Dapat Makabayan
Kilatisin natin, ang tunay na makabayang kandidato ay pabor sa reporma sa lupa, industriyalisasyon ng bansa, ekonomiyang umaasa sa sarili, paggalang sa demokrasya at karapatang pantao, nagsasariling patakarang panlabas, disenteng trabaho, abot-kayang pabahay, pantay na trato sa bawat kasarian, at hindi nagpapadikta sa dayuhan.
Kada halalan, nakakasawang sabihin na nakakasawa na. Huwag tayong makinig sa mga nasa kapangyarihan o sa mga matapobreng komentarista na ibinabaling sa mga botante ang sisi. “Bobotante” pa nga ang kutya sa madla. Akala mo naman kung sinong may prinsipyadong boto. Mataas man o mababa, may naloloko ng mga politiko.
Unawain natin ang sitwasyon. Paano ba hindi makakaupo ang mga trapo at manloloko, kung bilyon-bilyon ang kanilang ginagastos para mangumbinsi ng bawat Pilipino? Sa halalan noong 2022, gumastos ang mga top na kandidato ng mahigit P1 bilyon para lang sa mga advertisement sa telebisyon.
Sino-sino lang ba ang may rekurso na magbigay ng libo-libong ayuda para magpalakas sa atin? O kaya magpaskil ng mukha at pangalan sa bawat pader at dingding sa bansa para itanim ang kanilang pangalan sa mga isip natin? Mayroon pa ngang partylist na nagpapa-raffle ng P10,000!
Talaga namang mahirap hindi magkaroon ng utang na loob o makabisado ang mga sikat na pangalan at jingle kung ito’y nagpapapansin sa atin kada minuto araw-araw. Sa ayaw at sa gusto, lulutang sila sa isip natin, kahit pa hindi naman nila kinakarga ang pagbabagong minimithi natin.
Walang “bobotante.” May eleksiyong nabubulok sa kamay ng iilang naghahari.
Sabi pa nga ni Harry Roque, may dalawang naglalaban sa bansa ngayon: puwersa ng kadiliman laban sa puwersa ng…kasamaan!
Mabuti pa, sa puwersang makabayan na lang tayo dumikit. Ang mga trapo, pare-pareho naman ang pangako. Ang mahalagang tignan, sino ba ang lalaban sa mga malalagim na pwersang ito at may totoong plataporma para sa mahihirap?
Ayon sa mga sarbey, ekonomiya at presyo ng mga bilihin ang numero unong isyung dapat tutukan ng mga opisyal. Aasahan ba natin na gawin iyan ng mga mayayamang nakikinabang sa papataas na singil sa mamamayan?
Kilatisin natin, ang tunay na makabayang kandidato ay pabor sa reporma sa lupa, industriyalisasyon ng bansa, ekonomiyang umaasa sa sarili, paggalang sa demokrasya at karapatang pantao, nagsasariling patakarang panlabas, disenteng trabaho, abot-kayang pabahay, pantay na trato sa bawat kasarian, at hindi nagpapadikta sa dayuhan.
Nakakalungkot man isipin, pero hindi mo mahahanap ang ni isa riyan sa mga plataporma ng karamihan sa mga kandidato. Panay “aksiyon” o “serbisyo” kuno, na pawang mga hungkag na salita at wala namang kongkretong hatid kundi pa-porma.
Ang kandidatong makabayan, matalas na nagsasalita para sa isyu ng mga inaaping sektor sa lipunan. Siya’y tutol sa giyera sa West Philippine Sea, pumupuna sa labis na korapsyon sa pambansang badyet, nakikipaglaban para sa makabuluhang dagdag sahod, at nagtataguyod ng suporta sa lokal na magsasaka para bumaba ang presyo sa palengke.
Sa katunayan, maraming alternatibo na hindi basta mga nuisance candidate o papansin lang. Silang mga karaniwang tao na tunay at palaban. Wala man silang malalaking backer, pero sagana sa mga volunteer at prinsipyadong gawa.
Bakit nga ba hindi maaring maging senador ang galing maralitang komunindad, manininda o kaya’y magsasaka, kung kabisado naman nila ang pinaglalaban nila, ang pulitika ng bansa at may lehitimong alternatibo na ihahain?
Kabisado nila ang hirap ng ordinaryong Pilipino dahil danas din nila ito at subok na sila sa pagsusulong mga makabayang solusyon.
Papasok nanaman tayo sa isang halalan. Tiyak at iiling nanaman tayo sa mga paulit-ulit na mukhang nakapaskil sa mga poste. Hulihin natin ang mga sarili natin. Wala tayong utang na loob sa sinuman sa kanila.
Pero tandaan, may kagaya nating karaniwan. Makabayan. Makikita natin sa plataporma hanggang sa balota.