Suring Balita

Impeachment ni Duterte, dapat ituloy

Pangamba ng Makabayan Coalition, kung hindi agad matuloy ang impeachment trial, maaaring makapagmaniobra ang kampo ni Duterte para maabsuwelto ang bise presidente.

Kinondena ng Koalisyong Makabayan, kasama ng mga impeachment complainants, ang pagpapaliban ni Senate President Chiz Escudero ng paglilitis ng Senado para sa nakaambang impeachment ni Vice President Sara Duterte. 

Sa isang pulong balitaan noong Hun. 3, sinabi ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na dapat umusad ang paglilitis kay Duterte sa Senado dahil ito ang nakasaad sa Saligang Batas.

“Ang punto dito ay ang Konstitusyon na ang nagsasabi, walang choice ang Senado kaya they should continue until they judge. Kayo lang ang may sole power to do this tapos iaabandona niyo nalang iyon. Paano ang accountability ng mga impeachable officials?” aniya.

Ipinagpaliban ni Escudero ang pagbabasa ng Articles of Impeachment laban kay Duterte sa Hun. 11, dalawang araw bago magsara ang Kongreso, na naunang itinakda noong Hun. 2.

Jordan Joaquin at Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Pangamba ng Makabayan, kung hindi agad matuloy ang impeachment trial, maaaring makapagmaniobra ang kampo ni Duterte para maabsuwelto ang bise presidente.

“Usapin ito ng accountability, hindi ito isyu ng mga politiko. Kung hahayaan natin na ganito ang sistemang walang usad, ang mga politiko lang ang aangat at hindi mga tao,” ani Kabataan Partylist Rep. Renee Co.

Para sa impeachment complainants, ang paglilitis kay Duterte ay hindi lang usapin ng politikal na bangayan kundi ng pagpapanagot sa paglulustay sa confidential funds at pagbusisi sa kung paano ginagastos ang pera ng taumbayan. 

Itinuro naman ni Liza Maza ng International Women’s Alliance si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang nasa likod ng mabagal na pag-usad at pagpapaliban ng impeachment ni Duterte.

“Dapat nga si BBM pa ang magmoveforward nito, pero sa ngayon napakalinaw na takot na takot siya dahil marahil ay posibleng mangyari ito sa kanya,” aniya.

Pebrero 5 pa inimpeach ng Kamara si Duterte. Kung susundan ang proseso ng impeachment batay sa 1986 Constitution, dapat kagyat na buuin ang Senado bilang impeachment court at simulan ang paglilitis.

Inimpeach si Duterte dahil sa paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, korupsiyon at katiwalian, at iba pang mabigat na krimen.

Malawak na Pagtutol 

Lumagda naman sa isang petisyon para manawagan sa senado na ituloy ang impeachment ni Duterte ang mahigit 204 anti-korupsiyong institusyon at indibiduwal. Tinutulan nila ang mga hakbang ng kampo ni Duterte na pigilan ang impeachment at itago ang katotohanan sa likod ng mga nakasampang kaso ng korupsiyon at katiwalian laban sa pangalawang pangulo.

Kabilang sa lumagda sa naturang petisyon ang 22 lider-simbahan, 34 mula sa akademiya, at 55 mula sa sektor ng kabataang mag-aaral mula sa iba’t ibang mga pamantasan.

 Kinondena rin ng iba’ ibang eskuwelahan ang pagpapaliban na nagaganap sa senado. Naglabas ng pahayag ng pag-tutol ang Ateneo School of Governance na binigyang diin na isang konstitusyonal na tungkulin ang pagpapatuloy ng impeachment. 

Iginiit naman ng pahayag ng Kagawaran ng Agham Pulitika ng De La Salle University na ang pagantala ng senado sa konstitusyonal na proseso ng paglilitis ay maitatala sa kasaysayan bilang isang kataksilan sa demokratikong pamamahala at lantarang pagtalikod sa kanilang pananagutan sa konstitusyon. 

Sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas sa isang pahayag na ang pagantala sa paglilitis ay isang kasalanan sa Diyos sapagkat hinahadlangan nito ang pag-usbong ng katotohanan. 

Jordan Joaquin at Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Konstitusyonal na proseso 

Para sa mga abogado at eksperto sa batas, niyurakan ng senado ang mga demokratikong proseso na kinakatawan ng 1986 Constitution. 

Nagkaisa ang mga guro at dekano ng limang Ateneo Law Schools sa pagtutol sa nakaambang paglilitis. 

Sang-ayon din ang San Beda Graduate School of Law sa pagsusulong ng paglilitis na anila’y batayan ng pananagutan ng isang gobyerno at nakasisira sa tiwala ng publiko ang pagpapaliban dito. 

Sa pahayag ng mga propesor ng University of the Philippines College of Law, hinamon nila ang Senado na isiwalat ang katotohanan at sumunod sakanilang konstitusyonal na tungkulin. 

Nagsimula ang proseso ng impeachment laban kay Duterte noong pormal na inihain ang ika-apat na impeachment complaint sa kamara noong Peb. 5, 2025 na sinuportahan ng mahigit 240 na mambabatas. Dalawang katangian ang tinitingnan sa mga dokumentong inihain. 

Una, ang “form” o teknikal na detalye ng reklamo at ang pagsunod nito sa proseso. Pangalawa ang “substance” o  ang mga alegasyon at mga argumento.

Kung mayroong sapat na presensya ng dalawa, hahanapan naman ng komite ng makatwirang rason sa paghain ng reklamo na tinatawag na probable cause. 

Para sa kaso ni Duterte, bumoto at inaprubahan ng mga miyembro ng kamara ang mga articles of impeachment noong Pebrero. Importanteng bigyang diin na kinikilala ng proseso ng kamara ang mga katiwalian ng isang opisyal ng gobyerno. 

Mahigit 4 na buwan na ang nakalipas, nakabinbin pa rin ang paglilitis sa senado. 

Ayon sa mga dekano ng limang Ateneo Schools and College of Laws, malinaw na nakasaad sa konstitusyon na matapos makakuha ng sapat na boto mula sa kamara ang mga artikulo ng impeachment, “trial by the Senate shall forthwith [kaagad] proceed.”