Kabataan

Pahirap na komersiyalisasyon sa edukasyon 

Giit ni National Union of Students of the Philippines national president Iya Trinidad, hindi dapat pasanin ng mga mag-aaral ang pagresolba sa mga pagkukulang ng unibersidad sa mga guro at kawani.

Sa kabila ng pagkakaroon ng mga state university and college (SUC), maraming kabataan pa rin ang napipilitang pumasok sa mga pampribadong higher educational institutions (HEIs) at mga eskwelahang may napakataas na matrikula at iba pang mga bayarin dahil sa kakulangan ng pondo at pasilidad.

Namamayani ang neoliberal na sistema ng edukasyon na pinapanatiling kompetisyon ang dapat sanang karapatan ng lahat ng kabataan na makapag-aral. Idagdag pa na pabaya ang pamahalaan sa krisis pang-edukasyon na matagal nang pinapanawagang ayusin.

Sa bagong mga inilabas na ulat mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo, lumitaw ang lalong komersiyalisasyon ng edukasyon sa bansa. Pangunahin na rito ang tuition and other fees increase (TOFI) sa iba’t ibang mga institusyon sa bansa. 

“Isa sa mga common misconception sa ‘ming mga DLSU (De La Salle University] [student ay] lahat kami mayayaman. Marami pa rin sa amin ay mga iskolar o ‘di kaya galing sa middle class gaya ko,” ani Gwen, isang estudyante ng DLSU, kaugnay sa pagtaas ng matrikula.

Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng tuition increase dahil nakaasa lang siya sa kanyang tiyahin na sumusuporta sa kanyang pag-aaral sa unibersidad. 

Sa pulong ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition and Fees noong Peb. 19, inanunsiyo na magkakaroon ng 3% na taas-matrikula sa DLSU sa susunod na pasukan. Sakop ng pagtaas ng matrikula ang mga kampus ng pamantasan sa Maynila at Laguna.

Para kay Gwen na nagmumula pa sa Imus, Cavite papasok sa DLSU sa Maynila, isang malaking pahirap ang panukalang ito dahil “kahit na sagot [ng tita ko] ang tuition fee ko, marami pa rin akong kargadong mga gastos dahil sa tumataas na public transportation costs at costs of living sa Manila.”

“Kung ako na hindi na gaano pinoproblema ang tution fee ay indirektang apektado, paano pa kaya ang mga estudyanteng nagkukumahog [pa] para sa kanilang kabuhayan?” dagdag niya.

Sa University of Santo Tomas (UST), itinutulak na rin ang TOFI pero wala pang eksaktong numero para rito.

“Nakakasama ito ng loob. Isa siyang malaking sampal sa mga [Thomasian dahil] wala man lang konsultasyon [o] open dialogue na ginawa sa mga constituents [ukol rito],” sabi ni Reyza, mag-aaral ng UST.

Para kay National Union of Students in the Philippines (NUSP) national president Iya Trinidad, nagdudulot ito ng matinding pangamba sa mga estudyante, higit lalo sa mga lider-estudyante na siyang mismong humaharap sa mga administador ng mga paaralan upang makipagdiyalogo at tutulan ang mga dagdag bayaring ito. 

Ayon sa kinolektang datos ng NUSP at Pinoy Weekly mula sa iba’t ibang pribadong HEI, aabot sa halos 2% hanggang 10% ang ninanais na dagdag sa matrikula at iba pang bayarin.

Halos taon-taon din ang dagdag-singil sa mga pamantasan. Gaya na lang sa University of the East kung saan may 6% increase na ito noong Academic Year (AY) 2023-2024 at 9.5% increase ngayong AY 2024-2025. Ang DLSU naman, kagagaling lang sa 8% na increase nitong nakaraang taon.

Base sa mga naging pag-uusap ng NUSP sa iba’t ibang student council at organization, pagpapaganda ng mga pasilidad at pagdadagdag sa sahod ng mga guro at kawani ang ilan sa mga sinasabing dahilan ng dagdag-singil. 

Pagdidiin ni Trinidad, hindi dapat sa mga estudyante ipinapasa ang pagresolba sa mga isyung ito sa mga unibersidad, kundi sa tama at transparent alokasyon ng badyet. 

Sa kabila nito, naiulat pa rin na wala namang naging pagbabago sa mga pasilidad, maging sa kalagayan ng mga guro at kawani sa mga unibersidad. 

“Dito papasok ang usapin ng transparency. Dahil madalas, nagtaas nga ang tuition, hindi naman tumaas ang sahod ng mga empleyado. Tumaas nga ang bayarin, pero luma at nasisirang mga equipment pa rin ang pinapagamit,” sabi ni Trinidad. 

Isa pang sinasabing dahilan ng pagtaas ng matrikula ang “internationalization” umano sa mga estudyante.

Ngunit para sa NUSP, isa itong malaking kahangalan dahil mas kailangan ng mga estudyante ng serbisyo, scholarship, abot-kayang pagkain at maayos na pabahay upang mas maayos na makapag-aral.

“Papaano nilang gagawing internationalized ang mga estudyante kung naghihirap sila sa kanilang pag-aaral? Ang mga paaralan, nakatuon dapat na gawing libre, dekalidad at accessible ang edukasyon imbis na ikahon ito sa pagiging international standards,” ani Trinidad.

Maliban sa mga isyu sa mga private HEI, nalalagay rin ang ilang SUC sa panganib ng ibayong komersyalisasyon.

Sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), naipasa na ng Kamara ang panukalang gawin itong National Polytechnic University (NPU). Kung magiging batas, papalitan nito ang kasalukuyang PUP Charter alinsunod sa Presidential Decree No. 1341. 

Sa isang multisektoral na talakayang inorganisa ng PUP Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral at Rise for Education-PUP, ibinahagi ng mga lider-estudyante at iba’t ibang sektor sa PUP ang peligro ng NPU Bill kung saan malayang makakapagtayo ng income-generating projects (IGP) ang mga malalaking negosyo upang mamuhunan sa loob ng PUP.

Ani Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa) vice chairperson Rei Domanais, huwad ang sinasabing magiging paglaki sa pondo ng PUP kung maipapasa ang NPU Bill dahil manggagaling ang salapi mula sa mga IGP.

Mas lalong babaliwalain ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng unibersidad, dahilan upang pababain pa lalo ang pondo ng PUP at gawing nakasandig sa tubong makukuha mula sa mga joint venture sa mga negosyong mananamantala nito. 

Magiging katulad ito ng University of the Philippines (UP) na tinayuan na ng mga komersiyal na establisimiyento tulad ng UP-Ayala Land Technohub, UP Town Center at ang kabubukas pa lang na Dilimall.

Nasa mahigit P11 bilyon ang hininging badyet ng PUP, ngunit mahigit P3 bilyon lang ang inaprubahan sa 2025 General Appropriations Act. Nangangahulugan ito ng nasa P8 bilyon na kakulangan sa pondo na nagdudulot ng bumababang kalidad ng edukasyon at patuloy na pagsingil sa iba’t ibang bayarin sa porma ng other school fees.

Bakas sa sitwasyon ng PUP at ng mga nagtataasang tuition sa mga HEIs ang pagiging barat ng pamahalaan upang suportahan ang tunay na mga isyu sa sektor ng edukasyon.

Sa panig ng NUSP, nanindigan si Trinidad na magpapatuloy sila sa pakikipagdiyalogo sa iba’t ibang organisasyon at sektor sa edukasyon, partikular sa Commission on Higher Education, para sa pagpapatigil ng TOFI at sa buong komunidad ng PUP kaugnay sa napipintong komersiyalisasyon.