Bagong taon, bagong pahirap

Sa pagtaas ng presyo ng gasolina, tataas ang mga gastos sa transportasyon ng mga produkto mula sa mga pabrika at taniman patungo sa mga pamilihan, kaya magkakaroon ng domino effect sa mga presyo ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan.

Kapapasok lang ng 2025 pero sinalubong agad ang mga Pinoy ng pagtaas ng mga presyo, lalo na sa mga pangunahing produkto tulad ng pagkain, produktong petrolyo at pamasahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1)

“[Tutol ako sa pagtaas ng pamasahe sa tren] kasi ‘yong [itinaas], halos P8. Kung [piso] o P2 lang sana eh, kaso parang nilalamangan na nila ‘yong mga komyuter dahil lang mas madali ‘yong way papasok at pauwi galing work or school.”

Ito ang reaksiyon ni Kate, isang estudyante mula Antipolo City, Rizal na nag-aaral sa isang unibersidad sa Valenzuela City.

Upang makapasok sa klase, bumibiyahe siya mula LRT-2 Antipolo Station patungong LRT-2 Recto Station. Lilipat siya sa LRT-1 Doroteo Jose Station papunta sa LRT-1 Monumento Station kung saan sasakay pa siya ng isang jeepney patungo sa mismong kampus.

“[Pahirap] siya saming mga estudyante kasi para sa amin, mataas na ‘yong P22 [hanggang] P23 pesos na pamasahe mula Doroteo Jose hanggang Monumento, tapos magtataas pa lalo,” wika naman ni Janelle, isa ring mananakay ng LRT-1 at estudyante sa parehong pamantasan.

Ilan lang sina Kate at Janelle sa libo-libong estudyante at bahagi ng milyong Pilipinong maapektuhan ng pagtaas ng singil sa tren.

Nitong Ene. 9, sinabi ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na namamahala sa LRT-1 na nagpasa sila ng petisyon upang taasan ang pamasahe sa naturang linya ng tren.

Ayon sa inilabas ng LRMC, aabot sa P6 hanggang P15 ang dagdag-pamasahe sa LRT-1. Para sa mga gumagamit ng single journey ticket, tataas ang maximum fare mula P45 patungong P60 mula Fernando Poe Jr. Station patungong Dr. Santos Station.

Tinutuligsa rin ito ng mga manggagawa sa pangunguna ni Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Aniya, dagdag pasanin ang P15 dagdag sa mga manggagawang araw-araw na sumasakay sa LRT-1. Nanawagan sila na sa halip na taas-singil sa pamasahe, dapat pagtuunan ng pansin ang pagpapataas ng sahod upang matulungan ang mga manggagawa sa harap ng mga tumataas na gastusin.

“Ang tingin natin masaker na ito e. Pinapatay talaga ang ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng pagkakait na makakain tayo nang maayos, magkaroon ng pampublikong serbisyo tulad ng pagsakay sa tren,” ani Adonis.

Sunod-sunod na rin ang pagtaas ng presyo ng langis sa unang buwan ng taon. Sa unang dalawang linggo pa lang, papatak ng P1.80 ang taas-presyo kada litro sa presyo ng gasolina at kerosene, habang P2.30 kada litro ang itinaas ng presyo ng diesel.

Inaasahan pang makakaranas ng mas malaking pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na mga linggo, kung saan aabot ng halos P1.60 ang dagdag sa gasolina, P2.50 dagdag sa kerosene at P2.60 dagdag sa diesel. 

Saad ng lider-transportasyon na si Mody Floranda ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), “Pahirap na naman ito para sa ating mga drayber sa hanay ng transportasyon dahil mawawalan na naman sila ng kita na sa halip ay mapunta sa kanilang pangangailangan at pamilya, mapipilitang mapunta sa paggastos ng halos P100 para sa langis.”

Ayon pa kay Floranda, kailangan na ring ibasura ang Oil Deregulation Law na halos tatlong dekada nang nagpapamahal sa presyo ng gasolina, pati ang pag-aalis sa value-added tax at excise tax sa langis. 

