Talasalitaan

Crimes against humanity


Ang mga krimen laban sa sangkatauhan ay madalas na ginagawa bilang bahagi ng mga patakaran ng estado gamit ang armadong puwersa nito o mga puwersang paramilitar.

Courtroom ng International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands. International Criminal Court via Flickr

Crimes against humanity o mga krimen laban sa sangkatauhan – Mga krimen na ginawa bilang bahagi ng isang malawakan o sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan, anuman ang kanilang nasyonalidad. Kabilang sa mga krimeng ito ang pagpatay, pagpapahirap, sekswal na karahasan, pang-aalipin, pang-uusig, sapilitang pagkawala, at iba pa

Ang mga krimen laban sa sangkatauhan ay madalas na ginagawa bilang bahagi ng mga patakaran ng estado gamit ang armadong puwersa nito o mga puwersang paramilitar.

Sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, inilatag ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang legal na basehan sa kanyang pag-aresto.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan mula nang maaresto ang dating lider ng Pilipinas noong Mar. 11, sinabi nito na base sa kanilang independiyente at patas na imbestigasyon, “criminally responsible” umano ang dating pangulo sa krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa mga pagpatay sa Pilipinas sa pagitan ng Nobyembre 2011 at Marso 2019 kung kailan state party pa ang bansa sa Rome Statute.

Inakusahan din si Duterte ng mga krimen bilang sinasabing tagpagtatag at pinuno ng Davao Death Squad (DDS) noong alkalde pa siya ng Davao City. Sabi sa aplikasyon para sa pag-aresto kay Duterte, responsable siya sa mga krimen dahil siya ang tumutok sa pagpapatupad ng marahas na plano sa Davao, at kalaunan sa buong Pilipinas.

Ayon sa ICC Prosecutor ginawa ang naturang mga krimen bilang parte ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga mamamayang sibilyan. Ang ICC Prosecutor ang partikular na miyembro ng korte na nag-iimbestiga sa umano’y mga pang-aabuso sa panahon ng kampanya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Duterte. 

Batay sa Rome Statute, mayroong ilang uri ng krimen na maaaring kasuhan bilang isang krimen laban sa sangkatauhan kapag “ginawa bilang bahagi ng malawakan o sistematikong pag-atake na nakadirekta laban sa sinumang populasyon ng sibilyan.”

Kasama dito ang “pagpuksa; pang-aalipin; deportasyon o sapilitang paglipat ng populasyon; pagkakulong o iba pang matinding pag-agaw ng pisikal na kalayaan sa paglabag sa batas; pang-internasyonal na kalayaan sa paglabag; sapilitang pagkawala; pang-aalipin, sapilitang prostitusyon, sapilitang pagpapalaglag o anumang iba pang anyo ng sekswal na karahasan.”

Sa inilabas na ilang detalye ng ICC, nakapaloob ang pagpatay, torture at rape na ginawa ng DDS sa panahon na mayor pa si Duterte ng Davao. Nilista rin ng korte ang paggamit ni Duterte ng estilong narcolist sa kanyang giyera kontra droga. Sa Oplan Double Barrel, gumamit rin ang estado ng “red tagging” upang tugisin ang mga kritiko’t aktibista na isinasangkot sa armadong kilusan para sila’y gipitin. 

Tokhang style naman ang ginamit ng Philippine National Police para sabihing nanlaban ang mga pinaslang na aktibista at miyembro ng mga organisasyong masa habang sinisilbihan sila ng warrant of arrest. Biktima din ang mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, abogado at kritiko para patayin ng mga death squad ng rehimen Duterte.

Ang pag-aresto kay Duterte ay isang mahalaga at engrandeng kasiyahan at panimula ng katarungan para sa mga biktima ng malawakang pagpatay na ipinag-utos ni Duterte. Higit pa sa konteksto ng tinatawag na kampanyang giyera kontra droga, para ito sa lahat ng biktima ng pasistang pananalasa sa ilalim ng kanyang teroristang paghahari.

Hindi sapat na kalimutan na lamang ang nakaraang trahedya sa panahon ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte. Sa halip na proteksiyon at kapayapaan, takot at kawalang hustisya ang naidulot ng madugong kampanyang ito sa mamamayan.

Subalit hindi lamang si Duterte ang may pananagutan—bahagi rin ang mga opisyal at pulisya na nang-abuso sa kanilang kapangyarihan.

Ngayon, naninindigan ang mga biktima dahil alam nilang wasto ang kanilang ipinaglalaban. Makatuwiran ang ipinaglalaban ng mga aktibistang biktima ng extrajudicial na pamamaslang at masaker sa bansa na paulit-ulit sinagot ng dahas ng reaksyonaryong gobyerno. 

Naninindigan ang lahat ng mga biktima ng pinaslang dahil alam nila sa sariling lakas at makauring pagkakaisa lamang ng mamamayan makaaasang makamit ang katarungan para sa lahat ng biktima ng walang katuturang giyera ni Duterte sa mamamayan.