2 Meeting sa Pilipinas noong Hulyo 2024. Sa sobrang tuwa ni Austin, nadulas siya sa social media at nalantad ang tungkol sa mga tropang Amerikanong ipinadala para buuin ang isang tinatawag na Task Force Ayungin

Sabi ni Austin sa isang post sa X (dating Twitter), “I visited the Command and Control Fusion Center in Palawan today. I also met with some American service members deployed to US Task Force Ayungin, and I thanked them for their hard work on behalf of the American people and our alliances and partnerships in this region.” 

Kinukumpirma nito ang aktibong papel ng US sa mga operasyong militar ng Pilipinas sa South China Sea. Bagaman itinatanggi ng Pilipinas at Pentagon ang direktang partisipasyon ng mga tropang Amerikano, patunay ang Task Force Ayungin ng buong iskema ng pang-uupat ng US ng giyera laban sa China at ang pagkaladkad nito sa Pilipinas.

Mabilis itong kinondena ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas. Nanawagan ang grupo sa kagyat na pagbaklas ng nasabing task force at pagtutol sa tumitinding military intervention ng US.

Ayon sa grupo, ibayong magpapatindi ng sitwasyong militar sa West Philippine Sea ang presensiya ng Task Force Ayungin na ikapapahamak ng interes at kaligtasan ng mga mangingisda sa lugar. Giit ng grupo, dapat tahakin ang mas diplomatiko at mapayapang resolusyon sa sigalot sa kanlurang katubigan ng bansa.

Sa harap ng tumitinding girian ng mga imperyalistang US at China, lalong nilalagay ng mga pinaigting na kasunduan ng PIlipinas at US ang bansa at mamamayang Pilipino sa isang disbentaheng posisyon.

Walang interes ang US sa pagtatanggol sa soberanya, kapakanan at kapayapaan sa bansa at rehiyon, ginagawa lang tayong “launching pad” ng kanyang mga atake laban sa China.

Ayon sa Gabriela, dapat isulong ng mamamayang Pilipino ang isang tunay na independiyenteng patakarang panlabas na nagsisilbi sa totoong interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino.