Bakit nasa welga ng manggagawa ang kabataan?
Sa panahon na kung saan lumalala ang krisis panlipunan, nabubura ang imposibleng pangarap ng kabataan na umangat sa buhay sa ganitong klaseng lipunan.

Isinusulat sa mismong picket line ng welga ng Nexperia, maraming kabataan ang nakiisang magparaos ng gabi sa lansangan sa pakikiisa sa mga manggagawa.
Hindi lang nakiisa sa porma ng dagdag-lakas sa protesta, ang kabataan ay nagturo ng mga diskusyon, nakipag-aralan sa mga nagwewelga, gumamit ng social media upang umabot sa mas marami at mag-update nang real time, nagbigay ng mga talumpati at pagtatanghal ng pakikiisa, at nakisalo-salo sa mga manggagawa.
Ang kapansin-pansin, marami sa kabataang nandito ang lumiban sa mga klase at nagpasyang samahan ang mga manggagawa ng Nexperia sa kanilang pakikibaka upang igiit ang nakabubuhay na sahod, ibalik ng mag tinanggal sa trabaho, at kondenahin ang mga atake lalo na mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Batid kasi ng kabataan na ang masasahol na kalagayang kinakaharap ng mga manggagawa ay siya ring kakaharapin ng kabataang manggagawa sa hinaharap kung hindi natigil ang mga ganitong gawain sa paggawa.
Higit na karumal-dumal ang ganitong kalagayan sa taon-taong pagtatala sa Pilipinas bilang isa sa 10 pinakamasahol na bansa sa usapin ng kalagayan sa paggawa.
Magtapos man sa prestihiyosong pamantasan ay kontraktuwal ang bagsak ng marami. Kung dati, uso ang tahimik o palihim na pagbibitiw sa trabaho, ngayon naman daw, sa kabataan, palihim namang nagsasabay ng dalawang trabaho.
Ang malala sa ganitong kalagayan, tinatayang pito sa sampung bagong trabahong nalilikha sa Pilipinas sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr. ay pawang impormal o hindi naman kaya ay self-employed.
Napakabigat at nakamamatay ang krus na bitbit ng mga manggagawa ng Nexperia. Bukod sa mas marami pang manggagawa, kapwa makapagpapagaan ng kalbaryo ay ang puwersa rin ng ibang sektor ng kabataan.
May ibig iparating na hindi nag-iisa ang manggagawa at kayang kumalap ng malawakang suporta mula sa mga dagdag na malawak koneksiyon ng kabataan sa kanilang mga paaralan, organisasyon, at kahit sa mga kaugnay sa ibang bansa.
Kung magbibigay ng halimbawa dito sa welga ng Nexperia, ang kakayahan ng maraming kabataan sa social media at iba’t ibang klase ng propaganda ang dahilan ng mas maraming mamamayan ang tumugon sa welga, gaya ng mismong pagpunta sa picket line, kahit na dumarami rin ang presensiya ng pulis.
Sa panahon na kung saan lumalala ang krisis panlipunan, nabubura ang imposibleng pangarap ng kabataan na umangat sa buhay sa ganitong klaseng lipunan.
Nawawalan na rin siya ng katapatan sa mga naghaharing-uri sa kabila ng samu’t saring aliw na inilalako ng kapitalismo at ng kulturang bulok ng lipunang kapwa naaagnas.
Marami man sa kabataan dito sa picket line ang lumiban, natanto nila na ang tunay na pag-aaral ay ang magbabad sa katirikan ng araw kasama ng mga manggagawa.
Dito nila nasusukat ang tantos ng pagsasamantala. Dito nila natutuhan ang ‘di matatakasang tunggalian ng mga uri.
Dito nila nakikilala ang mga tunay na guro mula sa hanay ng masa na ang turo ay praktika at kapangahasan.
Dito nila naisasalang ang mga teoryang panlipunan at pinaunlad ang mga na itinuturing na wasto sapagkat kongkreto.
Dito nila nararamdaman ang kasikipan ng silid at ang lawak ng lansangan at komunidad para sa pagbabagong panlipunan. Dito nila napabubulaanan ang mga retorikang mapanlinlang ng mga naghaharing-uri.
Dito nila nauunawaan na ang tunay na eksamen ay hindi sa test paper kundi sa pagsapul sa papel ng kabataan na maging pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng pagsanib sa pakikibaka ng mga maralita.
Sa huli, dito napagninilayan at namamanata ang kabataan na tatalikuran na nila ang komportable at hungkag na burges na buhay at mananahan na sa buong buhay na paglilingkod sa sambayanan.