Youth On Mission

Paghahati at paghahari


May tungkulin tayo sa isa’t isa na makinig at makibahagi sa talakayan at buhay ng kapwa taumbayan natin at ipaunawa sa isa’t isa na hindi kapwa masa ang humihila sa atin pababa kundi ang mga naghaharing-uri na tiwali at hindi kumikilos batay sa ating interes.

Kamakailan, habang sumakay ako sa jeep, may umakyat na pulubing may dalang mga sobre. Pagkatapos niyang bumaba, nagkuwentuhan ang dalawang pasahero sa jeep, binabanggit na naghahanap-buhay daw sila, ngunit iyong pulubi ay nanghihingi lang. Binanggit ding dumadami na raw ang mga namumulubi.

Hindi nagtagal, kaugnay daw nito ay hirap na rin daw kasi sila sa buhay. Hindi na nila mapagkasya ang P1,000 sa isang linggo ng grocery, naglalaho na raw matapos ng ilang araw.

Pagkatapos, bumalik sila sa pangungutya sa pulibi at nagbato ng ilang mga hinala sa kanyang ginagawa. Sayang nga, nakarating agad sila sa kanilang destinasyon at hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong masama pa sa kanilang pag-uusap.

Pagkababa nila, naalala ko naman iyong comments sa TikTok account ko na panay pagtatanggol kay Sara Duterte hinggil sa kanyang mga isyu sa confidential funds. Marami rin sa kanila ang pumupuna na punahin ko naman din daw ang pangungurakot ni Ferdinand Marcos Jr. 

Talagang sumagi sa akin iyong binabanggit ni Karl Marx na false consciousness o iyong dahil sa panlilinlang ng kasalukuyang kultura at politika, nagkakaroon ng pag-iisip tayong mga ordinaryong tao na lihis sa obhetibong kalagayan ng lipunan upang hindi makita ang pinag-uugatan ng mga problema natin.

Mabisa itong sangkap ng “paghahati at paghahari” upang ang mga tiwali at gahaman sa ating lipunan ay nakapapanatili ng kapangyarihan habang nag-aaway-away at hindi nagkakaisa ang mamamayan.

Paano ba naman, as if ninakawan ng pulubi ang dalawang pasahero sa paghingi ng kaunting barya, as if kailangang magkaroon ng papanigan sa awayang Marcos-Duterte.

Ngunit sa batas mundo, kahit sa atrasadong pag-iisip, nandoon ang mga binhi ng mas mauunlad na kaisipan. Balikan ang “hugot” ng isang pasahero hinggil sa hindi mapagkasyang isang libo. Kapag ba hiningian siya ng kaunting barya ng pulubi, malaki ang tapyas sa kaniyang bina-budget?

Kailangang tanungin, bakit hindi na mapagkasya ang isang libo? Sino-sino ang nagtakda ng mga kurakot at makadayuhang polisiyang ekonomiko na pahamak sa ordinaryong Pilipino? Sino ang nangako ng bigas na beynte pesos? Sino ang nagsabatas ng Rice Liberalization Law na nagbuhos ng inangkat na bigas, winasak ang lokal na agrikultura at humantong sa pagtaas lalo ng mga presyo ng bilihin?

Pangalanan ang mga may-sala: mga Marcos, Duterte at iba pa. Ngunit ang higit na mahalaga, ang mga may-sala—na silang dapat pinagbubuhusan ng ating pagkamuhi—ay tukuyin bilang mga naghaharing-uri na dahil sa kanilang pagsunod sa mga dayuhan at kapwa nananamantala, nagkakamal sila ng yaman at taumbayan ang dehado.

Ganito rin sa ibang isyu. Kamakailan, nabalitaan na natin para sa budget sa 2025 na walang subsidyo para sa Philhealth. Lumalabas din sa report ng Commission on Audit na ang pinakamalaking gumastos ng confidential funds para sa 2024 ay ang Office of the President.

Ito’y habang dahil sa gobyernong bulok, dumadami ang mga pulubi na walang-wala na at napipilitan sa isang nakahihiyang pamamaraang mamulubi sa maraming tao at mahusgahan para lang makatawid sa gutom at iyong pasahero ay naghihigpit na ng sinturon dahil hindi mapagkasya ang pera sa pang-grocery.

Magkaugnay ang sikmura ng pulubi at pasaherong matagal nang idinidikdik sa atin na tila magkaaway. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, umakyat tungo 22.9% ang mga pamilyang Pilipino ang nagugutom sa ikatlong kuwarto, kumpara sa 17.6% na naitala noong Hunyo.

Sa gayon, may tungkulin tayo sa isa’t isa na makinig at makibahagi sa talakayan at buhay ng kapwa taumbayan natin at ipaunawa sa isa’t isa na hindi kapwa masa ang humihila sa atin pababa kundi ang mga naghaharing-uri na tiwali at hindi kumikilos batay sa ating interes.

Tama na ang paghahati at paghahari. Kailangan nating bawiin ang UniTeam: ang kinakailangang pagkakaisa ng masang anakpawis upang singilin at panagutin ang mga naghaharing-uring lubos na nagkakasala sa atin.

Ang paghahati ay dapat sa hanay ng mga naghaharing-uri at dapat samantalahin upang ang tunay na makapaghari ay ang masang Pilipino sa isang sistemang hindi na magluluwal ng mga tulad nina Marcos at Duterte.

Ang solusyon sa organisadong bangayan ay ang organisadong lakas ng mamamayan.