Kaduda-dudang partylist | Malaking negosyo at red-tagger
Isinabatas ang partylist system para magbigay boses sa marhinado at inaaping mga sektor kaya dapat may kinakatawang interes ang bawat partylist at nominado.

Eleksiyon na naman! At kada haalan, lumalaki ang bilang ng mga panibagong partylist at ng kanilang mga nominado.
Isinabatas ang partylist system para umano’y magbigay boses sa marhinado at inaaping mga sektor sa lipunan. Sa gayon dapat may kinakatawang interes ang bawat partylist at nominado.
Kahit pa nagdesisyon ang Supreme Court noong 2013 na hindi naman kailangang miyembro ang nominado ng naturang sektor na kanyang pinaglilingkuran, maraming grupo ang nananatiling kaduda-duda ang mga kinatawan.
Paparami ang nominadong kundi man bahagi ng mga makapangyarihan o dating opisyal, ay maaaring kabaliktaran pa nga ng kinakatawan nilang grupo ang pinaglilingkuran.
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
1. Vendor’s Partylist nga ang pangalan, pero ang nominado na si Malou Lipana, umamin na may-ari ng higanteng kompanya na Olympus Mining and Builders Group Philippines.
At nitong 2024 laang nakaiskor ng halagang P200 milyon na kontrata mula sa Department of Public Works and Highways. Talaga nga bang para sa manininda ang puso nito o para sa kapwa malalaking negosyante?
2. Sa Bangon Bagong Minero (BBM) Partylist, pangalan pa lang alam mo nang malakas sa pangulo. Malala pa, ang third nominee na si Ryan Rene Jornada, top executive naman si Nickel Asia! Bangon Minero nga ba o baka mas angkop kung Baratin ang Minero.
Ang kanila namang second nominee na si Enrique “Buko” dela Cruz Jr., baka nakilala n’yo na bilang abogado ni Vic Sotto. Alam niyo bang nasangkot naman ang kanyang law firm sa kababalaghan noong isang taon? Nahuli silang nagbibigay ng tig-P100,000 sa mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines, kasama ng mga libreng bakasyon sa abroad! Sana pala sa mga minero na lang sila nagbigay ng pabuya!
3. Heto ang malala, ang Epanaw Partylist na kinatawan daw ng mga katutubong Pilipino. Pero dalawa sa mga nominado, sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz, mga kilalang red-tagger ng mga Lumad sa Mindanao at iba pang katutubo.
Ang dalawa’y may mahabang rekord ng paglalagay ng mga Lumad sa peligro sa walang tigil na pagsasabi na sila’y mga dapat arestuhin sapagkat dikit raw sa mga komunista. Kamakailan, mabuti at nasampolan ang dalawa sa naipanalong kaso ni Atom Araullo laban sa dalawa. Ang hatol ng korte: mapanganib ang red-tagging lalo kapag wala namang ebidensiya.
Maging mapagmasid tayo, mga kababayan! Hindi lahat ng kapatid ay kakampi!