Marcos Jr., Senado, inudyukang ituloy na ang impeachment trial


Sa sunod-sunod na protesta para sa pagpapatalsik kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, iisa ang panawagan ng mamamayan: tugunan na agad ng Senado o ng pangulo ang mga reklamo.

Sa ipinasang articles of impeachment ng Kamara, kung saan nakalikom sila ng higit sa doble ng minimum na 102 boto, inaakusahang lumabag sa Saligang Batas si Duterte sa basehan ng pagtatago umano ng ‘di maipaliwanag na yaman at pagbabanta ng asasinasyon sa pangulo at sa pamilya nito.

Sunod na hakbang ang pagsisilbi ng Senado bilang impeachment court upang litisin ang mga reklamo kay Duterte.

Pero kung hihintayin pa ang panunumbalik ng regular na sesyon sa Hun. 2, wala pang isang buwan ang panahon ng paglilitis ng kasalukuyang Senado dahil mayroon pang holiday at may 10 araw na palugit sa pagtugon si Duterte. 

“Sa bisa ng Art. IV, Sec. 15 ng Saligang Batas, may kapangyarihan ang pangulo na magpatawag ng espesyal na sesyon sa ano mang oras,” sabi ni Neri Colmenares, chairperson at unang nominado ng Bayan Muna Partylist. Nagsilbi si Colmenares na public prosecutor noong mga impeachment trial nina Ombudsman Merceditas Gutierrez at Chief Justice Renato Corona.

Aniya, kung magiging tapat ang pangulo at Senado sa tungkulin nitong tugunan ang hinaing ng taumbayan, kailangang magpatawag ng sesyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago matapos ang Pebrero para masimulan ang paglilitis sa Marso. 

Mapapatalsik si Duterte sa puwesto at pagbabawalang humawak ng posisyon sa gobyerno kung boboto ng pabor sa impeachment ang hindi bababa sa 16 na senador. 

Ayon naman kay Senate President Chiz Escudero nitong Peb. 8, “Marapat na ngayon na nasimulan ito ay ito ay matapos, matapos nang hindi minamadali.” Naunang sinabi ni Escudero na hindi magkakaroon ng paglilitis bago ang Hun. 2.