Hindi weather-weather lang
Walang kongkretong patakaran ang administrasyong Marcos Jr. para tugunan ang krisis sa empleyo. Ayaw niya ring ipatupad ang nakabubuhay na national minimum wage na batay sa family living wage. Walang makabuluhang subsidyo at suporta para sa maliliit na negosyo at lokal na agrikultura.
Hindi weather-weather lang ang krisis sa empleyo sa bansa. Matagal nang sinasalanta ng kawalan at kakulangan ng trabaho ang mga manggagawang Pinoy, para panatilihing barat ang sahod sa bansa.
Ayon sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Dis. 6, dumami ang mga Pilipinong walang trabaho (unemployed) at kulang sa trabaho (underemployed) noong Oktubre 2024. Paliwanag ng gobyerno, bunga ito ng sunod-sunod na bagyong humagupit sa bansa.
Nakapagtala ng 3.9% unemployment o 1.97 milyong Pilipinong walang trabaho nitong Oktubre, mas mataas sa 3.7% noong Setyembre. Tumaas din sa 12.6% o 6.08 milyon ang kulang sa trabaho mula sa 11.7% noong Setyembre.
Pinakamaraming nawalan ng trabaho sa mga sektor ng agrikultura, pangingisda, kalakalang bultuhan at tingi (wholesale and retail), paggawaan ng sasakyan at manupaktura.
Sabi ni PSA chief Dennis Mapa, pansamantala lang itong resulta ng masamang panahon.
Bago pa humagupit ang mga bagyo, sinasalanta na ng impormalidad ang empleyo sa bansa. Tinatayang 35 milyon ng may trabaho sa bansa ay impormal (part-time, kontraktuwal, self-employed, nagkakasambahay o hindi bayad na trabaho sa pamilya).
Sa depinisyon ng gobyerno, underemployed ang mga manggagawang gustong dagdagan ang oras ng trabaho, naghahanap ng dagdag na trabahong may mas mahabang oras o ng pangalawang trabahong may mas malaking sahod.
Hindi oras kundi sahod ang gustong dagdagan ng mga manggagawa. Dahil sa talamak na impormalidad, mas maraming manggagawa ang walang nakabubuhay na sahod. Ang P454 na average na minimum wage sa buong bansa ay 37% lang ng P1,215 average family living wage (FLW) o kailangang sahod para makabuhay ng pamilya.
Sabi ng National Economic and Development Authority, minamadali na ng administrasyong Marcos Jr. ang paglikha ng “mataas na kalidad” ng trabaho sa pamamagitan ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy Act (Create More) at Enterprise-Based Education and Training Framework Act.
Pero nitong Oktubre, mga trabaho lang sa business process outsourcing ang nadagdagan. Bagaman bahagyang mas mataas ang sahod, kontraktuwal at wala ring seguridad ang mga ito.
Patuloy namang lumiliit ang empleyo sa sektor ng manupaktura na pinagmumulan ng mas mataas na kalidad ng trabaho. Matagal na ring pinapatay ng talamak na importasyon at smuggling ang mga trabaho sa lokal na agrikultura at pangingisda.
Walang kongkretong patakaran ang administrasyong Marcos Jr. para tugunan ang krisis sa empleyo. Ayaw niya ring ipatupad ang nakabubuhay na national minimum wage na batay sa FLW. Walang makabuluhang subsidyo at suporta para sa maliliit na negosyo at lokal na agrikultura.
Patuloy pang sasahol ang krisis sa trabaho dahil nakabatay ang polisiya sa empleyo ng administrasyon sa itinatakda ng mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista, hindi sa pangangailangan ng mamamayan at bansa.
Ang gusto nila, panatilihing malala ang kawalan at kakulangan sa trabaho para mas maraming manggagawang Pinoy ang mag-agawan sa mga trabahong mababa ang kalidad at mapilitang tanggapin ang barat at hindi nakabubuhay na sahod.
Hindi bagyo ang nagdulot ng krisis sa empleyo, kundi ang pagpiga sa mga manggagawang Pilipino.