Sana makita kita sa MRT-3
Pero kahit wala ka pa, kahit hindi kita makita sa buong biyahe ko, tutuloy pa rin ako. Sasakay pa rin ako bukas at sa mga susunod pa na araw. Kahit mahirap, kahit masikip, kahit nakakangalay.

Sa pag-apak ko sa MRT-3 sa North Avenue, ramdam ko agad ang bigat ng araw. Hindi lang dahil sa init o sa siksikan, kundi dahil sa bigat ng katawan kong hindi pa rin tuluyang nakababawi sa puyat. Tatlong oras lang ang tulog, minsan apat kung palarin, pero kailangang bumangon, kailangang pumasok, kailangang umandar kasabay ng tren na walang pakialam kung pagal na ang katawan mo.
Sa pagpasok ng tren, siksikan. Wala namang bago. Minsan nga, masuwerte pa itong araw na ito, nakasandal ako kahit papaano. May nakakapit sa pintuan, may nakaupo pero bagsak na ang leeg sa antok. Sa bawat paggalaw ng tren, sabay-sabay ang pag-alog ng mga pasahero, parang sardinas sa lata. Nasanay na rin ako sa ingay ng anunsiyo, sa amoy ng pinaghalong pabango at pawis, sa bahagyang kirot ng katawan dahil sa matagalang pagtayo.
Cubao
Isang bagsak ng balikat, may isang umalis, may isang pumalit. Sa bawat estasyon, may lumalabas pero mas marami ang sumasakay. Ganyan naman lagi, puno, siksikan, walang espasyo kahit para sa buntong-hininga. Iniisip ko kung nandito ka rin. Baka nasa kabilang dulo ng tren, o kaya sa susunod na tren. Baka ilang beses na tayong nagkasalubong pero hindi lang nagtagpo ng mata. Pero paano ba magkakakitaan kung lahat tayo nakayuko, nakaipit, pilit na sumisiksik sa pagitan ng gastusin at kakapusan?
Guadalupe
Sa labas ng bintana, kita ang mabigat na trapik ng EDSA, mga sasakyang hindi gumagalaw, mga ilaw ng preno na nagbabadya ng paghihintay. Buti pa kami, kahit papaano, umaandar pero hindi rin sigurado. Minsan mabilis, minsan mabagal, minsan biglang titigil nang walang paliwanag. Katulad ng isang araw noong isang linggo, nang bigla na lang tumigil ang escalator sa estasyon ng Taft Avenue, kasabay ng pagbagsak pababa ng mga pasaherong nagmamadali. Sana kahit mabagal, sigurado. Sana kahit saglit, makita kita rito, isang pamilyar na mukha sa gitna ng pagkukumahog at walang katiyakan, kahit saglit lang na pagkakakilanlan bago makarating sa susunod na estasyon.
Buendia
Tinitingnan ko ang wallet ko. Binibilang kung paano pagkakasyahin ang pamasahe at pagkain. Sapat lang kada araw pero kailangan tipirin. Pamasahe, pagkain, print ng readings, kape para hindi mag-collapse sa klase. Nakabadyet na lahat, pero parang kulang pa rin. Taas ng bilihin, taas ng pangarap pero laging kapos ang bulsa. Isang maling desisyon lang, isang hindi planadong gastos, baka hindi na ako makauwi. Minsan iniisip ko, paano kung makita kita sa linya ng cashier sa 7-Eleven, pareho tayong nagdadalawang-isip kung itutuloy ang pagbili ng pagkain o ipandadagdag na lang sa pamasahe?
Ayala
Bababa ako rito. Pero hindi pa tapos ang araw. Simula pa lang. Mula rito, lalakarin ko papunta sa opisina. May trabaho pang kailangang tapusin bago magklase. Hindi puwedeng mahuli. Hindi puwedeng magpahinga. Kasi kung huminto ako, hindi ako hihintayin ng mundo. Kung titigil ako, paano ako makararating?
Babalik ako ng estasyon. Hahakbang paloob ng tren at tutungo muli sa mas mahabang lakarin: palabas sa opisina, papunta sa unibersidad, papunta sa isa pang araw ng pagsusumikap. At kung sakaling makasabay kita sa hagdan ng AS pagkarating ko sa UP, pareho tayong pagod, pareho tayong may bitbit na bigat ng araw, baka saglit tayong magpahinga. Baka sa isang tipid na tingin, maramdaman nating hindi tayo nag-iisa.
Minsan iniisip ko, paano nga kung makita kita rito? Sa MRT-3, sa siksikan, sa hirap ng bawat biyahe. Baka sakaling sa gitna ng pagod, may makakaintindi. Baka sakaling kahit saglit, may makakahawak sa akin para hindi matumba sa biglang preno ng tren.
Pero kahit wala ka pa, kahit hindi kita makita sa buong biyahe ko, tutuloy pa rin ako. Sasakay pa rin ako bukas at sa mga susunod pa na araw. Kahit mahirap, kahit masikip, kahit nakakangalay. Kasi kailangan. Kasi ang buhay, napagtanto ko, ay hindi natatapos sa pag-apak ko sa MRT-3.