Lubha ring ikinakabahala ng mga Pilipino ang labis na paglobo ng presyo ng pagkain gaya ng bigas at gulay.

Ayon sa Amihan National Federation of Peasant Women, ang kapabayaan ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa lokal na agrikultura at seguridad sa pagkain ang nagdudulot ng pagsirit ng presyo ng bigas at kamatis.

Umabot na sa P360 ang presyo kada kilo ng kamatis sa Metro Manila, mas mahal pa sa kilo ng baboy. Iniulat ng Department of Agriculture ang 45% na pagbaba sa produksiyon noong 2024 dahil sa mga bagyong tumama sa Bicol, Calabarzon at Cagayan Valley.

Sa pagtataya ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos, bukod sa mababang produksiyon, lumolobo ang presyo ng pagkain sa bansa dahil sa kakulangan ng subsidyo para sa mga magsasaka at patuloy na nananamantala ang mga trader sa pagmamanipula ng presyo kaya naman apektado ang mismong mga retailer at konsyumer.

Dagdag pa niya, patuloy ring nakaasa ang gobyerno sa importasyon ng mga produktong agrikultural at binabaliwala ang lokal na produksiyon ng pagkain sa Pilipinas. Dagdag pa na talamak pa rin ang mga sistemang kartel sa mga ani na sumasaid pa lalo sa mga Pilipinong magsasaka.

Wika ni Gabriela Women’s Party second nominee at Amihan secretary general Cathy Estavillo, “Hindi kataka-taka na magpapatuloy ang ganitong napakataas ng presyo ng bilihin lalo na sa pagkain. Kitang-kita na walang pakialam ang gobyerno sa sa usapin ng kasiguraduhan sa pagkain ng mamamayang Pilipino.”

Binigyang-diin ng grupo kung paano patuloy na tumataas ang antas ng kahirapan sa bansa dahil sa mga salik tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang kita, mataas na antas ng kawalan ng trabaho at pagmamanipula ng presyo ng bigas at pagkain. 

Sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2024, nasa 63% ng mga Pilipino ang nagsabing mahirap sila. Tumaas ito ng apat na porsiyento mula noong Setyembre 2024 at ito rin ang pinakamataas na rating ng bansa sa sarbey sa self-rated poverty sa nagdaang dalawang dekada.

Patuloy ang paglugmok ng ekonomiya sa kabila ng pagmamayabang ng National Economic and Development Authority (NEDA) na naibaba ng pamahalaan sa 3.2% ang inflation rate mula 6.0% noong nakaraang taon. Kung mataas ang implasyon, mataas ang posibilidad na magtuloy-tuloy din ang pagtaas ng presyo ng langis. 

Sa pagtaas ng presyo ng gasolina, tataas ang mga gastos sa transportasyon ng mga produkto mula sa mga pabrika at taniman patungo sa mga pamilihan, kaya magkakaroon ng domino effect sa mga presyo ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, tumaas ang inflation rate mula 2.5% noong Nobyembre 2024 patungong 2.9% ng Disyembre 2024 bunsod ng mas mabilis na pagtaas ng presyo sa renta sa bahay at transportasyon. Gayunpaman, nasa 3.2% ang average inflation para sa 2024, mas mababa sa 6% na average inflation noong 2023.

Sabi ng NEDA, tagumpay daw ito ng mga pagsisikap ng gobyerno na sugpuin ang mataas na inflation, ngunit paglilinaw ng independent think tank na Ibon Foundation, huwad ang mga datos na ito. 

Nananatili sa P52 hanggang P61 ang kada kilo ng bigas, habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng karne at gulay na tinatayang umaabot ng P5 hanggang P115 ang dagdag-presyo kada kilo.

Hiling ng Amihan, bigyang priyoridad ang suporta at pag-unlad para sa sektor ng agrikultura, tugunan ang kakulangan ng industriyalisasyon sa kanayunan at palakasin ang lokal na produksiyon upang mabawasan ang pag-asa sa malawakang pag-aangkat na nakakasama sa lokal na industriya ng pagkain.