Pax Silica, kaunlaran o digmaan?
Hulyo 4, 1946, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, “lumaya” ang Pilipinas mula sa United States. Makalipas ang 80 taon, ibinabalik ng rehimeng Marcos Jr. ang bansa sa US para sa mga bagong nitong giyera.
Ibinabalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United States (US) ang napalayas nang base militar nito bilang Economic Security Zone (ESZ) ng Pax Silica. Itatayo sa 1,619 ektaryang sakahan at lupang katutubo ang mga pabrika at pasilidad sa artificial intelligence (AI) at teknolohiyang pandigma ng US.
Noong Abril 16, sumali ang gobyernong Marcos Jr. sa Pax Silica, isang “estratehikong koalisyon” na binuo ng US noong Disyembre 2025. Layon nitong agawin sa China ang kontrol sa pandaigdigang supply chain, o daloy ng suplay, ng semiconductors at mga kritikal na mineral para sa teknolohiyang AI at pangseguridad.
Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagsali dito ni Marcos Jr. Anila, “malawakang pagbebenta” ito sa Pilipinas na magpapatindi sa pangangamkam ng lupa at pandarambong sa likas na yaman.
“Ibinubukas ng gobyerno ang ating mga kabundukan at ancestral lands para sa mas mapaminsalang pagmimina at industriyang para sa dayuhan,” pahayag ng grupo.
Libreng ipapagamit sa US ang New Clark City (NCC). Kontribusyon ito sa inisyatiba ng “pang-ekonomiyang pagtutulungan,” ayon sa Bases Conversion Development Authority (BCDA), ahensiyang nangangasiwa sa NCC. Sa dating base militar ng US, sa inaagaw na katutubong lupain ng mga Aeta, itatayo ang Pax Silica ESZ na pinakaunang “AI industrial hub” sa mundo.
Nagpunta na si US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg sa NCC noong Mayo 18. Pinasinayaan niya ang pagtatayo ng ESZ na tatawaging “Golden Node” o “Ginintuang Dugtungan.”

“Estratehikong priyoridad ng administrasyong [Donald Trump] ang pagtitiyak ng aming supply chain at ito ang sentro ng Pax Silica,” ani Helberg sa wikang ingles.
Inaasahang papabilisin nito ang pagkuha at pagproseso ng hilaw na materyales hanggang sa produksiyon ng mga semiconductor at microchips, para sa US.
Ayon kay Joshua Bingcang, BCDA President at punong kontratista ng Pilipinas sa Pax Silica, napiling lokasyon ang NCC dahil sa “estratehikong posisyon” nito sa Luzon Economic Corridor (LEC).
Binuo ng US, Pilipinas at Japan ang LEC bilang magkakadugtong na supply chain at produksiyon ng teknolohiya mula Subic, Clark, Metro Manila hanggang Batangas.
Iniulat naman ng Wall Street Journal na batas ng US ang paiiralin at palulusutin sa lokal na batas ang mga tauhan at kompanyang Amerikano sa itatayong ESZ. Itinanggi ito ni Bingcang. Pero sa isang panayam, nilinaw ni Helberg na pangmatagalang balangkas ng Pax Silica ang pagbibigay sa kustodiya ng AI hub sa US.
Kinondena ito ng Philippine Chapter ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS). Labag anila ito sa soberanya ng Pilipinas at “pabor lang sa mga korporasyon at heopolitikal na interes ng mga dayuhan.”
“Tayo ang gagawing tagasuplay ng murang hilaw na materyales at low-value processing tulad ng assembly, testing at packaging, habang sa kanila ang teknolohiya, kontrol at tubo,” sabi naman ng KMP.
Kritikal na mineral
Nagbabala ang Pro-People Engineers and Leaders (Propel) sa panganib ng paglago industriyang semiconductor. Nangangailangan anila ito ng malawakang pagmina ng mga mineral at pagtatayo ng industrial zones na makakasira sa kalikasan at mga kabuhayan.
Sabi ni Helberg, tumataas ang pangangailangan sa hilaw na materyales dahil sa paglago ng teknolohiyang AI. Pero natitigil aniya ang produksiyon ng maraming kompanyang US dahil sa pagkaantala ng suplay.
