Eroplanong paniktik ng US, ikinabahala ng mga progresibo
Banta sa seguridad at soberanya ng bansa ang aktibidad pangmilitar ng United States (US) sa Pilipinas, sabi ng lider-Morong si Amirah Lidasan nang mapaulat ang aksidente ng eroplanong US.

Banta sa seguridad at soberanya ng bansa ang aktibidad pangmilitar ng United States (US) sa Pilipinas, sabi ni Amirah Lidasan, kandidato sa pagkasenador at lider-Moro, nang mapaulat ang aksidente ng eroplanong US.
Isang miyembro ng US military service at tatlong defence contractors ang namatay sa pagbagsak ng eroplanong kinontrata ng US Department of Defense sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), noong Huwebes, Peb. 6.
Sa pahayag ng US Indo-Pacific Command, ginagamit ang eroplanong isang Beechcraft King Air 300 para sa suportang paniniktik at surveillance, sa kahilingan ng Pilipinas. Papunta sana itong Cotabato City mula sa Cebu, ayon sa Civil Aviation Authority.
Agad namang umalma ang mga progresibong grupo dahil naniniwala silang nagpapalala sa sitwasyon ng mga bulnerableng komunidad ang presensiya ng operasyong militar ng dayuhan sa bansa.
“Nakita na natin ito. Noong 2015 ay lumipad ang mga drone ng US sa Maguindanao bago ang trahedya sa Mamasapano. Taong 2017, sa kasagsagan ng atake sa Marawi, ay nakaposisyon ang sundalo ng US upang magbigay ng suportang paniniktik at reconnaissance, kagaya ng pagmamando ng mga spy drone para sa militar ng Pilipinas,” paliwanag sa Ingles ni Lidasan sa kanyang Facebook post.
Ayon kay Lidasan, hindi makakatulong ang presensiya ng US sa sitwasyong pangkapayapaan ng BARMM.
“Nanawagan kami sa agarang pagbabasura sa EDCA [Enhance Defense Cooperation Agreement] at ng Visiting Forces Agreement dahil hinahayaan nito ang US na maglunsad ng operasyon,” sabi ni Antonio Tinio, tagapagsalita ng Pilipinong Nagkakasia para sa Soberanya o P1NAS.
Dagdag niya pa, “Dahil sa mga kasunduang ito ay nawawasak ang pambansang soberanya, nadadamay ang bansa sa mga geopolitikal na tunggalian ng US, at nagkakaroon ng direktang interbensiyon sa kontra-insurhensiyang operasyon ng AFP ang US.”