Kung ipapanganak si Kristo bilang batang Pilipino
Ang mga realidad ng mga sanggol at bata ang naglalapit sa atin sa pinagdaanan ni Hesus at ng Kanyang pamilya.
Sa sinaunang Gitnang Silangan, tinatayang kalahati ng mga sanggol ang namamatay bago tumuntong ng isang taong gulang. Samantala, sa Pilipinas ngayon, 2.2% lang ito.
Hindi mapagkakailang malayong-malayo na ang mga pagsulong sa siyensiya at teknolohiya upang paunlarin ang kalagayan ng pamumuhay.
Ngunit sa kabila ng mga pag-abante, nananatili pa rin na ang mga sanggol at bata bilang ilan sa mga pinakabulnerableng bahagi ng populasyon. Maraming bagay pa ang kailangang paunlarin upang tuluyang bigyan sila ng nakabubuhay na kalagayan at kinabukasan sa bansa.
Ngayong Pasko, sa kabila ng maligayang pagdiriwang, marami rin ang humaharap sa iba’t ibang pangamba.
Mapanganib ang mismong pagpapanganak kay Hesus. Ipinagkait din sa Kanyang ina ang serbisyong pangkalusugan at matutuluyan, kaya napilitang manganak sa sabsaban.
Sa sinadyang pagpili ng Diyos na ipanganak nang mahirap, Siya ang mukha ng mga sanggol at batang patuloy na kumakaharap ng malabong hinaharap.
Sa gayon, kung ipinanganak si Kristo bilang batang Pilipino ngayon, malamang magiging kabilang siya sa:
- 78% ng mga pamilya ang nagsabing mahirap o halos mahirap na sila
- 70% ng batang may sintomas ng acute respiratory infection
- 1 sa 3 batang makararanas ng pagkabansot
- 9.1% ng pamilya sa kanayunan na umiinom mula sa unimproved source ng tubig
- 30% ng pamilya sa kanayunan na may sanitasyong limitado, unimproved, o dumudumi sa bukas na lugar
- 250,000 – 1 milyong tinatayang batang kalye
Dagdag sa kahirapan, malabo rin ang Kanyang mga kakaharapin sa kinabukasan. Mapapabilang siya sa:
- 3.86% ng batang hindi makae-enroll sa elementarya
- 6 sa 10 Pilipinong inaasahang mamamatay nang hindi makakakita ng doktor
- 7 kada 10 magsasakang walang sariling lupa
Magiging bulnerable rin Siya sa masasalimuot na pagsubok, gaya ng
- 4.3% ng batang puwersahang pagtatrabauhin
- 60,000-100,000 batang tinatayang biktima ng labor o sex trafficking
- 10 milyong tinatayang Pilipinong apektado ng sunod-sunod na bagyo ngayong taon
Sa Mateo 2, naging biktima ang mga sanggol ng sinaunang Palestina ng masaker ni Haring Herodes para sa kapangyarihan. Sa mga kahalintulad na kalagayan, mapapabilang siya sa:
- 43,582 tinatayang bilang ng mga biktima ng sapilitang pagpapalikas mula sa mga operasyong militar sa loob ng dalawa’t kalahating taon ng pamumuno ni Marcos Jr.
- 46,921 tinatayang bilang ng mga biktima ng walang-habas na pambobomba sa loob ng dalawa’t kalahating taon ng pamumuno ni Marcos Jr.
- libo-libong batang nawalan ng ama o breadwinner dahil sa tokhang ni Duterte na ipinagpapatuloy ni Marcos Jr.
At dahil Palestino Siya, si Hesus ay mapangangambang magiging bahagi Siya ng:
- 3,708 bata na limang taong-gulang pababa na pinatay ng Israel mula Oktubre 7 nakaraang taon.
Kagimbal-gimbal at masalimuot ang unang Pasko at sinadya ito ng Diyos kahit na may kapangyarihan naman Siyang ipanganak nang mayaman at komportable.
Ang mga realidad ng mga sanggol at bata ang naglalapit sa atin sa pinagdaanan ni Hesus at ng Kanyang pamilya. Talagang hindi magiging tunay na masaya ang bawat Pasko hangga’t may mga sanggol na nakararanas ng mga pangambang kinaharap ni Kristo.
Sa pagsasakonteksto ng buong kuwento ni Hesus, ang pagpapanganak sa Kanya ay karugtong ng Kanyang ministeryo na pakainin ang mga gutom, pagalingin ang mga may-sakit, wakasan ang abuso, at palayain ang lipunan.
Kung nababasa mo ito ngayon, nalampasan mo ang pagsubok na patuloy na naglalagay sa mga sanggol at bata sa mahihirap at nakamamatay na kalagayan. Kaya maging kawangis dapat tayo ni Kristo, maging katuwang ng Diyos na lumikha ng lipunang langit para sa mga sanggol at bata.