Sa Santo Papang ipinanganak ng Imperyo
Hamon sa Santo Papang ipinanganak at pinalaki ng Imperyo na hindi kumiling sa interes ng Estados Unidos na pumapatay at nagpapahirap sa mga Kristo ng kasalukuyan.

Nahalal si Robert Francis Prevost bilang bagong Santo Papa noong Mayo 8. Ngunit sa Pilipinas, Mayo 9 na. Sa araw ding ito natapos ang taunang Balikatan Exercises, ang sanayang militar sa pagitan ng Pilipinas at ng amo nitong Estados Unidos na nagpapalala ng atmospera ng giyera sa rehiyong Indo-Pasipiko at umapekto sa kabuhayan at karapatan ng ‘di mabilang na mamamayan, gaya ng 6,300 maralitang mangingisda sa Zambales na naapektuhan ang kanilang hanapbuhay.
Bilang isang Katolikong anti-imperyalistang aktibistang nagbibitbit ng placard na “If Jesus were alive today, He would be killed by the American Empire” sa mga rally sa tapat ng Embahada ng Estados Unidos, taas-kilay talaga ang balitang ang bagong Santo Papa ay Amerikano. Ano kaya ang magiging tindig niya sa lumalalang paghahasik ng giyera ng Estados Unidos at sa patuloy nitong pandarambong sa mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas?
Bagaman lumaki sa Imperyo, niyakap niya ang pagiging Peruano at nabunyag ang kanyang pagiging mapagkawanggawa, matulungin, at mapagtanggol ng kalikasan kasama ng mahihirap at katutubo ng Peru bilang misyonero sa puntong naging naturalisadong mamamayan siya rito.
Kinilala niya ang mga inhustisya sa ilalim ng kurakot na dating Pangulong Pedro Pablo Kuczynski ng Peru. Ang Amerika Latina ang rehiyon na kapwa pinanggalingan ni Papa Francisco. Ang Peru ang bansang pinanggalingan ng tinaguriang “ama ng teolohiya ng pagpapalaya” na si Gustavo Guttiérez na sumakabilang-buhay nitong nakaraang taon.
Ngunit, ang tanong, kung gaya ni Papa Francisco at Guttiérez, ay magkakaroon din kaya siya ng malalim na pag-unawa hinggil sa ugat ng kahirapan sa Amerika Latina, ang walang humpay na pandarambong ng kapitalismo, partikular ng neoliberalismong ipinataw ng Estados Unidos?
Sa paglala ng mga krisis sa daigdig, hindi sapat ang kawanggawa. Hindi nito nasasagot ang ugat ng kahirapan. Minsan pa nga, nasasapatan na ang mga Kristiyano rito para lang makatulog nang mahimbing sa gabi at paamuhin ang konsiyensiya.
Kung ang kanyang hangarin ay gumawa ng mga tulay, iyon ay dapat maging tulay nawa siya sa pagkilala ng iisang ugat ng kahirapan at iisang pakikiisa at tugon upang kilalanin ang kasamaan at hindi ito hayaang magtagumpay.
Binanggit ni Prevost noong 2023, “Madalas, tayo ay abala sa pagtuturo ng doktrina, ngunit may bantang nakakalimutan na ang unang tungkulin ay ituro kung ano nga ba ang kahulugang kilalanin si Hesukristo.”
Kung susundin natin ito, kailangan nating kilalanin na si Kristo ay biktima ng Imperyo—muntik nang maging biktima ng masaker ng haring tuta ng Roma, nakaranas ng kahirapan mula sa pandarambong ng Imperyo, at pinaslang sa pamamagitan ng pinakamataas na hatol pangkamatayan ng Roma, bagay na isinasantabi para sa mga subersibong banta sa mga Cesar. Kung wala ang mga kalagayang istoriko-materyal na mga ito, walang kabuluhan para sa atin, mga Kristiyano, ang Kanyang papel bilang tagapagligtas.
Binasbasan tayo ni Papa Leon XIV sa balkonahe, “Hindi mananaig ang kasamaan.” At sa kasalukuyang panahon, ang kasamaan ay ang pangalan: ang Imperyalismong Estados Unidos. May mga nagkokomentong, naghalal ng Amerikanong Santo Papa upang pantapat daw kay Pangulong Donald Trump.
Ngunit ang Simbahan ay hindi lang ang Santo Papa; ito ay binubuo rin ng mga layko at ordenadong galing sa Global South na primaryang nakararanas ng hagupit ng imperyalismo. Kaya magkaisa tayo at organisadong kaisahin ang Santo Papa: hindi mananaig ang kasamaan, hindi mananaig ang imperyalismong Estados Unidos.
At kung ang kanyang hangarin ay gumawa ng mga tulay, iyon ay dapat maging tulay nawa siya sa pagkilala ng iisang ugat ng kahirapan at iisang pakikiisa at tugon upang kilalanin ang kasamaan at hindi ito hayaang magtagumpay. Hamon sa Santo Papang ipinanganak at pinalaki ng Imperyo na hindi kumiling sa interes ng Estados Unidos na pumapatay at nagpapahirap sa mga Kristo ng kasalukuyan.
Nananalangin akong manatiling misyonero si Papa Leon XIV, hindi magpakakomportable sa malaimperyong luklukan ng Roma, ngunit kilalanin ang mga inaapi at pinagsasamantalahan ng buong daigdig, matanto ang imperyalismong inuugatan ng kahirapan at kasamaan, at kumaisa sa mga mamamayan ng daigdig, kasama ang mga tagasunod ni Kristo, magsilbing mga tulay upang kailanman, hindi magwagi ang kadiliman at kasamaan ng imperyalismo.