Galing sa China ang 90% ng suplay ng kritikal na mineral sa buong mundo. Kontrolado rin nito ang pandaigdigang produksiyon ng semiconductor at microchips, kabilang ang mga ginagamit sa teknolohiyang pandigma ng US.
Nakadepende naman ang US sa pag-aangkat ng 90% ng pangangailangan nitong semiconductor. Para sa administrasyong Trump, banta ito sa kanilang ekonomiya at seguridad.
“Hindi na umuubra ang kasalukuyang kaayusan. Hindi na rin ito sapat para sa hinaharap natin,” ani Helberg.
Panglima ang Pilipinas sa bansang may pinakamalaking reserba ng nickel, copper at cobalt na pangunahing ginagamit sa modernong electronics. Ayon sa US State Department, napakahalaga ng mga mineral sa Pilipinas para sa pandaigdigang supply chain.
Nitong Marso 26, naglaan ang US Congress ng $250 milyong “Pax Silica Fund” para sa pagmina, pagproseso at pagmanupaktura ng mga kritikal na mineral mula sa mga kasaping bansa.
Pinirmahan naman noong Pebrero ang memorandum of understanding ng US at Pilipinas sa pagmimina at pagproseso ng mga kritikal na mineral para sa industriya ng semiconductor at electronics.
“Malinaw na ang karanasan natin sa malakihang pagmimina: mga kalbong bundok, nilason na mga ilog at komunidad na pinagtapunan ng mine tailings,” sabi ng KMP.
Patitindihin anila ng Pax Silica ang large-scale mining na matindi nang nakapinsala sa mga probinsya ng Zambales, Palawan at Nueva Vizcaya.
Nanawagan ang Propel sa mga kapwa inhinyero na bawiin ang engineering bilang propesyon na nag-aangat sa buhay ng mga Pinoy, nagtatanggol sa kalikasan at nagsusulong ng katarungang panlipunan.
“Mga inhinyero tayo, pero tayo rin ay mga mamamayan at mitsa ng pagbabago,” anang grupo.
Trabaho?
Isang milyong trabaho ang maibibigay ng Pax Silica at LEC. Ito ang ibinida ni Marcos Jr. pagkatapos ng pulong nila ni Helberg sa Malacañang noong Mayo 19.
Pero duda si Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler). Narinig na aniya ng mga manggagawa ang ganitong mga pangako.

Kinondena ng iba’t ibang grupong makabayan ang pagsali ng Pilipinas sa Pax Silica Initiative ng US. Neil Ambion/Pinoy Weekly
“Ang nakikita natin ay isa na namang export-oriented na modelo ng kaunlaran kung saan magsusuplay ang Pilipinas ng cheap labor,” aniya.
Kahit 47.7% ng export ng Pilipinas ay produktong electronics, pangatlo pa rin ito sa industriyang pinakamaraming manggagawang part-time sa bansa.
Ayon pa kay Porras, sa kabila ng limang dekadang dayuhang pamumuhunan, batbat pa rin ng kontraktuwalisasyon, mababang sahod, panunupil sa unyon at di-ligtas na lugar-paggawa ang sektor ng electronics at semiconductor.
Matatandaang umabot sa 600 manggagawa ang biktima ng malawakang tanggalan sa Nexperia Philippines, isa sa pinakamalaking pabrika ng semiconductor sa bansa, sa nakalipas na taon. Talamak at paulit-ulit din ang mga malawakang tanggalan sa iba pang dayuhang kompanya ng semiconductor gaya ng Onsemi, SMT at Texas Instruments.
Naungkat na rin ang paparaming kaso ng masahol na kalagayan sa mga AI data centers sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo. Nauna nang iniulat ng Pinoy Weekly ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa mga kompanyang business process outsourcing na gumagamit ng AI.
Hindi naman umaasa ng trabahong may mataas na kalidad at sahod maging ang mga propesyonal sa industriya ng teknolohiya. Ayon sa Computer Professionals’ Union (CPU), limitado lang sa assembly, testing at packaging ang trabaho sa ESZ, gaya ng iba pang dayuhan pamumuhunan sa mga export processing zone sa bansa.
“Mananatili pa rin sa dayuhan ang mga high-value na aspekto ng engineering [gaya ng] design, innovation at pagmamay-ari,” sabi naman ng Propel.
