AFP, bigo sa pagsalakay vs NPA sa Masbate, Mindoro


Napatay ang 15 sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa mga kontra-salakay ng New People’s Army sa mga isla ng Masbate at Mindoro nitong Nobyembre. Pinarangalan naman ang mga rebolusyonaryong martir.

Napatay ang 15 sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kontra-salakay ng New People’s Army (NPA) sa mga isla ng Masbate at Mindoro nitong Nobyembre.

Binigo ng Jose Rapsing Command (NPA-Masbate) ang pagsalakay ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga bayan ng Uson at Baleno sa Masbate noong Nob. 20 at 22.

Sabi ni NPA-Masbate spokesperson Luz del Mar, pito ang nasawi habang pito pa ang sugatan sa panig ng AFP matapos ang limang minutong putukan sa Brgy. San Jose, Uson, Masbate noong Nob. 22.

“Napaghandaan ng [NPA] ang paparating na mga tropa ng 2nd [Infantry Battalion ng Philippine Army] at sa gayo’y aktibong naidepensa ang sarili,” aniya.

Itinago aniya ng AFP ang bilang ng mga kaswalti nito pero nasaksihan ng mga residente ang pagkarga sa kalabaw ng mga bangkay ng sundalo.

Ligtas namang nakasibat ang isa pang yunit ng NPA sa pagsalakay ng AFP sa Brgy. Cancahorao, Baleno, Masbate noong Nob. 20. Matapos ang bakbakan, nadakip ang isang “Ka Leon” na ani del Mar ay nahiwalay sa pag-atras ng kanilang yunit.

Nanawagan ang NPA-Masbate sa kanilang mga yunit na maging alerto sa mga pagtatangka ng AFP na makapagpabida ng tagumpay bago matapos ang taon.

“Dapat samantalahin ng mga yunit ng NPA-Masbate [ang] lahat ng oras at pagkakataon para iabante ang mga rebolusyonaryong gawain, lalo na ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang biguin ang utos ni [Ferdinand] Marcos Jr. na tapusin ang armadong pakikibaka ngayong taong 2024,” aniya.

Napatay naman ang dalawang sundalo ng 76th Infantry Battalion at 203rd Infantry Brigade matapos makasagupa ang isang yunit ng Lucio de Guzman Command (NPA-Mindoro) sa Brgy. Bugtong na Tuog sa bayan ng Socorro, Oriental Mindoro noong Nob. 18.

“Sa halip na malipol kagaya ng hibang nilang target, matapang silang nilabanan ng mga pulang mandirigma hanggang sa ligtas silang nakaatras,” ani Madaay Gasic, tagapagsalita ng NPA-Mindoro.

Nagpataw aniya ng food blockade at lockdown ang mga sundalo sa mga residente ng barangay bilang ganti sa nabigong pagsalakay.

Nauna nang nakasagupa ng isa pang yunit ng NPA-Mindoro ang parehong yunit ng AFP sa dalawang magkasunod na bakbakan sa Brgy. Villa Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro noong Nob. 5 na ikinasawi ng anim na sundalo.

“Nagaganap ang sunod-sunod na kaswalti sa mga tauhan ng berdugong 203rd Brigade sa pagmamadali nitong tapusin ang CPP-NPA-NDF sa isla hanggang katapusan ng Disyembre 2024,” ani Gasic.

Pinarangalan naman ng Apolinario Gatmaitan Command (NPA-Negros Island Regional Command) ang walong nasawing kasapi ng NPA sa magkasunod na mga engkuwentro sa Brgy. Gatuslao, Candoni, Negros Occidental noong Nob. 21 at 22.

Kinilala ni Maoche Legislador, tagapagsalita ng NPA-Negros, ang mga nasawi na aniya’y nag-alay ng buhay para ipagtanggol ang mamamayan ng Negros laban sa pang-aapi ng AFP at pangangamkam ng lupa ng mga pamilyang Araneta at Consunji para sa plantasyon ng palm oil.

“Patunay ang walong martir na mga pulang mandirigma sa paninindigan ng rebolusyon sa pagtatanggol sa mamamayan laban sa dayuhan at lokal na mandarambong,” aniya.

Ginawaran din ng parangal ng Cesar Batralo Command (NPA-Laguna) si Susan “Ka Gemma” Ritual na napatay sa pamamaril ng 202nd Brigade sa Brgy. Bacong Sigsigan sa bayan ng Famy, Laguna noong Nob. 28.

Ayon sa NPA-Laguna, kasama ni Ritual ang mga bata at ilang residente ng Sitio Bakong nang pagbabarilin ng mga sundalo sa gitna ng kabahayan. Narinig pa anila ng mga residente ang mga opisyal ng sundalo na nag-utos na “padapain” at “igapos” ang mga bata.

Iniulat naman ni Brig. Gen. Ronald Jess S. Alcudia, kumander ng 202nd Brigade, bilang “engkuwentro” ang naturang pamamaril laban sa aniya’y pagtatangka ng NPA na ibalik ang presensiya nito sa lalawigan.

Pero ayon sa NPA-Laguna, “hungkag” ang deklarasyon ng AFP na insurgency-free na ang mga bayan ng Famy at Sta. Maria. Patunay anila si Ritual na nagagawa pang kumilos at magpunyagi ng NPA sa Laguna.