Luis Jalandoni, punong negosyador pangkapayapaan ng NDFP, pumanaw na
Pumanaw na si dating National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel chairperson Luis Gamboa Jalandoni.

Pumanaw na si dating National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel chairperson Luis Gamboa Jalandoni nitong Sabado sa Utrecht, The Netherlands, ayon sa anunsiyo ng Communist Party of the Philippines at NDFP. Siya ay 90 taong gulang.
“Labis naming ikinalulungkot na ibalita ang pagpanaw ni Ka Louie Jalandoni, minamahal ng masa, tunay na internasyunalista, rebolusyonaryong lider at matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan,” sabi ng CPP Central Committee at NDFP National Council.
Pumanaw si Jalandoni bandang 9:05 ng umaga sa Utrecht (03:05pm oras sa Pilipinas). Ayon sa source ng Kodao, namatay siya sa karamdaman sa isang hindi pinangalanang ospital.
Nagsilbi si Jalandoni bilang punong negosyador ng lihim na rebolusyonaryong kilusan sa prosesong pangkapayapaan sa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) mula 1995 hanggang 2016.
Bahagi na siya ng grupong pangnegosasyon ng Kaliwa mula sa 1989.
Nauna rin siyang kinilala bilang vice chairperson for international affairs ng NDFP at pinuno ng mga delegasyon nito.

Pinakamamahal, matalino
Ipinanganak sa isang mayamang pamilyang maylupa sa Silay, Negros Occidental, naging valedictorian si Jalandoni ng kanyang klase sa De La Salle University High School. Nag-aral siya ng pagkapari at muling nagtapos sa pinakamataas sa kaniyang klase.
Naordinahan siya bilang pari ng Simbahang Katoliko at itinalaga bilang pinuno ng Social Action Center (SAC) ng Diocese of Bacolod ni Bishop Antonio Fortich.
Dahil sa madalas na pagbisita ni Father Louie sa mga komunidad na nilulupig ng mga sundalo ng gobyerno, nakabuo siya ng mahigpit na ugnayan sa mga magsasaka at manggagawang bukid sa kanilang probinsya.
Sumali siya kalaunan sa CPP dahil sa nasaksihang pagsasamantala sa mga magsasakang walang-lupa.
Ipinamigay niya ang minanang lupa mula sa pamilya sa mga walang-lupang manggagawa noong 1960s.
Habang nagsisilbi sa rebolusyonaryong kilusang lihim, inaresto siya noong 1973 kasama si Coni Ledesma, isang madre na kasama niya sa SAC at nagmula rin sa isa pangmayaman at makapangyarihang pamilyang maylupa.
Sa paglaya nila noong 1974, humiling sina Jalandoni at Ledesma ng dispensasyon mula sa Vatican City para bitiwan ang kanilang panata sa relihiyon at magpakasal. Ikinasal sila ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa Casa San Miguel sa Mandaluyong City.
Noong 1970s, tinrabaho ni Jalandoni ang pagtatatag ng Christians for National Liberation at ng NDFP.
Tumulong sina Jalandoni at kasamang tagapagtatag ng NDFP na si Edgar Jopson sa welga ng mga manggagawa ng La Tondena noong 1975, ang unang protesta na sumalungat sa martial law ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Kalaunan, ipinadala sina Jalandoni at Ledesma sa Europa para itatag ang international headquarters ng NDFP na nanatili sa Utrecht.

Punong diplomat, negosyador ng NDFP
Nang bumagsak ang in-country peace talks ng NDFP sa GRP sa ilalim ni Corazon Aquino, itinalaga si Jalandoni ng NDFP National Council sa peace panel nito noong 1989.
Nagsilbi siyang punong negosyador ng Kaliwa sa GRP nina Fidel Ramos, Joseph Estrada, Benigno Aquino at Rodrigo Duterte.
Sa pamumuno ni Jalandoni napirmahan ang umiiral pa ring balangkas ng pormal na usapang pangkapayapaan: ang The Hague Joint Declaration of 1992.
Pinuri sa buong mundo bilang makasaysayang balngkas ng mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng magkatunggaling estado sa 56-taong giyerang sibil sa Pilipinas, napigilan ng naturang Deklarasyon na maging diskusyon lang ng pagpapasuko ang 36-taon nang patigil-tigil na negosasyon.
Pinangunahan din ni Jalandoni ang pakikipagnegosasyon ng rebolusyonaryong Kaliwa para sa iba pang makabuluhang kasunduan kabilang ang Joint Agreement for Safety and Immunity Guarantees, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, at iba pang mahalagang kasunduan.
Tinanggap ng NDFP ang matagal nang hiling ni Jalandoni para magbitiw bilang punong negosyador sa gitna ng ikalawang round ng pormal na pakikipagnegosasyon sa Duterte GRP noong Oktubre 2016. Itinalaga naman siya noon bilang senior adviser ng NDFP panel.
Huli siyang humarap sa publiko sa sabayang pag-anunsyo ng nagaganap na dayalogo sa pagitan ng NDFP, GRP at Royal Norwegian Government noong Nobyembre 2023 para sikaping muling simulan ang pormal na negosasyon sa GRP ni Ferdinand Marcos Jr.

Matatag sa mga prinsipyo
Malumanay na magsalita, inilarawan si Jalandoni ng mga kasama sa NDFP bilang matatag sa pakikipagnegosasyon.
“Sa usapin ng prinsipyo, hindi siya mababaluktot at hindi nakokompromiso,” paglalarawan kay Jalandoni ng hamalili sa kanya na si Fidel Agcaoili.
“Binibigyan namin ng pagkilala si Kasamang Jalandoni para sa pamumuno sa NDFP peace panel sa pagbubuo ng mga mahahalagang kasunduan sa GRP kabilang ang The Hague Joint Declaration, the Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees, at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law,” sabi noong 2016 ng namartir na NDFP peace consultant na si Felix Randy Malayao.
“Ang matatag at prinsipyado niyang paninindigan ay laging ipinapauna ang interes ng sambayanang Pilipino at ito ang dahilan kaya siya isang matagumpay na negosyador,”dagdag ni Malayao.
Pinuri din ni Royal Norwegian Special Envoy Elizabeth Slattum si Jalandoni dahil sa “(pagdadala) ng malaking karangalan sa mga negosasyong pangkapayapaan.”
“Habang nanatiling matibay at isang mahusay na negosyador, ang iyong awra ay parating mapayapa at kaaya-aya, at ang iyong pagiging bukas-palad at ang iyong kabutihang loob ay laging nariyan,” sabi ni Slattum, na noo’y facilitator ng usapang pangkapayapaan, sa kanyang sulat sa pagbibitiw ni Jalandoni. /Salin ni Neil Ambion
*unang inilathala sa Ingles sa Kodao Productions.