Pangamba pa ng Ibon Foundation, posibleng hindi na kakailanganin ng mga totoong tao na manggagawa kung maging buong AI-enabled na ang operasyon ng mga mamumuhunan sa Pax Silica.
“Dapat magsilbi ang kaunlaran sa mga manggagawa, mga komunidad magsasaka at pambansang soberanya, hindi sa dayuhang interes. Para sa mga manggagawa, ang pagsulong ng teknolohiya ay dapat kasabay ng katarungang panlipunan, karapatan sa paggawa at tunay na pambansang pag-unlad,” ani Porras.
Produksiyon sa giyera
Parehong iginiit ng US at Pilipinas na para lang sa supply chain ng sibilyang komersiyo ang Pax Silica. Pero ayon sa Propel, dapat ding tingnan ang mas malawak na papel nito sa heopolitikal na estratehiya ng US ng pagpakete bilang sibilyan sa mga inisyatibang nagagamit sa pagpapalakas ng militar.
“Ang ipinipresentang oportunidad sa kaunlaran, sa katotohanan, ay mahigpit na nakatali sa pandaigdigang tagisan ng kapangyarihan,” sabi ng grupo.
Sa nakalipas na taon, tumindi pa ang pagpasok ng mga kompanyang panteknolohiya at AI sa industriya ng digmaan. Mula sa pagsusuri ng datos, paniniktik, hanggang sa aktuwal na operasyong militar ng “autonomous systems” o drones.
Gumagastos ng $400 milyon taon-taon ang US Department of Defense (DOD) para sa microelectronics mula sa CHIPS and Science Act. Ngayong 2026, tumaas din sa $179.1 bilyon ang badyet nito para sa Research, Development, Test & Evaluation (RDT&E), na ginagamit sa semiconductor at teknolohiyang AI.
“Sa tumitinding pagpasok sa kagamitang militar ng Silicon Valley, patungo na ang industriya ng [information and technology] sa paglikha ng mga kagamitan para makinarya ng US sa digmaan, kaysa tumutok sa consumer tech,” sabi ng CPU.

Nitong Enero, ginamit ng US ang Cloud AI ng kompanyang Anthropic sa operasyong pagdukot kay Venezuelan President Nicolas Maduro. Ito rin ang itinuturong ginagamit sa pagtukoy ng mga target sa airstrike ng US at Israel sa Iran, kabilang ang binombang eskuwelahan na pumatay sa lampas 100 batang estudyante. Kinondena naman sa mundo ang digital na paniniktik ng kompanyang Palantir para sa DOD at iba pang alyadong bansa ng US.
Ayon kay Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg) chairperson Roland Simbulan, eksperto sa ugnayang panlabas ng Pilipinas, nagiging “frontline logistics factory” ang Pilipinas na gagawa ng mga piyesa para sa mga missile, drones at sasakyang pandigma ng US.
“Sa pagsali sa Pax Silica, ipinapasok ang Pilipinas sa pandaigdigang makinarya sa giyera,” aniya.
Kasama sa mga pinuntirya ng airstrikes ng Iran ang mga pasilidad sa AI at mga kompanyang pangteknolohiya ng US sa mga bansa West Asia.
Nauna nang inanunsiyo ang plano ng US na magtayo ng oil depot, pabrika ng bala, shipyard at iba’t ibang pasilidad militar sa Pilipinas. Hindi pa kasama dito ang siyam na tinukoy na base ng US sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Ikinakabit natin ang kaunlaran sa pagkawasak imbis na sa kapayapaan. Manawagan tayo na gamitin ang ating mga yamang teknolohiya para iangat ang buhay ng mga Pilipino, hindi gatungan ang mga giyera,” ani Simbulan.
Ikinabahala naman ng ILPS ang pagpasok ng mga kompanyang militar ng Israel, gaya ng Elbit Systems at Rafael Advanced Defense Systems, bilang mga susing mamumuhunan at kontraktor sa Pax Silica.
Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa lahat ng Pilipino na magkaisa para tutulan ang Pax Silica at isulong ang pagkakaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyong hindi naka-asa sa dayuhan.
“Hindi dapat manatili ang sambayanang Pilipino bilang supplier ng mga hilaw na materyales, cheap labor at estratehikong teritoryo parasa imperyalistang pandarambong at giyera,” pahayag ng grupo.