Akusasyon vs. Cagayan Valley 5, walang batayan
Mariing kinondena ng mga progresibong lider ang patuloy na panggigipit sa apat na aktibista at isang mamamahayag mula Cagayan Valley sa isang press conference nitong Abril 21 kung saan inilarawan ang lawak ng panunupil ng estado.

Mariing kinondena ng mga progresibong lider ang patuloy na panggigipit sa apat na aktibista at isang mamamahayag mula Cagayan Valley sa isang press conference nitong Abril 21 kung saan inilarawan ang lawak ng panunupil ng estado.
Pinagbibintangan ng pulisya sa Tuguegarao City ng “terrorism financing” sina Jackie Valencia, dating miyembro ng Karapatan national council; Isabelo Adviento, regional coordinator at dating ikaapat na nominado ng Anakpawis Partylist; Cita Managuelod, miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); Agnes Mesina, regional coordinator ng Makabayan Coalition-Cagayan Valley; Walter Villegas, regional coordinator ng Kabataan Partylist; at Deo Montesclaros, isang tanggol-kalikasan at istap ng Pinoy Weekly.
“Malinaw na [nakadisenyo] ito sa panahon ng pagkakampanya namin. Kaya gusto kaming pilayan doon sa Cagayan Valley. Nakikita namin na ganito ‘yong trend na ginagawa nationwide laban sa amin,” ani Makabayan Coalition president at senatorial candidate Liza Maza.
Sabi pa ni Maza, pinaratangan ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) executive director Ernesto Torres Jr. na may kaugnayan umano ang ilang mga senatorial candidate ng Makabayan Coalition sa mga komunistang grupo.
Iginiit ni Maza na tumindi ang panggigipit ng estado mula nang maitatag ang NTF-Elcac na nangunguna sa panunupil ng mga progresibong lider sa pamamagitan ng red-tagging.
Napapanahon na din aniya na sampahan ng kaso ang mga opisyal at indibidwal na walang habas man-red-tag at magbato ng mga walang batayang akusasyon sa mga progresibong kandidato at organisasyon.
Sa reklamo ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police sa piskalya sa Tuguegarao City, nilabag umano ng limang aktibista sa Cagayan Valley ang Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 1012.
Layon ng nasabing batas na parusahan ang pagbibigay ng pondo o kahit ano mang materyal na suporta sa mga organisasyong na binansagang “terorista” ng estado.
Kaakibat nito ang Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 na pinalitan ang Human Security Act of 2007 na nagsisilbing batayan kung ano ang mga katangian, galaw o kilos na maaaring bansagan ang isang indibidwal bilang isang terorista.
Bagaman nakatuon umano ang mga batas sa seguridad at kontra-terorismo, naging mga armas ito ng panunupil ng estado.
Ayon sa datos ng Defend NGOs Alliance, mahigit 59 na mga manggagawang pangkaularan at 19 na non-government organizations (NGOs) ang biktima ng mga gawa-gawang kaso.
Sa ulat naman ng human rights watchdog na Karapatan, mahigit 166 na mga indibidwal ang biktima ng mga gawa-gawang kaso ng paglabag umano sa Anti-Terrorism Act. Marami sa mga kaso ang inuugnay ang mga inirereklamong indibidwal sa mga komunistang organisasyon.
Ayon sa Makabayan Coalition, iniipit ng estado ang mahigit 17 na mga bank account ng mga NGO. Isa sa mga biktima nito ang Leyte for Development Council na tinutugunan ang mga pangangailangan ng komunidad ng Eastern Visayas sa gitna ng kalamidad.
Sa kaugnay na balita, inaresto si Andy Magno ng Kabataan Partylist Cagayan Valley at kanyang kasamang katutubong Agta ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Jones, Isabela nitong Abril 20 habang nangangampanya para sa nasabing partylist.
Kinondena ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co ang nangyaring pagdakip sa kanilang mga miyembro na malinaw aniyang pananakot at panunupil ng gobyerno sa kabataang tumitindig para sa karapatan at kinabukasan ng mamamayan.
Pinabulaanan din ng Kabataan Partylist at Karapatan Cagayan Valley ang kasinungalingan ng militar na nadakip umano ang dalawa sa isang engkuwentro.