Ang manakawan sa Traslacion
Bilang deboto, may hila talaga sa akin ang Nuestro Padre kahit nasa likuran na ako ng andas. Hindi ako nasapatang masilayan lang Siya nang isang beses, kailangang sundan nang sundan.
Ang nangyari kasi, kahit na unang beses kong makiisa sa prusisyon ng Poong Hesus Nazareno nitong Ene. 9, kaya ko palang makipagsabayan sa libo-libo at grupo-grupong ninanais makalapit sa imahen.
Bilang deboto, may hila talaga sa akin ang Nuestro Padre kahit nasa likuran na ako ng andas. Hindi ako nasapatang masilayan lang Siya nang isang beses, kailangang sundan nang sundan.
Sa bandang Pambansang Museo ako minalas. Inakala kong ligtas ang aking phone sa malalim na bulsa hanggang naramdaman kong mabilis itong dumulas. Hindi ko na nakita kahit napasigaw at hinanap ito. Nakapanghihinayang at masakit dahil hindi pa naman iyon buong bayad pa.
May kaibigan akong nanakawan din ng phone at marahil hindi lang kaming dalawa. Panigurado, kapag ang mga ganitong balita o pangyayari ang naibahagi na naman sa social media, magsisilabasan ang mga matapobreng komento ng maraming panggitnang uri. Isama na ang mga komento hinggil sa walang pigil na girian upang makalapit, mga naiwang basura, pati ang unahan sa pagsampa sa krus sa andas bilang “kawalan ng disiplina” kuno.
Iba-iba ang mga insidenteng nangyayari tuwing Traslacion, ngunit pinagbubuklod ang mga ito hindi lang ng mismong pag-iral ng dakilang prusisyon ng Maynila, kundi bakit nga ba ito tinatangkilik ng milyon-milyon taon-taon.
Paano ba naman, dumadami ang hopeless na Pilipino sa pagpasok ng bagong taon. Pinakamababa sa 15 taon, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), bumaba ang mga Pilipinong may pag-asa nang 6%. Nasa 10% ng mga Pilipino na may tamang edad ang mas may pangamba at takot kaysa pag-asa ngayong 2025.
Lumabas din ang kaugnay na balita na 63% ng mga kabahayang Pilipino ang nagsasabing sila’y mahirap—pinakamataas sa 21 taon ayon sa SWS. Bumaba man ang unemployment at underemployment ayon sa mga opisyal ngunit baluktot na estadistika mula sa pamahalaan, kalakhan naman ng mga nalilikhang trabaho ay impormal, mabababa ang sahod at barat o walang benepisyo.
Ito ang kolektibong realidad na higit na naisapuso sa pagninilay sa Traslacion sa kabila ng pagnakaw sa akin. Sa totoo lang, milyon-milyon ang ninakawan sa mga lumahok sa prusisyon—silang nagdarasal nang taimtim sa Poong Nazareno dahil lalong pinagkakaitan sila ng serbisyong pangkalusugan at disenteng kabuhayan. Puwede ring ipagpalagay na ang mga mandurukot doon ay epekto ng desperasyon bunga ng krisis panlipunan, magnakaw ba naman sa presensiya mismo ng Nazareno.
Nasa larangan man ng relihiyon itong prusisyon, malinaw ang batayang panlipunan. Hindi nagdadasal ang mga Pilipino nang basta-basta, lalo na sa lumalalang krisis nitong lipunang malakolonyal at malapiyudal, korupsiyon sa pamahalaan, at pandarambong ng mga dayuhan.
Kinakailangang makita na ang kalakhan ng mga Pilipino ay astang sindikatong ninanakawan ng mga politikong nasa kadiliman at kasamaan. Bagaman masakit sa personal na manakawan, higit pang nakamamatay ang sistemikong pagnanakaw na ginagawa sa ating lahat, gaya na lang ng kapabayaan sa sistemang pangkalusugan, dahilan kung bakit ang ordinaryong Pinoy ay nagtitiis at sumasabak na mamanata sa Traslacion.
Hindi naniniwala ang kalakhan ng pumunta na magkakaroon ng awtomatikong himala. Samakatuwid, ang hinahanap nila sa Poong Nazareno ay ang kapwa makikidalamhati at magbubuhat ng krus nila, kasama sa paglalakbay, kaagapay sa pakikibaka ng buhay. Naibabaling ang pakiramdam sa milyon-milyong kapwa nakilahok—kapwa pinapasan ng mga nakapaligid sa kanila habang prusisyon ang krus ng isa’t isang kapwa inaapi.
Nagsisisaraduhan ang mga establisimyento at opisina ng sentrong Maynila kada Ene. 9 habang ang masa’t Mesias na mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ay kinukubkob ang mga lansangan.
Naghahawan ito ng tunay na milagrong abot-kamay ng kalakhan: magkasamang balikatin ang krus ng isa’t isa, magmartsa at bawiin ang pag-asa ng sambayanan hanggang sa ganap na pagkamit ng kolektibong langit sa lupa.
Tumpak ang binanggit ni Karl Marx hinggil sa relihiyon, “pagpapahayag ng tunay na pagdurusa at isang protesta laban sa tunay na pagdurusa.”