Semana Santa sa buhay ng ordinaryong taumbayan
Hindi lang dapat makita natin Siya bilang isang pigura sa kasaysayan at lider-espiritwal, bagkos ay tumatagos sa panlipunang reyalidad ng mamamayang Pilipinong kapwa dumadaan sa kalbaryo.

May materyal na kahulugan si Kristo noong Siya ay nabuhay kapiling ng mga sinaunang Palestino dalawang milenyo nang nakararaan.
Siya ay ipinanganak, nabuhay at namatay gaya ng isang ordinaryong tao. Ang mga disipulo at iba pang Kanyang nakasalamuha ay nakasalo niya sa pagkain, nasaksihan ang Kanyang pagpapagaling at kawanggawa, natuto sa Kanyang pagpapamalas ng habag, at nakiisa sa samu’t saring pangyayari sa buhay na naranasan nila noon.
Naging totoong tao siya, kahit na nabatid din ng Kanyang mga apostol na Siya ay Diyos din. Napakahalaga sa mga mananampalataya sa kasalukuyan na maisapuso pa rin ang katangiang temporal ni Kristo sapagkat naging instrumental sa mga mananakop noon at sa mga naghaharing-uri ngayon na ikulong si Hesus sa dimensiyong espiritwal. Nagsilbi itong paraan upang ipaghiwalay ang kaligtasang espiritwal sa kaligtasang indibidwal at kolektibo, pamamaraan tungong pasipismo at pagpapaamo.
Ang ganitong materyal na pag-unawa kay Kristo ay dapat maging inspirasyon sa ating mga mananampalataya sa papalapit na Semana Santa. Hindi lang dapat makita natin Siya bilang isang pigura sa kasaysayan at lider-espiritwal, bagkos ay tumatagos sa panlipunang reyalidad ng mamamayang Pilipinong kapwa dumadaan sa kalbaryo.
Sa darating na Semana Santa, narito ang isang maikling gabay kung paano masisilayan si Kristo at ang Kanyang mga pangangaral sa mga darating na araw:
Linggo ng Palaspas: Pumasok ang Kristong manggagawa sa Herusalem, pagsasakatuparan ng propesiya na dumating na ang dapat maghari. Ngunit tumaas ang kilay ng mga naghaharing-uri ng Israel. Ngayong eleksiyon, ang mga ordinaryong taumbayan na naggigiit ng pamumuno mula at para sa nakararami ang silang minamanmanan at inuusig ng estadong hindi tatanggap ng pamumunong ang interes ng nakararami ang mamamayani.
Lunes Santo: Nagpamalas ng galit si Kristo sa templo dahil ginagawang parausan ng negosyo ang sagradong espasyo. Mula sa katatapos lang na Lakbayan ng Gitnang Luzon, galit ang mga magsasaka at pambansang minorya sa walang habas na pagpapalit-gamit ng mga sakahan at lupang ninuno upang gawing parausan ng komersiyo, maging mga mall at subdivision.
Martes Santo: Ipinangaral ni Hesus na dapat maging halimbawa ang babaeng maralita, ngunit nag-alay pa rin sa templo. Masasabing ganoon din ang aktibismo, mga ordinaryong taumbayan na hindi nakatatanggap ng gantimpala, ngunit nagsusumikap pa ring makiisa at ibigay ang oras, talento at buhay sa pakikibaka ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.
Miyerkoles Santo: Pinagtaksilan ni Hudas si Hesus. Taksil si Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pangako para sa independiyenteng ugnayang panlabas. Sa pamamagitan ng kanyang hepe sa Armed Forces of the Philippines, pinapaypay nila ang atmospera ng digma sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng mas maraming armas at sa nakababahalang pahayag na magpapadala ng mga sundalo sa Taiwan sa panahong sumiklab ang giyera doon sa pagitan ng Tsina.
Huwebes Santo: Dumarami ang mga maralitang nangangambang humarap sa kanilang “huling hapunan.” Pataas nang pataas ang mga pamilyang Pilipino na nagsasabing sila ay gutom, mula sa 22.9% Setyembre nakaraang taon, naging 27.2% sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, pinakamataas mula noong pandemya.
Biyernes Santo: Patuloy na pinapako ang mamamayan sa palpak na serbisyo sa kalusugan. Anim sa 10 Pilipino na nga ang namamatay nang hindi nakakakita ng doktor, umabot pa sa P36 bilyon ang budget cut sa Department of Health at may P89.9 bilyong pondo ng Philhealth na inilipat sa Bureau of the Treasury.
Sabado de Gloria: Hindi natigil ang pagpaslang sa mga Pilipinong lumalaban sa ilalim ni Marcos Jr. gaano man inihihiwalay ang administrasyon mula sa nauna. Hindi bababa sa 119 ang kaso ng politikal na pamamaslang, habang mahigit 800 na ang biktima ng tokhang sa ilalim ni Marcos Jr. Ilan sa mga pinaslang ay kabataan, gaya ng pagpaslang ng AFP kanila Redjan Montealegre,18, at JP Osabel, 14, sa Masbate noong Disyembre.
Linggo ng Muling Pagkabuhay: Ang kuwento ng pagpapakasakit at kamatayan ay humantong sa resureksiyon. May resureksiyon tayong nararamdaman sa dumaraming kamag-anak at kapamilya ng mga nasawi mula sa madugong giyera kontra droga na nagsasalita laban kay Rodrigo Duterte at kumakalampag sa International Criminal Court para sa mapagpasyang hatol ng pagkakasala.
Nawa’y magsilbi itong munting gabay upang pagnilayan ang buhay, pagpapahirap at inaasam na muling pagkabuhay ng sambayanang Pilipino na kawangis ni Kristo.